Professional learning online community of teachers and for teachers.

Magmahal Ka ng Isang Guro

1

Magmahal ka ng Isang Guro

Magmahal ka ng isang guro, bukod sa mga papel, asignatura ay ikaw lang ang kahati niya sa oras
Oras na siguradong sa’yo lang iikot matapos ang maghapong
Pagtuturo niya sa kanyang mga mag-aaral,
Oras na siguradong susulitin niya ang bawat pintig dahil saglit na pagbawi
Na lang ang maibibigay niya sa bawat sandali

Magmahal ka ng isang guro dahil sila ay maunawain,
Katibayan ang pagbibigay niya ng pasang grado, kahit sa bingit ng mga babagsakin
Tanda ‘to na kahit ano mang pagkukulang ay handa pa rin niyang hawakan ang ‘yong mga kamay
Sasaluhin ka pa rin niya kahit alam nyang mayroon nang pagkukulang

Magmahal ka ng isang guro dahil sila ay masarap kasama,
Mauubos ang oras sa kanyang mga kwento ng kasiyahan at kung minsan kurot ng kalungkutan
Kaya humanda kang magbalanse at ngitian ang mga salita na igagala ka sa kung saan
Dahil pagpasensyahan na dahil gusto lamang niyang sabihin na MAHAL KA NIYA.

Magmahal ka ng isang guro dahil siya ay mapagbigay,
Hindi pinagdadamot ang anumang biyaya na sa kanya ay ibinigay,
Katulad na lang ng pagmamahal na binibigay niya sa kanyang mga mag-aaral nang todo,
Tinuturing na aktwal na pag-aabot ng tulong, kaya handa ka na bang tanggapin ang
Pagmamahal na ibibigay niya sayo?

Magmahal ka ng isang guro dahil alam niya ang Tama at Mali,
Gamit na panuto sa mga pagsusulit ng markahan mula sa una hanggang sa huli,
Kaya kapag tumama na ang kanyang pagmamahal sa’yo, hindi na siya magkakamali
Na ikaw ang kanyang pinili, kaya sagutin mo ang kayang tanong nang oo o hindi…

Magmahal ka ng isang guro dahil kaibigan niya ang kalendaryo,
bawat buwan ay alam niya ang pagdiriwang kaya araw-araw ka niyang pahahalagahan,
Hindi makakaligtaan ang mga matamis na pagbati at pagsulyap,
Dahil nasa dulo ng kanyang pag-ibig ang salitang hanggang sa dulo at walang hanggan

Magmahal ka ng isang guro dahil hindi ka niya sasaktan,
Patunay na alam niya ang magiging kapalit kahit labag na sa kanyang kalooban,
Yayakapin ka na lang niya, kaya para hindi na humantong sa sakitan higpitan na lang ang yakap at mga halik ng pagsuyo tungo sa tamis ng pagmamahalan

Magmahal ka ng isang guro dahil iingatan ka niya,
Iingatan ka niya na parang gamit sa eskwelahan,
Aangkinin… ‘yung parang gamit niya na nilalagyan niya ng pangalan,
Dahil nga ikaw ay sa kanya at siya ay sa’yo, iingatan ang pagmamahalang wagas at totoo magpakailanman

Magmahal ka ng isang guro dahil siya ay matipid,
Sa ibang bagay ang tinutukoy ko dahil malamang mauubos sa pag-aaral ng mga magiging anak ninyo,
Kaya tulungan mo siya…
Dahil kailan ma’y hindi niya titipirin ang pagmamahal niya sa ‘yo, ibibigay niya ito ng sobra-sobra at walang hihingiing sukli basta mahalin mo lang siya, mahalin mo lang siya

Magmahal ka ng isang guro dahil siya ay maalaga,
Hinuha ang buong araw na pag-iingat niya sa kanyang mga mag-aaral
na parang isang tunay na magulang,
Hindi ka na mag-iisa… iabot mo lang ang puso mo sa kanya, aalagaan niya ito hanggang sa huling pagtibok nung sa kanya.

At sa huli pa rin, kung pipiliin mo lang ang isang guro,

Muli…

Magmahal ka ng isang guro…
Dahil tuturuan ka niyang magmahal,
Ituturo niya sa’yo ang tunay na kahulugan ng pagmamahal
Dahil kung dumating ang oras na pag-ibig na lang ang kanyang pinanghahawakan..
Dahil walang anumang yaman siyang maiiwan,
Ang pag-ibig na ‘yun ay sapat na dahil ‘yun lang ang madadala ninyo sa walang hanggan

Kaya kung ako sa’yo magmahal ka ng isang guro,
Subukan mo, subukan mong buksan ang libro diyan sa puso mo,
nang makita mo na tanging ikaw lang ang laman nito.

Read more: Magmahal Ka ng Isang Guro

Leave A Reply

Your email address will not be published.

1 Comment
  1. Liza says

    Hindi lahat ay may kakayahang magmahal ng isang Guro.
    Marami sa kanila ang hindi makakaunawa kung bakit ka lagi o madalas na nag-oovertime; bakit kailangang mong mag-uwi sa bahay ng trabaho mo; bakit kailangang mong magpunta sa paaralan kahit may declaration ng walang pasok; bakit kailangang ikaw ang gumawa nan at hindi ang iba; bakit mas marami pa ang oras mo sa bata o sa paaralan kaysa sa kanya; bakit…at mas marami pang bakit ang iyong maririnig.

    Masarap magmahal ang isang Guro at Masarap mahalin ang isang Guro. Dahil, tama ka. “Makasisiguro kang Ikaw Lang Talaga”. Kaya kapag natagpuan mo na ang taong handang magmahal ng isang Guro, wag mo ng pakawalan pa.