Home » Buhay Guro » Ilang Oras Dapat Magtrabaho ang Guro?

Ilang Oras Dapat Magtrabaho ang Guro?

Ayon sa RA 1880, hindi exempted ang mga guro sa walong (8) oras na pagtatrabaho.

Ayon naman sa RA 4670, hindi dapat lumampas sa anim (6) na oras ang pagtuturo ng mga guro upang mabigyan naman sila ng panahon na gawin ang mga paper work at mga teaching-related activities.

Upang pagtugmain ang Republic Act 1880 at ang RA 4670, nagpalabas ng Resolution No. 080096 ang Civil Service Commission noong Enero 28, 2008 upang mabigyan ng paglilinaw ang dalawang batas. Nilinaw ng resolusyong ito na ang natitirang dalawang (2) oras upang makumpleto ang eight-hour workday ng mga guro ay maaaring gawin sa LOOB o sa LABAS ng paaralan na nakabatay sa isang kasunduan o AGREEMENT na binuo sa pamamagitan ng mga pagpupulong na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa administrasyon ng paaralan, mga guro, mag-aaral, at mga magulang.

Importante ang kasunduan o AGREEMENT na ito upang magkaroon ng bisa ang dalawang (2) oras na maaaring gugulin ng guro sa labas ng paaralan upang makumpleto ang walong oras. Ang mga pagpupulong para sa agreement na ito ay dapat pinapangunahan ng mga punong-guro dahil sila lamang ang may karapatang magpatawag ng mga pagpupulong sa loob ng paaralan. Ang punong-guro din ang inatasan na magreport sa CSC at COA ng scheme of implementation ng kasunduan na imomonitor naman ng mga Division Superintendents.

Ayon sa DepEd Order No. 16, s. 2009, ang mga guro ay nakakumpleto na ng isang araw na pagtatrabaho kung sya ay nakapagturo na ng anim (6) na oras at hindi na sya madedeklarang undertime sa report of attendance.

Hindi ito nangangahulugan na maaari nang umuwi ang guro pagkatapos ng anim na oras. Hindi diskresyon ng guro kung anong oras nya gustong pumasok o lumabas ng paaralan. Ang pagkilala sa batas o regulasyon ay hindi pagpili sa mga pansariling puntong makabubuti lamang sa kanya kundi ito ay dapat kumikilala sa kabuuan ng mga regulasyon o batas. Malinaw na inulit sa DO 16, s. 2009 ang pagkakaroon ng mekanismo sa kasunduan para sa dalawang oras upang magamit ng mga guro ang pribilehiyo ng anim na oras na pagtatrabaho. Mahigit sampung taon na mula ng nagbigay ng paglilinaw ang Civil Service Commission na maaaring anim na oras lang lumagi ang guro sa paaralan kung may sinusunod na kasunduan o agreement sa bawat paaralan, subalit hanggang ngayon ay may kanya kanya pa ring interpretasyon ang bawat namumuno.

Ang tanong dito ay kung bukal ba sa loob ng mga punong-guro na ipatupad din ang mga regulasyon na ito sa kani-kanilang paaralan? O namimili lang din sila sa parte ng batas na maaaring advantageous sa kanilang kapakanan?

Ang pagiging guro ay hindi natatapos ng alas singko ng hapon. Halos kulang pa ang 24 oras kung tutuusin upang magampanan ang lahat ng trabahong nakaatang sa atin.

Ngayong alam na natin na ang “missing link” sa pribilehiyo ng SIX-HOUR WORKDAY ng mga guro ay isang kapirasong AGREEMENT, sana magkaroon tayo ng pagkakaisa, guro man o punong-guro na suriin natin ang kabuuan ng mga batas at mga polisiya na nabanggit upang ang lahat ng guro sa Pilipinas ay maaaring makalasap ng mga pribilehiyong ibinigay sa atin ng mga Special Laws na ito.

READ: Application of DepEd Memorandum No. 291 s. 2008

Margarita Lucero Galias

Margarita L. Galias began her career in education as a high school math and physics teacher in Immanuel Lutheran High School in Malabon City and Manila Central University, Caloocan City before serving as a public school teacher in Sorsogon City in 1995. She was a university scholar and graduated cum laude with a bachelor’s degree in Education, major in Math-Physics from De La Salle Araneta University. She also holds a master’s degree in Management, major in Administration and Supervision from Sorsogon State College. She is now currently employed in Mercedes B. Peralta Senior High School as a classroom teacher and a guidance counselor designate.

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.