Ano ang Kahandaan ng TVL Graduates sa Pagtatrabaho?

Ang mga nagdisenyo ng TVL Track curriculum ay mga doktor na galing sa mga pinakamagaling at pinakamataas na institusyon ng edukasyon. Sila ay walang direktang karanasan at training sa paghawak at paggamit halimbawa ng lathe o maging welding machine. Sila ay mga doktor na kulang ang kaalaman sa computer hardware repair and maintenance at networking. Kahit pa sabihing nagkaroon ng konsultasyon sa TESDA ang pagbuo ng kurikulum, masasabi pa ring ang mga doktor na ito ang nasunod dahil malayong malayo sa Training Regulation at Competency-Based Curriculum ng TESDA ang kasalukuyang Curriculum Guide na pinasusunod sa lahat ng Senior High School TVL Track.

Matibay ang paniniwala ng mga naglunsad ng Senior High School Program na HINDI na kinakailangang tumuntong sa kolehiyo ang mga gagradweyt sa K to 12 upang makapagtrabaho. Ang pangakong pwede nang magtrabaho ang kanilang mga anak kapag natapos ang high school ang nagsilbing motibasyon sa mga magulang upang tanggapin ng buong puso ang karagdagang dalawang taon. Dahil sa pangakong ito, ang mga mag-aaral na wala nang balak tumuntong sa kolehiyo, mga batang literal na hindi kaya ang komplikadong English, Math at Science subjects ay nahimok na kumuha ng TVL track.

Binubuo ng 31 subject ang Senior High School Program, kung saan 9 NA SUBJECTS LAMANG ang nakalaan para mahasa at mapaunlad ang mga “hands-on skills ng mga mag-aaral na maghahanda sa kanila sa mga pangangailangan upang makapagtrabaho sa mga manufacturing industries. 22 NA SUBJECTS NAMAN para maihanda sa kolehiyo ang mga bata ayon sa College Readiness Standards ng CHED . Mapapansing sa ganitong disenyo ng distribusyon ng mga subjects, ang inilalaan na paghahanda ay hindi para makapagtrabaho kundi preparasyon para sa kolehiyo. Magtataka pa ba tayo kung bakit idineklara ng Chamber for Commerce and Industry (PCCI) na ang mga magsisipagtapos ng K to 12 ay hindi pa “job-ready”?

Lahat ng Senior High School Student ay dadaan sa Qualitative Research, Quantitative Research, at 3Is (Inquiries, Investigations and Immersion) – 3 Research Papers na requirement para makasama sa graduation. Kung maraming guro ang takot kumuha ng Post Grad courses dahil sa thesis at dissertation, ganun din di ba ang mga estudyante natin? Kumuha sila ng TVL dahil ayaw na nilang pahirapan ang buhay nila sa mga bagay na alam nilang di naman makakatulong sa propesyon na tinatahak nila. Huwag na tayong maglokohan, hindi lahat ng senior high school, lalo na yung mga nasa TVL, ay kayang gumawa ng research. Mapagbigyan man tayo, puro yan copy paste galing sa internet. Gawin man nating by group, ang lider lang ang madalas na nagsusulat at ang required individual competencies ay di naman nakakamit.

Nabasa ko ang artikulong “K to 12 is 6 years of high school for nothing” at naniniwala ako na maraming pangako ang K to 12 na hanggang ngayon ay nakapako. Sabihin man nating may mga nakapagtrabaho sa unang batch ng graduates, ngunit ang trabahong nakuha nila ay dati na ring nakukuhang trabaho ng mga high school graduates kahit noong wala pa ang K to 12. Hindi rin ako kumbinsido sa 10 araw na Joint Delivery Voucher program para sa TVL. Ito ay pag aaksaya ng Php 1,159,960,000 bilyong pisong pondo taon taon.

Kahit anong ganda ng mga programa, kapag ito ay minadali, mas maraming kapalpakan ang katitisuran.

A GUIDE TO CHOOSING THE RIGHT SENIOR HIGH SCHOOL STRAND

WHAT’S THE SENIOR HIGH SCHOOL STRAND FOR YOU?

Leave A Reply

Your email address will not be published.