Professional learning online community of teachers and for teachers.

Lapis ang Sandata

3

Dalawang beses sa isang taon, libo-libong mga guro ang kumukuha ng Licensure Examination for Teachers upang maging ganap na propesyonal sa hinaharap. Gamit ang isang piraso ng lapis na siyang kailangan upang sagutan ang mga hindi inaasahang tanong, baon nila ang kanilang mga pangarap na mapabilang sa listahan ng mga nakapasa na ilalabas makalipas ang ilang buwan.

Ang pumasa sa board exam ay nangangahulugan ng maraming bagay sa mga gradweyt na nagnanais na maging guro. Para sa ilan, ang pagpasa sa board exam ay nangangahulugan na maaari nilang maiahon ang kanilang pamilya mula sa hirap. Ang ilan naman ay kumukuha ng board exam upang magamit nila ang kanilang pinag-aralan sa kolehiyo. Para naman sa ilan, sila ay may gustong patunayan sa kanilang mga sarili kayo ganoon na lamang ang kanilang kagustuhan na mapagtagumpayan ang pagsubok na ito. Iba’t iba man ang dahilan, samu’t sari man ang pinanghuhugutan, naroon pa rin ang pagnanais ng bawat isa na mapaganda ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Sa pagkakataong ito, hayaan ninyo ako na ikwento ang aking karanasan sa pagkuha ng pagsusulit na ito. Pangatlong taon pa lamang ako sa kolehiyo, naroon na ang pangamba sapagkat isang taon na lang, gusto ko man o hindi, ako ay kukuha na ng board exam. May mga kilala ako na hindi pinalad na makapasa, kaya hindi maiwawaksi sa akin ang kaba na baka ako ay matulad din sa kapalaran na kanilang kinasadlakan. Para sa ilan, ang isang taon ay mahabang panahon na upang pag-handaan ang pagsusulit. Ngunit para sa akin, ang panahong ito na aking gugugulin sa pag-aaral ay napakaikli sa dami ng aralin na itinuro ng aking mga propesor sa loob ng apat na taon. Oo. Apat na taon. Kung iisipin, napakaraming aralin ang dapat balik-tanawin upang maging handa sa isang labanan na hindi mo alam kung ano ang kahihinatnan.

Maaga pa lang, sinimulan ko nang magbasa bilang paghahanda sa board exam. Nandyan na pumunta ako sa mga book store upang bumili ng mga reviewer na makakatulong sa akin upang mapataas ang tyansa na makapasa. Isang araw, nang aking sagutan ang mga tanong mula sa reviewer na aking nabili, halos sitenta ang aking mali sa isang-daang tanong na pinagpaguran kong sagutan. Noong mga panahong iyon, nagkaroon ako ng duda sa aking sarili na baka ako ay hindi palarin sa aking pinaghahandaang misyon. Ang pagkabigong ito ay hindi naging balakid para hindi ko na ituloy ang laban. Bagkus, ito ay nagsilbing indikasyon na kailangan ko pang paglaanan ng maraming oras ang pagbabasa na makakatulong ng malaki kapag dumating na ang itinakdang araw.

Habang papalapit na ang araw ng board exam, hindi ko maiwasang kabahan. Wala akong sinayang na oras. Review dito, review doon. Basa dito, basa doon. Kulang na lang ay basahin ko ang pinagbalutan ng tinapa na siyang itinitinda na aming kapitbahay, nagbabaka-sakaling mayroon akong makuha na mahalagang impormasyon mula sa pambalot na iyon.

Araw ng board exam, baon ang isang piraso ng lapis at aking tanghalian, buong tapang ako na pumunta sa testing center kung saan ako ay kukuha ng pagsusulit. Madaling araw pa lang ay kitang-kita mo na ang bugso ng tao na kukuha rin ng board exam, baon ang pag-asa na makapasa at mapabilang sa listahan ang kanilang mga pangalan. Bilang gradweyt ng Secondary Education, tatlong set ng exam ang aking kinuha: General Education, Professional Education at Field of Specialization. Sa tatlong ito, sa General Education ako nahirapan. Bukod sa mayroong Mathematics na ayaw ko noong hayskul ay nariyan din ang pagbabasa ng mga “passage” sa English subject na kung saan kailangan ko itong i-interpret ng tama. Nakakabugnot. Nakakahilo. Para akong nasa tsubibo ng sinasagutan ko ang mga tanong sa parteng ito. Hindi ko kasi alim kung saan hinugot ang mga tanong. Ang hirap na inabot ko sa General Education subject ay kabaligtaran naman sa mga nahuling parte ng pagsusulit. Siguro ay mas pinaglaanan ko ng oras ang pagrereview sa Professional Education at Field of Specialization kung kaya naman ay madali kong nasagutan ang mga tanong na nakapaloob sa mga ito. Idagdag pa ang mga magagaling na propesor na nilaan ang kanilang oras para mapalawak at mapalawig ang aming kaalaman. Pagkayari kong masagutan ang pagsusulit, para akong nabunutan ng tinik sapagkat ang hirap na dinanas ko sa loob ng maraming buwan ay natapos na.

Makalipas ang dalawang buwan ng paghihintay, inilabas na ang listahan ng mga nakapasa. Napabilang ang aking pangalan sa mga pumasa. At hindi lang iyon. Ako ay napasama sa listahan ng mga topnotcher sa board exam. Hindi ako makapaniwala noong panahong iyon. Nagbunga rin ang aking paghihirap na dumalo sa mga review session at magbasa ng mga libro. Sa pagpasa sa board exam, mas napatunayan ko na totoo nga ang kasabihan na pag may tiyaga, may nilaga. Ang aking pagpasa ay iniaalay ko sa mga taong walang sawang sumusuporta sa lahat ng aking mga balakin: ang aking mga magulang, kapatid, mga guro, at mga kaibigan. Higit sa lahat, ang tagumpay na ito ay iniaalay ko sa Dakilang Lumikha na siyang nagbigay sa akin ng karunungan upang mapagtagumpayan ko ang misyon na ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.

3 Comments
  1. Frenly says

    Lord sana makapasana ako sa taong ito…

  2. Judie says

    Inspiring story! Congratulations! I hope I can spend more time para mg-review kahit may work ako. God Bless!

  3. nashivs13 says

    Wow! congratulations po sa iyo. Hmmmm pashare naman ng blessing jan! 🙂 Biro lang. 😛