Home » Buhay Guro » Tatlong Dekada ng Yeso at Pisara

Tatlong Dekada ng Yeso at Pisara

Iniunat ang pakpak tulad ng isang inakay na tinuturuan ng ina kung paano lumipad. Walang takot na pumalaot sa himpapawid at hindi alintana ang nakaambang panganib, kung saan ang hangad ay matutununan ang likas na laro sa pinasok na daigdig. Ito ang aking kwento. Halina at samahan ninyo ako.

Ganito ang pakiramdam ko nung una kong hawakan ang yeso at nagsimulang iguhit ang unang letra ng aking araling ituturo sa luntiang pisara sa isang payak na silid-aralang iyon. Paano nga ba nagsimula ang lahat, nakatutuwang pagbalikan ng ala-ala kung paano ako napadpad sa pampang ng paghuhubog ng kabataan. Matapos ang apat na taong pakikipagbuno sa sanlaksang gawaing iniaatas ng propesor at makipagsabayang kumilos sa mabilis na galaw ng lungsod at unibersidad na aking pinasukan, kumuha ng kursong hindi ko ganap na alam kung ano ang kahahantungan. A.B. Political Science, yaan ang kursong pinangarap ng mga taong nais lumangoy sa karagatan ng maraming batas na inaaral, mag-kabisa ng sanlaksang seksyon at artikulo, Masaya naman kaya lang kailangan ko ng maghanap ng trabaho pagkatapos ng unang yugtong ito, madami pa akong kasunod na mag-aaral at naroon na yung pakiramdam na hindi ka na dapat masyadong nakasandal sa magulang. Nagsimula akong maghanap ng trabaho, kung saan-saan, kahit ano ang hangarin ay kumita kahit paano makatulong at hindi na humingi pa, hanggang maisipan kong maghanap ng trabaho sa ibang bansa, naimpluwensiyahan ng masiglang kaway ng trabaho sa abroad kahit ano lang, dito pumasok ang mahigpit na pagbabawal ng aking ama, sumpa yata sa kanya ang anak na babaeng magtrabaho sa ibang bansa, dalawang taon na rin kasi siyang pumapalaot noon sa barkong panturista, pinalad na makapasok bilang upholsterer at nakita niya ang kahina-hinagpis na kalagayan ng mga babaeng nagtatatrabaho doon, inaapi ng amo at ang iba para lumaki ang kita nahahantong sa prostitusyon. ‘’Hindi pa naman daw ako ginugutom’’, ang sabi niya sa akin. ‘’Mag-aral ka na lang ulit. Kung naiinip ka, kumuha ka ng units sa kursong edukasyon, konti na lang yun isang semestre na lang’’, ang sambit ng aking ama. Napakalaki ng pananampalataya niya sa edukasyon bilang kalasag sa pakikipagtunggali sa buhay, pangarap kasi niya iyon na hindi natupad dahil maagang naulila sa ama. Umuwi ako sa probinsiya. Madami rin namang mahusay na kolehiyo sa amin sa Nueva Ecija, hindi pa tapos ang semester, kailangan ng magfile ng application para sa PBET exam, paano ang marka wala pa. Bunsod ng paghahangad na huwag lumagpas ang pagkakataon kasama ang mga interesado nagtungo kami at kinausap ang regional director para kami ay payagan kahit certification lang ang panghahawakan. Naawa yata at nagtiwala pinayagan kami. Tandang –tanda ko pa ng iniabot ng koreo yung sobre ng tagumpay, nakapasa ako sa exam, wala pang modernong pamamaraan noon hindi tulad ngayon isang klik mo lang makikita mo na agad yung resulta. Doon nagsimula ang lahat, ito pala yung reyalisasyon ng aming paglalaro nung bata, ako lagi ang teacher kasi ako lagi ang una at inaatasan ng guro na magturo na magbasa pag pagod na siya, noon pa may peer teaching na. Nakakatuwa pag naalala ko na ni hindi ako marunong gumawa ng lesson plan noon, basta ang alam ko ay mahilig ako sa pakikipagkwentuhan sa mga bata. Unang destinasyon, ang aking paaralan noong sekondarya, Masaya kasi kasama mo yung mga dati mong guro para alalayan ka, at dahil bata ka pa ang daling umagapay sa gusto at hilig ng eskwela. Ako ay naging permanente sa pangalawang paaralan na aking pagtuturuan. Ramdam ko ang pagiging proud ni nanay at tatay, ang maging guro noon ay isang malaking bagay, at hindi pinag-uusapan kung magkano ang sweldo at kung ikaw ba ay yayaman. Aaminin ko, noon ay may parang hindi maipaliwanag na saya at gaan ng pakiramdam, maestra, madam, mam, teacher, mga tawag na parang musika sa pandinig. Ang dami-dami ng nangyari, libo-libong mga mag-aaral ang nakatalamitam, iba’t-ibang kalagayan sa buhay, sari-saring ugali, pero bilang guro dapat marunong kang lumaro para gumaan ang lahat. Ang daming pagsubok, ang daming sigwa hindi lang sa larangan ng pagtuturo, sa pakikisama sa mga kaguro at pinuno, kung hindi pati sa personal na buhay, mga pangyayaring akala mo ay magpapasuko na sa iyo at tatakasan na lamang ang dakilang bokasyong ito.

Ang dami kong malalapit na kaibigan na nagkumbinse sa aking umabroad, ewan ko ba bukod siguro sa hindi ko kayang iwan ang aking maliliit na anak noon, talagang sa pagtuturo ang aking destinasyon. Ngayon milyong pera ang kanilang binibilang, ekta-ektaryang lupa at malalaking bahay ang tinitirhan. Sa biswal na pamamaraan makikita mo talaga ang tagumpay, pero hindi naman ako sasang-ayon kung kasiyahan ng kalooban ang sukatan, dahil sa akin ang libo-libong kaluluwa ng kabataan na nahubog ang mabuting pagkatao at bahagi ka nito ay isang malaking karangalan, walang katumbas na presyo. Iuugoy ka ng kaligayahan at mararamdaman ang tagumpay kung maririnig mo na hanggang ngayon namumutawi sa labi ni Engr. Danreb Alarcon, Nurse Aiza Lingad, Chiefmate Fidel Ramos, Teacher Eduardo Zamora Jr., Professor Apple Esteban at marami pang matatagumpay sa kanilang larangan ang mga salitang,’’MARAMING SALAMAT PO MAM, bahagi po kayo ng tagumpay kong ito, salamat sa mga payo ninyo. Sa pag-gabay at mga itinuro ninyo, naging inspirasyon ko po talaga kayo’’. Napapangiti na lang ako kasi sabi ko sa sarili ko ang yaman ko pala talaga. Ang dami kong yaman na hindi kayang bilangin at sukatin. Isang kayamanang walang kahalintulad. Isang kayamanang hindi ko ipagpapalit sa anumang bagay. Ito ang aking kwento sa loob ng tatlong dekada na kasama ang aking yeso at pisara.

Share with your friends!

Nancy Zamora

Nancy G. Zamora is a licensed teacher and a guidance counsellor. She has the passion of imparting her wisdom to help her students reach their goals in life.

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.