Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay mangunguna sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2019 mula ika-1 hanggang ika-31 ng Agosto alinsunod sa itinakdang Pampanguluhang Proklamasyon Big. 1041, s. 1997.
On this page 3 sections
Buwan ng Wikang Pambansa 2019 Tema
Bilang tugon sa proklamasyon ng UNESCO na International Year of Indigenous Languages (Pandaigdigang Taon ng mga Katutubong Wika) ang taong 2019, pinagtibay ng KWF ang Kapasiyahan ng Kalupunan Big. 18-31 na naglalayon na masiglang lumahok ang KWF sa pagdiriwang na ito; at ang Kapasiyahan ng Kalupunan Big. 19-03 na nagtatakda ng temang Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino at naglalayon na ilaan ang Buwan ng Wika sa Agosto bilang lunsaran ng mga pagpupunyagi para sa mga katutubong wika sa bansa.
Ang layunin ng pagdiriwang ay ang mga sumusunod:
a. maiangat ang kamalayan ng mga mamamayang Filipino ukol sa halagang multilingguwalismo sa paglikha ng isang bansang Filipino na may pagkakaunawaan;
b. mahikayat ang mga mamamayang Filipino, lalo ang mga may-ari ng katutubong wika, na makilahok sa mga gawaing pangwika ng KWF;
c. mahikayat ang mga mamamayang Filipino na magpatupad ng mga malikhaing programang pangwika na makatutugon sa pangangailangan ng kanilang komunidad sa pakikipagtulungan sa KWF;
d. mapangalagaan ng KWF ang mga karapatang pangwika ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga patakarang magbibigay ng seguridad laban sa mga diskriminisasyong pangwika; at
e. maipakilala sa mga mamamayang Filipino ang KWF bilang ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa mga katutubong wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga programang pangwika nito.
Ang lingguhang paksa sa loob ng isang buwang pagdiriwang ay ang mga sumusunod:
| Petsa | Tema |
| Agosto 5-9, 2019 | Ako at ang Katutubong Wika Ko |
| Agosto 12-16, 2019 | Pagbasa at Paglaya: Pagpapalusog ng mga Katutubong Panitikan at Kaalamang-bayan |
| Agosto 19-23, 2019 | Sarikultura: Multilingguwalismo at Paguugnayan para sa Isang Bansang Filipino |
| Agosto 26-30, 2019 | Pangangalaga sa mga Katutubong Wika, Pangangalaga sa Bansang Filipino |
Kalakip ng Memorandum na ito ang Palatuntunan ng mga Gawain para sa isang buwang pagdiriwang.
Para sa mga karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa
Komisyon sa Wikang Filipino, Sangay ng Edukasyon at Networking, Gusaling Watson, 1610 JP Laurel St., Malacanang Complex, San Miguel, Maynila sa telepono: (02) 736-2519; o email: komisyonsawika@gmail.com at website: www.kwf.gov.ph.
Hinihiling ang malawakang pagpapapalaganap ng Memorandum na ito.
LEONOR MAGTOLIS BRIONES
Secretary


Leave a Reply