Home » Buhay Guro » Magmahal Ka ng Isang Guro

Magmahal Ka ng Isang Guro

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi mainggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.- 1 Mga Taga-Corinto 13:4-7

Para sa mga pinaasa, umasa, patuloy na umaasa, sa mga naunahan ng Pulis, Navy, Seaman at Sundalo… para sa mga hindi naiinip na maghintay, para sa mga naniniwala sa tadhana, pati na rin sa mga naniniwala sa walang hanggan… ang pangunang tulang ‘to ay para mabuksan ang pananaw na may damdamin din naman kami… may puso… kaya subukan mo nang makita mo…

Ang tulang ‘to ay para sa’yo…

Magmahal ka ng Isang Guro

Magmahal ka ng isang guro, bukod sa mga papel, asignatura ay ikaw lang ang kahati niya sa oras
Oras na siguradong sa’yo lang iikot matapos ang maghapong
Pagtuturo niya sa kanyang mga mag-aaral,
Oras na siguradong susulitin niya ang bawat pintig dahil saglit na pagbawi
Na lang ang maibibigay niya sa bawat sandali

Magmahal ka ng isang guro dahil sila ay maunawain,
Katibayan ang pagbibigay niya ng pasang grado, kahit sa bingit ng mga babagsakin
Tanda ‘to na kahit ano mang pagkukulang ay handa pa rin niyang hawakan ang ‘yong mga kamay
Sasaluhin ka pa rin niya kahit alam nyang mayroon nang pagkukulang

Magmahal ka ng isang guro dahil sila ay masarap kasama,
Mauubos ang oras sa kanyang mga kwento ng kasiyahan at kung minsan kurot ng kalungkutan
Kaya humanda kang magbalanse at ngitian ang mga salita na igagala ka sa kung saan
Dahil pagpasensyahan na dahil gusto lamang niyang sabihin na MAHAL KA NIYA.

Magmahal ka ng isang guro dahil siya ay mapagbigay,
Hindi pinagdadamot ang anumang biyaya na sa kanya ay ibinigay,
Katulad na lang ng pagmamahal na binibigay niya sa kanyang mga mag-aaral nang todo,
Tinuturing na aktwal na pag-aabot ng tulong, kaya handa ka na bang tanggapin ang
Pagmamahal na ibibigay niya sayo?

Magmahal ka ng isang guro dahil alam niya ang Tama at Mali,
Gamit na panuto sa mga pagsusulit ng markahan mula sa una hanggang sa huli,
Kaya kapag tumama na ang kanyang pagmamahal sa’yo, hindi na siya magkakamali
Na ikaw ang kanyang pinili, kaya sagutin mo ang kayang tanong nang oo o hindi…

Magmahal ka ng isang guro dahil kaibigan niya ang kalendaryo,
bawat buwan ay alam niya ang pagdiriwang kaya araw-araw ka niyang pahahalagahan,
Hindi makakaligtaan ang mga matamis na pagbati at pagsulyap,
Dahil nasa dulo ng kanyang pag-ibig ang salitang hanggang sa dulo at walang hanggan

Magmahal ka ng isang guro dahil hindi ka niya sasaktan,
Patunay na alam niya ang magiging kapalit kahit labag na sa kanyang kalooban,
Yayakapin ka na lang niya, kaya para hindi na humantong sa sakitan higpitan na lang ang yakap at mga halik ng pagsuyo tungo sa tamis ng pagmamahalan

Magmahal ka ng isang guro dahil iingatan ka niya,
Iingatan ka niya na parang gamit sa eskwelahan,
Aangkinin… ‘yung parang gamit niya na nilalagyan niya ng pangalan,
Dahil nga ikaw ay sa kanya at siya ay sa’yo, iingatan ang pagmamahalang wagas at totoo magpakailanman

Magmahal ka ng isang guro dahil siya ay matipid,
Sa ibang bagay ang tinutukoy ko dahil malamang mauubos sa pag-aaral ng mga magiging anak ninyo,
Kaya tulungan mo siya…
Dahil kailan ma’y hindi niya titipirin ang pagmamahal niya sa ‘yo, ibibigay niya ito ng sobra-sobra at walang hihingiing sukli basta mahalin mo lang siya, mahalin mo lang siya

Magmahal ka ng isang guro dahil siya ay maalaga,
Hinuha ang buong araw na pag-iingat niya sa kanyang mga mag-aaral
na parang isang tunay na magulang,
Hindi ka na mag-iisa… iabot mo lang ang puso mo sa kanya, aalagaan niya ito hanggang sa huling pagtibok nung sa kanya.

