Professional learning online community of teachers and for teachers.

Loandon Loandito (Ang Kwento ng Pagpirma, Pagpila at Pagkuha)

1

Alam ko na kung bakit ka nandito,
pero para sa’yo, Isang Tula muna…

Kapos, na short, wala na naman akong madukot
Pasukan na naman ni Junior, Naku lagot!
Basag na ang alkansya, pitaka’y nakanganga
ATM ko’y Pagod na, Pati bigbig ko “nganga”…

Hindi ba sakto ang buwanan at kahit gawing kinsenas?
OO!! Kulang na kulang, mag-aabono ka pa sa gas,
Kung bilhin: kuryente, tubig, ulam at bigas:
kay mahal! ako na lang ang ‘di tumataas

Bad trip! Pero walang magagawa, may nagrally na nga dyan
Ang mga kawali(kawani) ay binge pa rin sa katotohanan,
Aba! Pogi mu ngayon ah! meron ka ba dyang natatago kaibigan
Baka pedeng pahiram muna, promise babalik ko din sa katapusan

‘Di mo naman ako masisisi, hindi lang talaga sumasapat
Paliit na ng paliit ang mga numero ko hanggang sa apat.
Oh Anu Wala??? ‘Di nga? Sya kung ganun comaker na lang ulit kita
May FORM ka pa ba? paXerox naman ako nang problema’y matapos na.
(pagkatapos babalik ulit ako sa simula)

Umaga na naman. “HANUBAYAN!, nakow Final Exam na ni Junior sa isang buwan. Paano kaya to?” sabi ni Sir Berto, kasabay din non eh hawak niya din ang bill sa kuryente, bill sa tubig at bilbil. Sir bakit? lapit na naman ang katapusan okay lang yan mababayaran na yan! Lupaypay na umupo si Sir Berto, “Alam mo Tino, bata ka pa nga talaga, maiintindihan mo din pagdating ng panahon.” Madramang sabi ni Sir. Hindi ko maintindihan kung gutom lang ‘yun o talagang may pinaghuhugutan siya sa mga salitang puno ng pighati. Hanggang sa bumanat na si Sir.

Siniko ako at sabay sabing, “pahiram naman ako, babalik ko din sa isang linggo” syempre di na ko nakapalag ang laki niya kaya kinuha ko na si pitaka sabay hugot ng pera.

“Baka gusto mo din akong samahan, pagkakaperahan ‘to.”

Naku sir ayoko ko pong makulong, gusto ko pa pong magkapamilya, magkaanak at makapagturo ng matagal!”. Anu ka Ba! OA mo naman! Mag LOLOAN ako samahan mo ako para alam mo na din ang proseso, para mabayaran na rin kita, sa isang Linggo pa naman.

“AHHHHHH… kala ko po kung ano eh, sige po” (sabay kamot)

Makalipas ang isang Linggo…

Tinungo namin ang lugar kung saan alam na alam na niya ang papunta at daan, nagtataka ako dahil pati short cut ay alam din niya.

“Nandito na tayo!” hingal na sabi ni Sir Berto. Kahit naglagkit na kami sa pawis at humalo pa ang alikabok ng usok galing sa trapik maayos kaming nakarating, malas nga lang dahil baka naman magkapulmonya kami dahil matutuyuan ‘yata kami ng pawis dahil sa todong lakas na lamig ng aircon. Inilabas na ni Sir Berto ang Mga Forms halos ‘sing kapal ng buhok niya ang dami ng mga inayos at pinaxerox niyang mga papeles. Ang dami palang requirements.

“Pahiram ng ID mo at ipapaxerox ko…” Bumanat na naman si Sir, “ anu po?? Bakit po eh kayo naman ang Manghihiram ng pera dito???” sagot kong may halong takot.

