Home » Buhay Guro » Tsinelas ni Kulas

Tsinelas ni Kulas

Rumagasa ang tubig sa ilog sa likod ng Paaralang Dimasalang medyo malakas kasi ang ulan kahapon, kaya pilit na kumakawala ang apaw ng tubig galing sa bundok, masaya na naman ang mga damong ligaw sa sagot ng langit sa kanilang pagkauhaw, ngunit umiiyak naman ang sapatos ko dahil sa malagkit na putik na mangangamusta sa kanila.

Ordinaryo lamang ang araw na ‘to sa ‘ming mga guro dahil nakasanayan na, dahil nasa loob pa ang Paaralan sa pagitan ng masukal na daanan kaya wala pa ring magagawa kundi ang maglakad, maglakad hanggang sa makarating sa mga batang mag-aaral na nag-aabang sa ‘ming mga leksyon. Pero sa mga panahong ‘to naiisip ko ulit na mas ordinaryo pa ang araw na ‘to sa dating mag-aaral ng Dimasalang. Bakit? pataas naman mga mahigit sa 1 kilometro pa bago ang ilog ay magagawi ka na sa munting tahanan ni Kulas na mas may kwento pa kesa sa iba ko pang kwento.

Iba kasi si Kulas. Masasabi kong iba sya dahil nababasa ko sa mukha nya ang hirap ng buhay pero sinusuklian nya ‘to ng sipag sa pag-aaral. Magaling siyang gumuhit, mahilig magbasa at magsulat ng mga imahinasyong hindi mo aaakalaing maiisip ng isang batang nasa ikaanim na baitang.

Kaya lang….

Kwento ng kanyang Guro…

Laging late si Kulas. Alam ko na kung bakit! Ang tiyaga lang ng bata na kahit pawisan na sa umaga dahil sa mahabang ruta ng kanyang nilakad ay uupo lang sya sa kanyang upuan, makikinig, magsusulat, sasagot na para bang walang nangyari, parang nasanay na ang kanyang mga paa sa daan at ang isipan sa pagpapahalaga sa edukasyon.

Araw-araw niya ‘tong ginagawa.

Masasabi ko tuloy sa kwento niya na napakaswerte naman ng mga magulang ng batang ‘to, hindi sayang ang ibinibigay nilang baon (ewan ba.. hindi ko alam kung talagang may baon si Kulas dahil minsan nakikita ko lang siya sa sulok nakaub-ob kapag recess, kaya salamat sa Feeding program miski papaano’y nalalagyan ang kanyang tiyan) basta ang alam ko lang may baon parin ang bata, baon nya ang pangarap na makatapos para makaahon sa buhay.

Kalagitnaan ng Agosto, tag-ulan no’n. Sinabayan ng hingal ni Kulas ang mabilis na pagpatak ng ulan. Basang –basa si Kulas. Naabutan daw sya ng ulan sa daan. Pero walang kanselasyon ng klase.

“Sorry po Mam, late po ako” nakangiti ang bata habang bitbit ang tsinelas na may putik sa mga ilalim. Umupo kaagad siya sa upuan, pumilas ng ilang pahina sa manipis na niyang notbuk at saka tinuyo ang sarili sa ulan.

Kinabukasan… late pa rin si Kulas, bitbit ang tsinelas pero may bitbit na siyang payong na sira ang dalawang tangkay kaya kalahati na lang ng katwan niya ang basa. Nakangiti pa rin siyang nagdahilan.

Iba na ang sumunod na araw.

Ang kabiyak na lang ng tsinelas nya ang bitbit nya.

“O bakit ??? nasan na ang kapares nyan Kulas?”

“Ah eh Mam, nalubog po sa putik kanina, medyo malalim po hindi ko na po nakita, babalikan ko na lang po” sagot ni Kulas, kaya pala yumakap ang putik hanggang sa tuhod. Hindi na muna dumeretso si Kulas sa kanyang upuan kundi sa palikuran upang banlawan ang kulay tsokolate niyang mga binti at paa.

Hanggang sa…

Ikaapat na araw hindi na pumasok si Kulas.

Hanggang naging ikalima hanggang naging isang linggo, hindi pa rin pumapasok si Kulas. Tag-ulan pa rin nun. Hindi pa nga nakakakuha ng pagsusulit si Kulas dahilan para walang maibigay na marka aang kanyang guro sa kanya. Gusto nang malaman ng kanyang guro ang dahilan, kaya pinilit ng gurong makapunta sa kanila.

Sa kalagitnaan ng paglalakad.

Unti- unti pang naintindihan ng guro ang makulay na paglalakbay ng bata papuntang Dimasalang. Hindi lang pala isang ilog ang tinatawid ni Kulas kundi tatlo. Medyo may mataas, mababa, matarik na daan pa papunta sa kanilang munting kubo.

Malapit na ang guro.

Nangamusta ang mga tanim na mustasa, nagpakumbaba ang mga talong at masayang bumungad ang mga sitaw sa guro, medyo malawak rin ang tanimang gulay nila Kulas.