At sa huli pa rin, kung pipiliin mo lang ang isang guro,

Muli…

Magmahal ka ng isang guro…
Dahil tuturuan ka niyang magmahal,
Ituturo niya sa’yo ang tunay na kahulugan ng pagmamahal
Dahil kung dumating ang oras na pag-ibig na lang ang kanyang pinanghahawakan..
Dahil walang anumang yaman siyang maiiwan,
Ang pag-ibig na ‘yun ay sapat na dahil ‘yun lang ang madadala ninyo sa walang hanggan

Kaya kung ako sa’yo magmahal ka ng isang guro,
Subukan mo, subukan mong buksan ang libro diyan sa puso mo,
nang makita mo na tanging ikaw lang ang laman nito.

Habang ginagawa ko ang tulang ‘to, larawan ng pinakamamahal ko ang nasa paligid, ang kaso may pinakamamahal na rin siyang iba, katabi ko ang isang basong kapeng hindi nang-iiwan kahit manlameg… kaya pinipigilan ko ang sarili ko. Marami pa akong gustong isulat, ‘yung mga ipinangako ko sa kanya na tutuparin ko pa lang ay hindi na niya ako pinaabot sa finish line, kase may iba nang nanalo sa karera, nadisqualify ako dahil may kulang daw sa akin na siya lang ang tunay na nakakakita, oo dahil pilit niyang hinahanap ang wala na sabi niya’y sa bago niya nakita.

Kaya itutuloy ko pa rin ang buhay at pagtuturo, ibabaling ang atensyon sa mas makahulugan pang mga bagay, move on. Sana sa hinaharap na makakabasa ng tulang ‘to sana ay maunawaan niyang ito lang ang masisigurado ko dahil ang totoo’y walang perpekto sa mundo kundi ang pagbabago kaya maniniwala pa rin tayo sa kapangyarihan ng pag-ibig (fist bump)

Kung nakarating ka sa parteng ‘to, malamang ay tinapos mo ang pagbabasa ng tulang isinulat ko para sa mga hibang na hindi nakakaalam nang tunay na kahulugan ng “magmahal”, tinatanong ko nga ang sarili ko kung ako ba sa sarili ko ay alam ko ang sagot, sa ngayon hindi ko na muli masasagot ang bigat ng katanungan na ‘to ang sigurado lang ako’y may pasok pa bukas, wala pa akong DLL at instructional materials at may report pang kailangang ipasa kaya mahal ko ‘tong mga ‘to, dahil sa araw-araw ‘di nila ako iniwan, kaya paP.S. nasaan ka na ba? Babaguhin ko na ba ang pamagat na mula sa “Magmahal Ka ng Isang Guro” ay isusulat ko na ang “May Nagmahal na sa Isang Guro”. (Yakap)

Basa:

  1. Ano ang gagawin mo sa valentines day? A single question for single teachers…
  2. Nasaan na si Ma’am?
  3. Klase ng mga Titser kapag may Seminar
  4. Banghay Aralin ng Isang Gurong Mangingibig

Jhucel Atienza del Rosario

He is the happiness ambassador of teacherPH, elementary teacher, creator of FaceBook Page: Ang Masayahing Guro, Artist @ GuhitPinas, Musikero kuno, komedyante sa gabi, adik sa kape... mangingibig. Follow him on Facebook.

7 thoughts on “Magmahal Ka ng Isang Guro”

  1. Pls help me po. …Sadya po ba talagang mahirap may online app sa deped? Kasi for how many days wala pa pong verification ang account q…anybody pls help me…

    Reply
  2. Sbi nga nila mahirap dw magmahal ng guro..dami daw kahati dami dw kalaban di nila alam panay si form 1 to 5 lng at si card form 137 hehehe… sa kanila may forever… bakit nga ba iniiwan tyo? Samantalang sa pagmamahal pa lng sobra sobra na…binasa ko hanggang dulo nakakatuwa nakaka smile… happy valentines day in advance…

    Reply
  3. Magmahal ka ng isang guro dahil higit sa lahat siya ang nakauunawa sa salitang pag-asa
    Bigo man ang ML ng mga mag-aaral sa araw na ito, muling sasabak kasi may bukas pa
    Iibahin ang strategies…babaguhin ang atake muling susubok
    Dahil ang guro malalim ang ukit sa puso ng katagang pag-ibig,
    Ngayon man ay bigo, bukas may Reteach na magdadala ng pagbabago…kaya
    Magmahal ka ng guro…????????????

    Pasensya na po…na inspire lang ako sa tula…sinubukan ko rin????happy feb ibig mga teachers????
    Sa salita

    Reply

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.