Home » Buhay Guro » Kulang ang Walong Baso ng Tubig

Kulang ang Walong Baso ng Tubig




1. Dahil iniyakan mo ang huling pagtatagpo ninyo
dahil siya ay kumawala na, kailangan mong punan ang nawala

2. Pagkatapos mong kumain kahit ang totoo’y hindi ka makakakain sa pait
Iinom at iinom ka pa rin dahil sa sakit… ang sakit

3. Matapos mong basahin ang huli ninyong pag-uusap, bago ka pumasok
maiisip mo na naman siya, iinom ka ulit bukod sa paghahanda
Sa matinding trapik kundi pati na rin sa dibdib pampakalma




4. Matapos mong maglakad ng kaunti naalala mong magkasabay kayo
Sa mga oras na ‘to, tatabi ka kukuha ng baunan iinom ulit dahil
Sa kanyang mga sinayang na tagpo

5. Matapos ang kalhati ng araw iinom ka bago kumain dahil alam mong
Hindi ka na naman makakakain, paparusahan ang sarili
Kahit alam mong hindi ikaw ang may kasalanan kundi siyang nanahimik




6. Habang nakangiti na ang araw iinit na naman ang paligid
Magtataka ang katabi dahil ang luha mo’y lumiligid
Kahit hindi mo pa kailangan aalukin ka nya ng inumin
Sasabihin mo sa kanya ang lahat, tapos sa huli
wala naman talaga siyang maitutulong
Dahil kahit bigyan ka pa niya ng payo,
ibang kumilos ang tadhana para sa’yo
Sa puso pa rin siya bumubulong

7. Iinom ka ulit pagkauwi sa bahay,
sasariwain ang isang araw na nasayang
Dahil sa pag-iisip lamang sa mga nagdaan, ginagapos ng sakit
Na tinutulak palabas sa mata at sakit sa lalamunan, patungo nga ba talaga sa puso?
O sa pagdaloy sa utak ng mga alaalang natuyo na sa layo?

8. Hindi ka na haharap sa lamesa,
kukuha na lang ng baso pupunan ng tubig
ang natuyo ng pag-asa…
kay saklap pa at mukha na naman niya ang nasa imahe ng linaw ng tubig,
iinumin mo ulit sabay sa layo ng tanaw tititig
iniisip siya samantalang hindi ka na naman niya iniisip,
pagkatapos biglang lalabo ang tubig

Balik ulit sa una… Bago ka matulog, yayakapin ang unan
Iiyakan ang dating pagmamahal…
Ang sakit, hilo ng utak tapos sa puso kailangan ng tubig
Dahil mas malaking porsyento ng tubig ang bumubuo sa katawan ng tao
At dahil hindi ka niya nabuo, bagkus tuluyan ka pang pinaghiwa-hiwalay
Iinom ka na lang ulit ng tubig.. iiyak na lang ulit… lungkot ‘di mawawalay
Hanggang sa masasanay na sa pag-inom
Kahit minsan hindi na tubig ang iniinom
Maniniwalang babalik pa siya?…
Pero sa huli maniniwala na lang na
magiging maayos din ang lahat, wala na siya.




-Sir Jhucel

Leave a Reply

Scroll to Top