Professional learning online community of teachers and for teachers.

Nasaan na si Ma’am?

1

Ang kwentong ito ay para sa mga gurong nag-iwan ng malaking inspirasyon sa kanilang mga estudyante, minsan hindi na nila napapansin na tuluyan na pala nilang nabago ang pananaw ng kanilang mga istudyante pagdating sa kahalagahan ng edukasyon, para sa kanila natural na daloy na lang ito ng pagiging isang guro.

Ikaw nahanap mo na ba ang sarili mo?
Kapag nahanap mo na, yakapin mo
ang tunay na kahulugan ng pagiging guro.


Nasaan na si Ma’am?

Basey I Central Elementary School
Basey I Central Elementary School – Basey, Samar

Mahigpit si Ma’am, bawal ang hihikab-hikab, ang late, on time dapat ang mga projects, dapat laging may assignment at kapag pasaway ka, alam mo na ang mangyayare. Tahimik naman ako pero may pagkatamad sa klase at mahilig bumarkada sa mga pasaway na kaibigan dahil doon ako mas masaya, pero isang araw nagbago ang lahat. “Ton, kakausapin kita, ‘wag ka munang umuwi mamaya”. Biglang kumabog ang dibdib ko, lalo pa nang papalapit na ang uwian, at dumating na nga ang oras.

“Bakit ka laging absent kung papasok ka naman ay lagi ka namang late,” ang bababa ng mga exam mo, at ung project mo nagpapatong-patong na wala ka pang naipapasa? at bakit para laging binabasa mo lang ang buhok mo? Di ka ba naliligo?” Sunod sunod na tanong ni Ma’am pero sabay ngiti na lang ako sa huling katanungan. Wala ni isa akong nasagot lalo na sa huling tanong pero natatawa ako sa loob-loob.”oh sige bibisitahin na lang kita sa inyo ha? Okay lang ba yun?” tumango na lang ako sa tanong ni Ma’am kahit sa kalooban ko’y ayoko.

Inunahan ko na si Ma’am bago pa siya makapunta sa amin, pinilit kong maglinis kahit hindi ako marunong para kahit papaano’y maging kaaya-aya ang aming tahanan.

Marabut Samar Bunkhouse
Marabut Samar Bunkhouse

Nandito na si Ma’am, “Nasaan ang nanay mo?” Bungad na tanong ni ma’am , “nasa trabaho pa po eh” sabay kamot sa aking ulo. “Eh ang Tatay mo nasaan?” Bigla akong natigilan, itatanong nga pala ‘yun ni Ma’am, at doon ko na ikinuwento ang lahat-lahat. Wala na akong nakagisnang tatay limang buwan palang daw ako sa tiyan ni nanay ay nagkasakit ito ng malubha at ilang buwan lang ay agad-agad na binawian ng buhay, pero may iba pa akong naririnig na istorya pero ayoko na itong ikuwento at pag-usapan pa.

Biglang nagbago ang mukha ni Ma’am at kasabay nito ng pagdating ni nanay. Pinakilala ko siya kay Ma’am pero sinimangutan niya ako, lagot na naman ako mamaya. Kinausap ni Ma’am si nanay siguro mag-iisang oras din iyon.

Tinawag ulit ako ni Ma’am at akin nang nakita ang kanyang pinakamagandang ngiti .

“Magbago ka na Ton, sayang ang panahon, tulungan mo si nanay at magsipag ka na sa pag-aaral, mag-umpisa ka nang mangarap tutulungan kita…” Ito mismo ang mga lumabas na salita kay Ma’am noong hapon na iyon, hinding-hindi ko iyon malilimutan. Opo na naman ang nasagot ko sa kanya hindi nagbagong OPO, hindi naman pala talaga masungit si Ma’am at dito na nga nagsimula.

Binago ko ang sarili ko ng paunti-unti. Sinubukan ko kahit mahirap sa umpisa pero alam ko namang nandiyan si Ma’am na nakasubaybay.

