Professional learning online community of teachers and for teachers.

Ang Makulay na Daigdig ng Isang Gurong Partaymer

1

Makulay, masaya, nakakapagod, nakakatuwa, yan ay ilan lamang sa mga salitang maari kong maiugnay sa aking buhay bilang isang gurong partaymer na maari ring maiugnay sa buhay ng mga taong tulad ko ay binubuhos din ang buhay sa pagpapartaym huwag lamang masayang ang panahon at kumita ng extra income.

Ang buhay ng isang gurong partaymer na tulad ko ay maihahalintulad ko sa isang kahon ng krayola na may iba’t ibang kulay. Mga kulay na nagbibigay-buhay sa isang bagay at kumakatawan sa iba’t ibang damdamin. May mga kulay na mapusyaw, maputla, madilim at malabahaghari. Gaya ng mga kulay na ito, nakakatuwang isiping ganyan din ang makulay na mundo ng mga tulad kong gurong partaymer.

Ang mapupusyaw na kulay tulad ng kulay puti ay nagpapamalas ng kadalisayan ng pagmamahal ng mga gurong partaymer na tulad ko sa aming propesyon na sa kabila ng mga hamon sa buhay at hapong pangangatawan ay nanatili pa rin ang aming pagmamahal at dedikasyon sa aming sinumpaang tungkulin. Buong sigla at husay pa rin naming ginagampanan ang aming tungkulin nang may ngiti sa aming mga labi.

Ang mga kulay na maputla naman ay sumisimbolo sa mga malulungkot na sitwasyon sa aming buhay, ito ang mga panahon na halos mapapaiyak ka na lang dahil wala na kaming mahugot sa aming mga pitaka kaya talaga naming mapapahugot lines na lang kami, ika nga ng ilan ay “panahon ng taghirap”. Ito ang mga panahong lupaypay na ang aming mga katawan dahil sa sobrang pagod na aming nararamdaman dahil na rin sa pagsasabay-sabay ng aming mga gawain ngunit walang mapagpipilian kundi ang maghanapbuhay pa din.

Kung minsan, ang aming buhay din ay puno ng kalbaryo dahil sa hirap, pagod at mga personal at propesyunal na mga suliranin, isabay mo pa ang mga problemang pampamilya at pag –ibig. Minsan, dumadating sa punto na nais ko ng gumulong at tumakbo na tila ba nakikipaghabulan ako sa karera ng kabayo makarating lang ako sa susunod kong klase sa ibang paaralan. May mga araw na kailangan pa ring pumasok kahit na may nararamdaman sa katawan o di kaya ay may mga mahahalagang natanguang gawain o usapan kulang na nga lang ay gayahin ang kage bunshin technique ni Naruto upang magkaroon ng maraming bersyon n gating mga sarili matupad lamang ang mga naiatas na gawain. Bukod dito, isa rin sa pinakanakakalungkot na sitwasyon ay kapag tayo ay tumitingin sa salamin at nakikita natin ang ating mala –undas na kaanyuan (hahaha), mga matang mala zombies na gumanap sa Train to Busan sa pangingitim dahil sa madalas na pagpupuyat, mga wrinkles na sadyang nakakabadtrip tingnan at syempre ang mga eyebags na halos sinlaki na ng mga maleta . Mala Mahal na Araw ang dating na kailangan pagtiiisan ang araw-araw na pakikibaka sa buhay, magampanan lamang ang lahat ng tungkuling iniatang. Yan ang madilim na takbo sa buhay ng isang tulad kong gurong partaymer.

Ngunit di naman sa lahat ng pagkakataon ay pawang kalungkutan at pighati, masaya rin naman ang mundong ginagalawan namin. May mga sitwasyon din na tipong malabahaghari rin naman ang aming nararanasan. Isang halimbawa nito ay kapag araw ng sahuran…mas maraming trabaho, mas maraming pera, mas masaya ang buhay. Lalo na pag sumasapit ang araw ng Kapaskuhan, maliban kasi sa sahod at bonus na natatanggap namin sa aming mga regular na trabaho, madaragdagan pa ito sa iba pang paaralan na aming pinagtatrabahuan (o di ba ang saya!). Pero ang pinakamasaya sa lahat ay ang pagkakataon kong makakilala ng iba’t ibang tao tulad ng mga nangangasiwa sa paaralan na nakatulong nang malaki sa pagpapaunlad ng aking kakayahan bilang isang propesyunal na guro, mga kapwa ko guro na hindi lang nagsilbing katrabaho kundi isang kaibigan at inspirasyon din at higit sa lahat ang aking mga mag-aaral na itinuring ko ng mahalagang bahagi ng aking buhay. Mga natatanging pagkakataon na talaga namang makakapagpaunlad sa aking pagkatao

Sadyang hindi ganun kadali ang buhay ng isang gurong partaymer na tulad ko. Puno ng pakikibaka at mga hamon dulot ng pakikisama at pakikiangkop sa mga sistema ng bawat paaralan na aming pinapasukan, kapaligiran, guro at mga mag-aaral. Magkagayon man, hangad pa rin namin na magampanan nang buong husay ang bawat tungkulin na sa amin ay ipinagkaloob, maging mabuting inspirasyon sa lahat ng tao na aming nakakasalamuha at maging pagpapala sa lahat.

Mabuhay ang mga Gurong Partaymer

Leave A Reply

Your email address will not be published.

1 Comment
  1. Glenda leslie Baker says

    You have the passion to teach, my salute to you .