“Hindi… kaya kita ‘din sinama dahil gagawin kitang katuwang sa gagawin ko”, pumirma ka narin dito! HeHeHe”… (tawang bruho si Sir)

Sabay turo sa limbag na sulat ng pangalan ko sa papel, sinamahan pa niya ng mahabang paliwanag ang pagpirma ko, hindi ko na nga maintindihan basta may MAKER-MAKER pa siyang sinabi. (ngiting pilit)

tapos biglang… NATAUHAN NA ‘KO! “Ho?” tanong na nag-echo sa buong lugar…

Wala na akong nagawa, loko si Sir, feeling ko isinabak ako sa isang giyera na walang armas. Inisip ko na lang na nakatulong naman ako sa isang taong nangangailangan ng karamay. Isang taong nasa gitna ng problema.

Nang ipapasa na namin ang mga papeles ay may isang matandang may suot na salaming makapal ang grado at kulot ang sumabat sa isang tabi. Pinulupot ang kamay with matching iling-iling at tsk tsk! sinabi niya: “hay naku!!! Ito na naman ang mga teacher , loan na lang ng loan kaya wala nang natitira sa sahod,” Hindi ko alam kung nagbibiro siya o may problema siya, mukhang hindi lang grado ang makapal sa kanya(Biro lang ha). Hindi ko kasi maipaliwanag ang itsura ng mukha ni Sir Berto pareho naman kaming gwapo pero pumangit siya ng sabihin ng matanda ang mga salitang iyon.

Nayabangan siguro si Sir sa banat ng matanda, kung alam lang ng matanda ang problema ni Sir siguro baka paunahin pa niya kami sa pila, pero hindi… ang pinamalaking tanong pa sa akin ay paano niya nahulaan na Guro kami eh hindi naman kami nakauniform!…Ehem . Hayaan na natin yun.

“Huwag pansinin ang taong kulang sa pansin at nagpapansin.”

Matapos ang 213 steps paikot-ikot sa circumference ng lugar at 412 na hakbang balik panaog sa mga mag-aayos ng problema ni sir ay matiwasay niyang nakuha ang kanyang inaasam! OPO! nagwagi si Sir Berto! naproseso ang kanyang mga papel at ngayon ay dala na niya ang PERA, ang KAPAL! Kasi nga CASH. Doon ko nakita ang tunay na kahulugan nang pagiging INA kay Sir Berto dahil sobra niyang yakapin ang kanyang bag na nasa harap nakasakbit at parang kahit na sino ay walang makakaagaw sa kanyang pinanghahawakan.

Taglay ng mukha ng amang guro ang ngiti dahil masosolusyonan nang PANANDALIAN ang kanyang mga problema sa buhay. Ganito pala ‘yon, sabi ni sir… mababawasan, madadagdagan, kakaltasan at babalik ulit siya dito, paulit-ulit lang ang nangyayari at mangyayari AT lahat ay nangyayari dahil kailangan. Ganito nga ba talaga ang buhay ng isang guro? buti na lang SINGLE pa ako.(ngiti) at siguro nga, darating ‘din ang panahon na sasamahan naman ako ni Sir Berto dito sa panahong ako na ang may kailangan, dahil sa mundo daw ng pagtuturo dedikasyon ang puhunan, tapos may kapalit na sakto sa kabuhayan ngunit ang balik ay mga matagumpay na pangarap ng mga bata. *ang lalim.

PANGHULI…

Dumiretso nga pala kami sa isang Fast Food Chain, at sobrang fast ‘din naming naubos ang pagkain sa gutom.(Syempre libre ni Sir Berto, *hihihi at ang yabang pa niya na nagbayad sa Jeep dahil siya na daw ang bahala sa’kin.)

BASA:

  1. Klase ng mga Titser kapag may Seminar
  2. Ang Makulay na Daigdig ng Isang Gurong Partaymer
  3. Kung bakit mas magandang umibig ng kapwa guro
  4. Payo para sa mga single na bumabyahe

Leave A Reply

Your email address will not be published.

1 Comment
  1. Jestony Gagap says

    hahaha relate much