Tumagal-tagal pa’y tumaas na ang mga exam ko, nahabol ko na ang mga projects, at pinilit na hindi na lumiban sa klase. Bigla nga akong tinapik ni Ma’am sa balikat noon at sinabing “Sabi ko sayo madali lang ‘di ba, Ipagpatuloy mu yan ang laki na ng pagbabago mo” Umabot sa batok ang ngiti ko tila ba araw-araw kasama ko si nanay kaya tinuloy-tuloy ko na ang pagbabago. Pero hindi lahat naging maayos kahit okay na sana ang lahat.

Isang buwan bago ang aming ikaapat na lagumang pagsusulit, umabsent si Ma’am, nasa ospital daw ito kaya, Si Ma’am Lopez muna ang nagbigay ng mga seatwork . Hanggang ang araw ay naging linggo, hanggang sa buwan na nga ang lumipas, wala pa rin si Ma’am, kamusta na kaya si Ma’am? Ayos lang kaya siya? Nasaan kaya si Ma’am? Hindi ko na nasagot ang mga tanong kong ito noon, dahil laging may sakit lang naman ang sagot ni Ma’am Lopez at ng iba pang guro.

Basey I Central Elementary School Closing Exercises
Basey I Central Elementary School Closing Exercises

Natakot ako dahil iba na ang bumungad na teacher sa amin kinabukasan tatlong Linggo na ang nakaraan mula ng wala si Ma’am. Si Ma’am Jenny ang pumalit kay Ma’am… Ay! hindi pala parang panandalian lang daw habang wala pa si Ma’am. Pero mukhang tama nga ang hinala ko noon dahil sa huli hindi na bumalik si Ma’am. Hindi na niya kami nakitang nagsipagtapos, si Ma’am Jenny ang nag-abot sa akin ng sertipiko, sertipikong na aking binuo kasama ang paggabay ni Ma’am, parang may kulang? Oo nga pala wala noon si Ma’am, wala si Ma’am.

Lumipat kami ng bahay malapit kay Lola at sa trabaho ni Nanay, swerte namang tutulungan daw ako ni tito sa pag-aaral. Hanggang sa dulo hindi nawala sa ala-ala ‘ko si Ma’am, binawi ko ang mga nasayang kong panahon at ibinuhos sa panibagong yugto ng pag-aaral. Hanggang sa nakatapos ako.

Binalikan ko ang eskwelahan kung saan ko nakilala si Ma’am, pero iniwan niya na pala talaga ang mundo ng pagtuturo. Limang buwan matapos naming lumipat ay hindi na daw kinaya ni Ma’am ang sakit nito sa puso na nagsanga-sanga na sa maraming komplikasyon. Natigilan ako ng marinig ang balita, wala akong kamalay-malay, hindi man lang ako nakapagpaalam at nakapagpasalamat ng maayos kay Ma’am, hindi na niya nalaman, huli na ang lahat. May pagsisisi na dapat pala noon ay sinabi ko na sa kanya na malaki ang naitulong niya sa akin, pero kahit ganito, siya na nga ang nagsabi na dapat lang na magpatuloy ang buhay, kailangang magpatuloy.

Basey I Central Elementary School Basey Samar
Basey I Central Elementary School – Grade 2 FL

Alam kong nasaan man ngayon si Ma’am , masaya siya para sa akin. Masaya siya dahil may nabago siyang buhay sa likod ng lahat ng kanyang sakripisyo. Ma’am hinding-hindi kita malilimutan ang iyong ala-ala ay dala ko palagi at nakaukit sa aking puso magpakailanman.


Isang TEACHER na rin ako ngayon. Dinala ko ang mga aral at pagmamahal na ibinigay sa akin ni Ma’am, ang paniniwalang walang imposible, walang salitang problema kung may solusyon naman at ang pag-asa ng pangarap na isasalin ko na sa aking mga istudyante sa kasalukuyan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.

1 Comment
  1. Kenneth B. Romero says

    I really like the story, I remembered my teacher when I was in college, she taught me how to become a leader, leading organization, finding sponsors and donations for school’s programs and organizing enrichment programs for students. With her help, I am now a teacher as well as Head of SHS English Department in public school but 2 weeks ago she died because of cancer.