Professional learning online community of teachers and for teachers.

ISANG TASA NG PAG-ASA

0

ISANG TASA NG PAG-ASA Mark Kevin Gabriel Santos

Ang pagtilaok ng manok sa madaling araw ay nagpapaalala na kailangan ko nang bumangon sa kama na aking hinihigaan. Ang paghigop ng isang tasang kape upang magising ang aking natutulog na diwa. Idagdag pa ang pagkain ng mainit na pandesal na pinagkukunan ko ng aking lakas para sa mag-hapong pakikibaka sa buhay, at ang pagsusuot ng aking plantsadong uniporme na niluma na ng panahon. Ang mga gawaing ito na paulit-ulit ko nang ginagawa pagmulat pa lamang ng aking mga mata ay hudyat na kailangan ko nang pumasok sa Mataas na Paaralan ng Tabacao sa lalawigan ng Nuweba Esiha.

Ang pagpunta sa paaralang aking pinagtuturuan ay maituturing ko nang isang kalbaryo sa umpisa pa lang. Ang bumiyahe ng isang oras mula sa aming bahay ay isa nang malaking sakripisyo. Idagdag pa ang tambak ng trabaho na nagiging dahilan kung bakit hindi ko nagagampanan ang aking pagiging anak, kapatid, at isang kaibigan. Nakakalungkot. Nakakayamot. Ngunit makita ko pa lang na sinasalubong ako ng aking mga mag-aaral upang kuhanin ang aking mga dalang gamit pagpasok ko pa lamang ng bakuran ng paaralan, ang pagkayamot ay napapalitan ng hindi mapagsidlang ngiti na nangagaling sa aking mga labi dahil alam kong sa araw-araw na pagpasok nila sa paaralan, naroon ang kagustuhan nilang matuto at madagdagan ang kanilang mga kaalaman upang makamit nila ang kanilang mga ninanais sa buhay. Oo. Ako ay isang hamak na guro lamang. Ngunit ako ay naniniwala na malaki ang aking ginagampanang papel sa paglutas ng mga kasalukuyang problema na masasabi kong kanser ng ating lipunan.

Bata pa lamang ako ay gusto ko nang maging isang guro. Siguro nga ay nananalaytay na sa aking dugo ang kagustuhang makapagbahagi ng kaalaman kahit ako ay nasa murang isipan pa lamang. Noong una, akala ko ay madali ang pagtuturo. Ngunit ako ay nagkamali. Mahirap. Maraming balakid. Nariyan ang mga makukulit kong estudyante. Mayroon ding mga pagkakataon na hindi ko makasundo ang ilan sa aking mga kapwa guro. Idagdag pa ang mga problema ng aking pamilya na nagpapabigat sa sitwasyon. Gayunpaman, ako ay nanatiling matatag at nakatayo; handang suungin ang mga hamon sapagkat ako ay kailangan ng aking mga mag-aaral at yaon ay tulungan sila na maabot nila ang tuktok ng tagumpay.

Ang aking silid-aralan ay buhay na saksi na talagang ang larangan ng pagtuturo ay isang makulay na propesyon. Sa unang araw ng pasukan, ang silid-aralan na ito ay tila isang blankong papel. Walang nakasulat. Malinaw at malinis. Sa pagdaan ng mga araw, ito ay unti-unting nagkakaroon ng kulay at nabibigyan ng buhay. Naaalala ko pa ng ako ay binati ng aking mga mag-aaral noong Araw ng mga Guro. Hindi ko rin malilimutan noong ako ay kanilang sinorpresa sa aking kaarawan. Naaalala ko rin ang aming mga tawanan at halakhakan tuwing may nagpapatawa sa klase at ang kagalakan sa tuwing nananalo kami sa mga kompetisyon mapaloob o mapalabas ng paaralan. Hindi sapat ang walong-daang salita upang ipahayag ang galak na aking nararamdaman sa tuwing makakasagot ang aking mga mag-aaral sa klase, makakuha ng mataas o kahit na pasadong marka sa aking asignatura at lalo’t higit ang pagkakaroon ng magandang pag-uugali at tamang asal. Kaakibat din ng mga kasiyahang ito ang lungkot sa tuwing nakikita ko ang ilan sa kanila na walang baon at pamasahe, kumakalam ang sikmura, at may problema sa pamilya. Ito ang mga panahon na labis ang aking pagkalumbay sapagkat itinuturing ko na silang mga tunay na anak. Tama nga ang aking ina nang sabihin niya sa akin na gagawin niya ang lahat mapagtapos lang kami ng pag-aaral. Tulad ng isang magulang na handang gawin ang lahat maibigay lang ang pangangailangan ng anak, handa ko ring ialay ang aking sarili para sa kapakanan ng aking mga mag-aaral. Pangarap ko na tulungan sila na maging matagumpay sa buhay. Sabi ko nga sa kanila, “Pag nag-reunion tayo, sana ay propesyonal na kayo katulad ko.”

Ito ang kwento ng aking buhay. Maagang gumising. Hapon na kung umuwi. Walong oras sa araw ang ginugugol upang makapagbahagi ng kaalaman sa mga munting anghel gamit ang pisara at isang piraso ng yeso. Masaya. Mayroon ding lungkot. Isang hamon sa akin bilang guro ang mga batang kapos sa buhay ngunit nagsisikap sa pag-aaral, mga batang araw-araw pumasok kahit walang baon, mga batang nakaligtaan nang maging ‘bata’ dahil maagang nagbanat ng buto para makapaghanap-buhay, mga batang hindi nakakapasok sa eskwelahan dahil kailangang mag-alaga ng kapatid, at mga batang kahit luma ang gamit at walang maayos na damit ay naroon pa rin ang dedikasyon upang mapagyabong ang kanilang nalalaman. Hindi maitatanggi na ito ang reyalidad ng buhay na dapat kong harapin at suungin. Tila napakahirap bigyan ng solusyon, pero aking kakayanin alang-ala sa aking mga estudyante na nagpupunyagi sa kanilang pag-aaral.

Lumipas man ang mga taon, lumabo man ang aking mga mata, agawan man ng lakas ang bawat himaymay ng aking laman, at humina man ang aking mga buto sa aking katawan, mananatili akong guro sapagkat nariyan ang mga batang nagsisikap upang makamit ang kanilang mga mumunting pangarap.

Read:

  1. Congratulations, you are now a teacher – what’s next?

Leave A Reply

Your email address will not be published.