“Kulaaaass… Kulaaaass…” malakas na tawag ng guro.
Kumahol ang aso! Napahakbang pabalik ang guro.
“Javar si Mam ‘yan! Balik ‘dun, balik bilis…” mabilis na bungad ni Kulas bago pa makawala ang alagang aso.
“Magandang pagabi po mam” masayang bungad ni Kulas sa kanyang guro.
“Medyo kinabahan naman ako sa aso ninyo Kulas, pumunta ako dito upang kamustahin ka at ipaalala sa’yo na nagkaroon na ng pagsusulit ang paaralan, bakit ka ba hindi na pumapasok?”
“ah eh Mam, pasok muna po tayo sa loob ko na lang po ikukwento” ang yaya ni Kulas sa kanyang guro.

Nagulat ang guro sa kaniyang nakita. Nakasampay ang mga natutuyo nang mga libro at notbuk sa mga salabit na kawad na ginawang sampayan. Parang umiiyak ang mga mumunting likhang sining ni Kulas habang nakalagay na lamang sa isang kahon, basa na rin, pero ginawa namang masaya ng mga medalya at sertipiko ng mga patimpalak pampaaralan ang dingding nila Kulas.

Sa isang bahagi ng tahanan, naging malungkot muli ang guro. Nakadantay ang halos buto’t balat na matanda sa may kawayang papag. Dumating na sa pagtitimpla ng kape si Kulas bago pa man magtanong ang guro sa isipan.

“Mam pasensya na po’t wala pong gatas ‘yan” sabay abot ng mainit na kape sa guro.”
“ ayos lang ‘yan Kulas…”
“Kulas sino ‘yung nasa papag?”

Nag-iba ang timpla ng mukha ni Kulas parang pagtimpla lang niya ng mainit na kape. Nagsimula nang magkwento si Kulas.

“ Mam, matagal na pong ganyan si Tatay, na stroke po siya eh, medyo mas malala pa po nitong nakaraang linggo dahil iba na po ‘yung nararamdaman niya kaya pinaltan ko po muna ang tatay sa bukid”
“ah kaya, hindi ka nakakapasok?”
“opo, wala na po kasi akong nanay, tsaka ang balik pa po ni Lolo ay kinabukasan na bumaba po, para itinda ‘yung mga gulay, kaya wala po… ako lang po ang nagbabantay kay tatay.”

Wala nang lumabas na salita sa guro, naghalong lungkot, awa at paghanga na lang ang naglaro sa kanyang emosyon. Nagtanong muli si Kulas.

“Pede pa po bang humabol Mam sa pagsusulit?”

“Siguro po sa isang Linggo pwede na po ulit akong pumasok… pwede po ba mam?” sunod-sunod na tugon ni Kulas sa Guro.

Lalong humanga ang guro kay Kulas sa determinasyon nito sa pag-aaral.

Ngumingiti na lamang ang guro sa bawat dagdag ni Kulas sa kanyang kwento.

Dumidilim na.

“Mam, kukunin ko lang po ‘yung gasera” sabi ni Kulas habang bitbit na rin ang pinag-inuman ng guro.

Napansin ng guro na wala pa ring sapin sa paa ang bata, medyo maputik ang lapag ng bahay.

“Kulas nasa’n ang tsinelas mo, maputik ang lapag oh” sabay turo sa paa ni Kulas.

“Mam hindi po ba’t hindi ko na po nakita ang kabiyak…Ito po ‘yung kapares mam oh”
Sabay turo sa dala-dala nitong gasera, ginawa na lang niyang palaman ang bahagi ng tsinelas sa palara ng gasera para magbigay liwanag sa kanilang tahanan. Napatahimik muli ang guro.

Umupo ulit si Kulas at nagkwento pa tungkol sa masasayang sandali kasama ang malakas niya pang tatay. Kinuwento din niya ang mga panaginip na nililipad daw siya ng isang higanteng tsinelas papunta sa eskwelahan para hindi na daw siya nahihirapan sa paglalakad, ang panaginip na magkaroon din ng tsinelas ang kanyang tatay na magbibigay ng lakas para muli itong makalakad, ang tsinelas na susundo sa kanyang nanay sa langit para muli niyang makausap at mayakap at ang huli, ang panaginip na nagkaroon muli siya ng isang ordinaryong tsinelas.

Totoong hindi na niya nakita ang kabiyak ng kanyang tsinelas… wala na siyang nabalikan… sumandaling nakayapak na lamang siya sa mga pagsubok ng buhay at naghintay sa pagbabalik ng dati, minsan hindi talaga patas ang mundo pero nasa atin pa rin kung paano natin ito mababago.

Kay sarap balikan ang mga ala-ala…

Tapos na po ang kwento ko…

Ang kwento ni G. Kulas Dimasuko, ang dating batang laging nakayapak, nagmamadali papuntang eskwelahan at ang minsang sinubok ng pagsubok ng buhay ngayo’y isang guro na sa dati niyang paaralan.

Photo Courtesy: masterxiomai

Share with your friends!

Jhucel Atienza del Rosario

He is the happiness ambassador of teacherPH, elementary teacher, creator of FaceBook Page: Ang Masayahing Guro, Artist @ GuhitPinas, Musikero kuno, komedyante sa gabi, adik sa kape... mangingibig. Follow him on Facebook.

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.