Home » Buhay Guro » Alamat Kung Bakit Iisa lang ang Puso

Alamat Kung Bakit Iisa lang ang Puso

Habang nasa background music mo ang awiting “Sana dalawa ang puso ko”, mag-isip ka muna kung bakit kaya ginawang iiisa lang ‘yan ng Lumikha, kung bakit nasa dibdib ang puso at wala sa ulo at kung bakit nasa pinakamataas na bahagi ang utak, nakuha mo?, dahil siguro nga hindi lagi puso ang pinapairal sa lahat ng pagkakataon kundi dapat gamitin din natin ang utak dahil sa huli utak pa rin ang kumokontrol sa ating puso.

Ang kwentong ito ay hinatid ng isang malikhaing pag-iisip dala ng mga nilalang na mahilig manggulo sa isang relasyon.

Maligayang Araw ng mga Puso!!!

Alamat Kung Bakit Iisa lang ang Puso

May isang lalake na biniyayaan ni bathala ng dalawang puso para sa sangkatauhan, may isa siyang inibig na may ganito ding kondisyon. Layunin nila na palaganapin ang pag-ibig nang dalawang beses sa pamamagitan ng kanilang inspirasyon para sa mas tunay na pagmamahalan ng bawat isa.

Minsan may isang naligaw na kampon ng kasamaan na walang puso. Tangi lamang niyang sandalan ay ang mga pintig ng kasamaan sa kanyang dibdib, nabubuhay lamang siya sa bawat krimen na kanyang ginagawa at sa mga ninanakaw na kaluluwa… sa madaling salita tila isa lamang siyang anino. Sa kanyang paglalakbay, nakita niya ang asawa ng lalake malapit sa ilog… unang sulyap pa lamang ay napaibig na siya nito. Hindi niya alam ang gagawin, hindi niya alam kung saan nanggagaling ang kanyang emosyon.

Dahil sa labis na kagustuhan na mapasakanya ang babae, naisip niya na ang tanging paraan lamang para siya ay magkatawang tao ay ang magkaroon ng puso, tanging paraan ay ang makahanap ng busilak na puso at hindi kaluluwang kukumpleto lamang sa kanyang anyo.

Habang nasa kalagitnaan ng pagtulog ang lalake, gumawa ng paraan ang anino, ninakaw niya mula sa dibdib ng lalake ang isang puso nito at ibinaon sa kanyang dibdib. Agad-agad nagkaroon ng katawan at naging magkawangis ang dalawa bit-bit din nang nagnakaw ang mga ala-ala at pag-ibig ng babae.

Nagulat ang lalake sa kanyang paggising, natulala ito dahil para siyang nakaharap sa salamin, walang salitang lumalabas sa kanyang bibig sa gulat at maya-maya pa ay dumating sa tahanan mula sa pagkuha ng tubig ang babae, nadatnan niya ang dalawang imahe ng kanyang asawa. Tulala at hindi makapaniwala sa kanyang nakita ang babae, tumakbo ito palabas… lumayo… takot na takot!

Hanggang sa…

Hindi napansin nito ang bangin mula sa makalabas ng kanilang bahay, nahulog ang babae sa kawalan…

Nag-alala ang dalawang lalaki at agad hinanap ang babae, natagpuan nila ito na wala ng buhay… Wala naring pintig ang dalawa nitong puso…

Nag-usap ang dalawang lalake, kung sino ang dapat manatili.

Nauna ang nagnakaw ng puso, “ Ako dapat ang matira sa ating dalawa!, dahil minahal ko na siya nung una ko pa lang siyang nakita… higit pa sa walang hanggan…”

Sumagot ang Tunay na asawa, “ Ako’y gayun din ang nararamdaman nung simula pa,at bakit mo naman nasabi ‘yan sa sobrang ikli ng panahon, hindi ba’t ninakaw mo lang ‘yang puso ko…

Ngunit ang katotohanan ay wala akong kapangyarihan para ilipat ang nag-iisa kong puso para sa kanya”

Tumahimik ang nagnakaw ng puso…

Nagsalita muli ang tunay na asawa… “ alam kong ikaw lang ang makakagawa nito, baunin mo na lamang ang ala-ala ng pagmamahal ko sa kanya, ayos na din ako’t nakasama ko siya… ikaw na lang ang magpatuloy ng landas ng pagmamahal ko sa kanya”

Tumulo ang luha ng lalake… Pumikit ito at handa nang mawalan nang buhay para sa kanyang pinakamamahal anumang oras.

Biglang lumiwanag ang mukha ng nagnakaw ng puso, kasabay nito ang nasa isip na , kung hindi sana niya ninakaw ang puso ng lalaki ay maaaring walang mawawala, walang masasaktan.

Ilang sandali pa habang yakap-yakap ng lalaki ang kanyang asawa… Nagsalita muli ang lalaki.

“Paalam na mahal ko…”

Agad kinuha ng nagnakaw ng puso ang puso ng lalake at pinalitan ang dalawang walang buhay na puso ng babae, agad binawian ng buhay ang lalaki, humandusay habang patuloy pa rin ang pagluha ng mga mata nito, ngunit sa huling pagkakataon ay mata na lamang ang may buhay sa kanya, nawala na ang lahat.

Nagkamalay na ang babae, agad niyakap at hinalikan ang nagnakaw ng puso, hindi na napansin ang nakahandusay na siyang tunay niyang asawa, yumakap na din ang anino ngunit walang sigla at ligayang puminta sa kanyang mukha, sa unang pagkakataon… tumulo na rin ang kanyang mga luha.

Simula noon napagdesisyunan na lamang ni Bathala na gawing iisa na lang ang puso para sa lahat, para hindi na maulit ang labis na paghahangad at mas binigyang diin Niya ang paggamit ng isipan sa paghahanap ng tunay na pagmamahal…

Share with your friends!

Jhucel Atienza del Rosario

He is the happiness ambassador of teacherPH, elementary teacher, creator of FaceBook Page: Ang Masayahing Guro, Artist @ GuhitPinas, Musikero kuno, komedyante sa gabi, adik sa kape... mangingibig. Follow him on Facebook.

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.