Home » Buhay Guro » SA LIKOD NG TELON

SA LIKOD NG TELON

Mahigit sampung taon sa pag-aaral. Pagkayaring makatapos sa kolehiyo, ang pinakaaasam-asam na lisensya ang susunod namang pagpapaguran sa pamamagitan ng pagkuha ng board exam. Makulay ngunit maraming balakid. Ang lahat ng nabanggit ay mga pagsubok na iyong pagdadaanan kung ikaw ay may pangarap na maging isang ganap na guro. Ngunit ang pagpasa sa board exam na inilista na natin sa kalendaryo ay simula pa lamang ng mga paghihirap natin bilang mga guro.

Sa apat na taon ko sa larangan ng pagtuturo, nakita ko ang tunay na reyalidad ng buhay. Nariyan ang napakaraming pagsubok hindi lamang sa aking pagtuturo. Isama na natin ang mga samu’t saring problema ng aking mga mag-aaral. Noong una, ang akala ko ay ako lang ang tama sa loob ng silid-aralan. Mayroong mga pagkakataong napapagalitan ko ang ilan sa kanila sapagkat hindi sila nakapagpasa ng kanilang takdang aralin. Mayroon ding mga pagkakataon na napapalabas ko sila ng silid-aralan sa kadahilanang hindi sila nakapagpasa ng proyekto sa aking asignatura. Ang ilan naman ay aking napapatayo tuwing sila ay hindi nakakasagot sa klase. Walang imik at animo’y nakalutang sa alapaap.

Sa paglipas ng mga araw, nakita ko ang mga tunay na problema. Aking nasaksihan ang ilang beses na pagpasok ng ilan sa aking mga estudyante ng walang baon at kumakalam ang sikmura. Mayroong mangilan-ngilan na hindi nakakapasok sapagkat kailangan na nilang magtrabaho sa bukid upang matulungan ang kanilang mga magulang sa pangaraw-araw na gastusin. Ang puso ko ay nadudurog kapag nakikita ko ang mga batang ito sapagkat kailangan na nilang magbanat ng buto kahit na nasa murang edad pa lang. Isang araw, naitanong ko sa aking sarili na tama ba silang pagalitan sa mga mali nilang nagawa. Sa pagkakataong ito ay aking hinawi ang saradong telon.

Nang minsang ako ay pumunta sa tahanan ng isa sa aking estudyante na madalas lumiban sa klase, nakita ko ang tunay na sitwasyon. Nang tinanong ko siya kung bakit hindi siya nakakapasok sa klase, bukod sa walang baon at pambayad ng pamasahe, siya ay nag-aalaga ng mga nakababatang kapatid. Tinanong ko rin siya kung nasaan ang kanyang mga magulang. “Hiwalay na po ang tatay at nanay ko.”, ang sambit niya. Nakakaawa. Nakakahabag. Ngunit bilang isang guro, wala akong magawa. Ito ang mga panahong ako ay naghihinagpis sapagkat ang mga munting anghel na ito ay maagang namulat sa reyalidad ng tunay na buhay: ang magsakripisyo alang-ala sa kanilang mga minamahal sa buhay. Ang kahirapan ang isa sa mga problemang hindi pa rin nahahanapan ng solusyon sa kasalukuyang panahon. Ito ang maituturing na kanser ng lipunan na kumikitil sa mga pangarap ng mga anghel na ito na nagsisikap mag-aral makapagbigay lang ng karangalan at matulungan ang kanilang mg magulang sa mga suliraning pinansyal.

Sino nga ba naman ang gaganahang magbasa ng mga aralin kung kumakalam ang iyong tiyan? Gumawa ng takdang-aralin kung ang gamit mo ay gasera sa tuwing sumasapit ang gabi? Pumasok sa eskwelahan kung ikaw naman ay walang pamasahe o dili kaya’y gumawa at magpasa ng mga proyekto kung ikaw ay walang pambili ng mga materyales sa paggawa nito? Sa kabila ng mga balakid na ito, mayroon pa rin na mangilan-ngilan na nagsisikap sa kanilang pag-aaral. Tunay ngang kahanga-hanga ang mga batang ito sapagkat sa kabila ng maraming pagsubok, sila ay nananatiling matatag at nakatindig. Puhunan nila ang sipag at tiyaga, at walang hanggang dedikasyon para makamit nila ang kanilang ninanais sa buhay. Minsan, hindi lang estudyante ang nakakakuha ng inspirasyon sa kanyang mga guro, ngunit maaari ring baligtarin ang sitwasyon. Bilang mga guro, tayo rin ay nakakakuha ng mga magagandang aral mula sa ating mga mag-aaral na hindi matutumbasan ng anumang halaga: at yaon ay ipagpatuloy natin ang ating misyon na makapagbigay at makapaghatid ng dekalidad na edukasyon sa pamamagitan ng pagiging tapat sa ating trabaho sapagkat nariyan ang ating mga mag-aaral na nagsisikap na maiahon ang kanilang pamilya mula sa kanilang pagdarahop.

Oo. Ako ay isang guro lamang. Ngunit ako ay naniniwala na malaki ang aking ginagampanang papel sa aking mga mag-aaral. Ito ay ibigay at ialay ang aking sarili para nang sa gayon ay matutong gamitin ng aking mga minamahal na anghel ang kanilang mga pakpak upang sila ay makalipad at maabot ang kanilang mga pangarap. Mga anghel na sa kabila ng walang baon ay pumapasok sa paaralan. Mga anghel na sa kabila ng gutom ay nag-aaral ng mabuti at pinipilit makasabay sa klase at mga anghel na sa kabila ng maraming pagsubok ay hindi nagpapagapi at pilit na lumalaban. Ang likod ng telon ay tila isang madilim na sinehan, ngunit nariyan ang pag-asa na sa kabila ng kadiliman, tayong mga guro ang nagsisilbi nilang liwanag upang akayin sila sa tuwid na daan.

Read: Isang Tasa ng Pag-asa

Share with your friends!

Mark Kevin Gabriel Santos

Mark Kevin G. Santos is a licensed teacher. He is a science enthusiast. He placed 7th during the September 2012 Licensure Examination for Teachers – Secondary Level. He is currently teaching at Tabacao National High School in Talavera, Nueva Ecija.

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.