Hibla ng Kasaysayan




Hibla ng Kasaysayan

Alas-otso ng umaga. Ika-8 ng Abril. Araw ng Byernes. Ako at ang aking mga kasamahang guro ay tumulak sa Lungsod ng Puerto Princesa, Lungsod ng Palawan na tinaguriang “The Land of Promise” dahil sa mga mala-paraisong atraksyon na matatagpuan sa nasabing lalawigan. Sino ba naman ang hindi mamamangha sa Puerto Princesa Underground River na tinaguriang isa sa mga UNESCO World Heritage Site. Sa angkin nitong yumi at ganda ay maraming turista ang bumibisita dito taon-taon. Bukod sa underground river ay kilala rin ang lungsod sa mga sikat na pasyalan katulad ng Crocodile Farm, Baker’s Hill, at Mitra’s Ranch. Hindi rin kumpleto ang iyong pagbisita sa Puerto Princesa kung hindi mo matitikman ang tamilok at crocodile sisig na naging tatak na rin ng mga Palaweño.

Bukod sa mga magagandang atraksyon sa lalawigan ay mayaman din ito sa kasaysayan na siya ring dahilan kung bakit natin nakamit ang inaasam na kalayaan mula sa mga mapang-aping mananakop noong mga nakakaraang panahon. Taong 1902 ay pinamunuan ng mga Amerikano ang kanlurang bahagi ng Palawan na noon ay tinawag nilang Paragua. Malaki ang naiambag ng mga Amerikano sa pag-unlad ng probinsya. Sa kanilang pamumuno ay nakapagtayo sila ng mga silid-aralan, binigyang halaga ang agrikultura at ang karapatang pantao ay namutawi sa mga panahong iyon. Sa paglipas ng panahon, malaki na ang pinagbago ng lungsod. Sa aking pananatili sa lalawigan ay aking napatunayan na mayroon pa ding mga bayani sa kasalukuyang panahon.




Sa pagbisita ko sa lugar ay nakilala ko si Aling Vilma. Si Aling Vilma ay tubong Puerto Princesa. Siya ay isang manghahabi na namamasukan sa Binuatan Creation na matatagpuan sa siyudad. Nang akin siyang datnan sa lugar kung saan siya naghahanap-buhay, siya ay kasalukuyang naghahabi ng banig. Ako ay namangha sapagkat sa pamamagitan ng paghahabi ay nagagawa niyang banig ang buli. Akin siyang tinanong kung madali ang paghahabi. Ang turan nya ay hindi. Sa pagpapatuloy ng aming kwentuhan, nalaman ko na mayroon siyang tatlong anak. Ang panganay ay labindalawang taong gulang. Siyam na taong gulang naman ang pangalawa, at pitong taon ang bunso. Sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa hamon ng buhay, pilit niyang pinagkakasya ang dalawang-daang piso na kita niya sa isang araw para mapag-aral niya ang kanyang mga anak. Ramdam ko sa mukha ni Aling Vilma ang hirap habang hinahabi niya ang mga buli nang sa gayon ay makagawa siya ng mga banig na ibebenta sa mga turista. Kahit kapos siya sa salapi, nagagawa pa rin niyang pag-aralin ang kanyang tatlong anak. Kahit tumutulo na ang kanyang pawis ay tuloy pa rin siya sa kanyang paghabi na ginto kung kanyang ituring sapagkat dito sila kumukuha ng ikabubuhay.

Si Aling Vilma ay isa sa mga buhay na patotoo na mayroon pa ring mga bayani sa kasalukuuang panahon. Ang kanyang kwento ay tunay na kahanga-hanga. Wala man siyang hawak na itak ay naroon naman ang sipag at tiyaga upang maibigay niya ang nararapat sa kanyang mga anak. Isa nga doon ay pagkalooban ang kanyang mga munting anghel ang karapatang mag-aral kahit siya ay nahihirapan na sa buhay. Wala mang giyera ay handa siyang ibuwis ang kanyang buhay alang-ala sa kinabukasan niya at ng kanyang pamilya. Wala mang pag-aaklas ay naroon ang kanyang pagnanais na itaguyod ang kanyang pamilya mula sa kahirapan. Ang kwento ni Aling Vilma ay isa lang sa mga napakaraming kwento ng pag-asa na kaya nating mapagtagumpayan ang mga balakid sa buhay.




Bilang isang guro, tayo rin ay mga bayani na nag-aambag sa pagiging progresibo ng ating bansa. Tayo ang mga bayani ng kasalukuyang henerasyon sapagkat nasa ating mga kamay ang ika-uunlad ng bansa na ating minamahal. Malaki ang ating ginagampanang papel sa paghubog ng aspetong pisikal, mental, sosyal, at espiritwal na aspeto ng ating mga mag-aaral. Magagawa lamang natin ito kung tayo ay magiging ehemplo tungo sa kanilang pansariling pag-unlad. Tulad ng mga bayaning nag-laan ng kanilang sarili, ating gamitin ang ating talino at talento upang magapi natin ang mga problemang nariyan pa rin magpahanggang ngayon. Huwag nating hayaan na magapi ng mga problemang ito ang mga pangarap ng ating mga mag-aaral. Alalahanin na lamang natin na ang mga batang ito ang mga susunod na bayani ng ating bansa; ang mga bayaning gagawa ng kasaysayan at ipagpapatuloy ang mga magagandang adhikain ng bawat isa. Gayahin natin si Aling Vilma na walang takot na hinarap ang mga problema at pilit na ipinaglalaban ang kapakanan ng kanyang pamilya. Si Aling Vilma rin ang isang hibla na uukit na sa ating makulay na kasaysayan.

Read:

  1. Social Networking Sites: Ang Mga Epekto Nito Sa Mga Mag-Aaral
  2. SA LIKOD NG TELON
  3. ISANG TASA NG PAG-ASA




Leave a Reply

Are you taking the 2021 Principals’ Test/NQESH? Let’s put your name on the list of passers! Allow us to help you through TeacherPH.ENROLL NOW!
+
Scroll to Top