Malamig ang panahon, malapit na kasi ang pasko, nag-aagaw na ang sinag ng araw sa lamig ng madaling araw. Maaliwalas magturo sa klase ko dahil talagang halos magsayawan ang mga kurtina sa bintana at sumasabay na din ang mga dahon ng puno sa pag-indak kaya hindi nakakahapo. Pero napansin ko mga ilang araw ang nagdaan, mukhang nawili talaga ako sa pagtuturo, kaya umatake na naman ang ngalay ko pero nung araw na naramdaman ko ang ngalay na yun ay sa batok lang muna nagsimula hanggang sa gumapang na ang ngalay na naging sakit sa balikat. Pansin na din ng mga bata ang nangyayari sa ‘kin, kaunting tayo lang maya-maya’y babalik na naman ang sakit kaya mapipilitan muna akong umupo.
“Sir Berto, bakit po panay po ang himas nyo sa balikat???” tanong ng istudyante ko
“Naku, huwag mo akong pansinin, ituloy mo na lang ‘yang ginagawa mo” sagot ko na lang habang ngibit pa rin sa sakit.
Nagpunta na lang muna ko sa clinic naghalungkat ng kahit pain reliever man lang, hindi ko talaga maintindihan kung san nanggagaling ang sakit, ang alam ko lang para bang galing sa itaas napasok sa loob.
Wala, Wala akong nakitang gamot kaya binasa ko na lang ang bimpo ko at dinampi-dampi ‘to sa balikat. Bumalik na lang ako sa room. Tapos na ang mga bata sa kanilang pangkatang gawain. Hindi pa ko nakakatatlong hakbang ay napansin kong sobra kung tumitig sakin si Genna, istudyante kong nahimatay nung isang araw, hindi ko alam kung sa init o kung sa anu pang dahilan.
“Oh, bakit Genna?, may tanong ka ba?” himas ko parin ang balikat ko, habang tulala ang bata sa akin.
May tinuturo sya sa akin, mas mataas ng kaunti sa balikat ko.
“May dumi ba ako sa mukha?” ngumisi akong nagtanong, tulala pa rin sya at parang hindi na pinipikit ang mga mata, nakatingin na rin sa kanya ang iba pa nyang mga kaklase.
“Sir, may… may.. naka…” hinimatay ulit si Genna, nangisay na parang nag-unat at bumulagta sa sahig.
Hindi ko alam ang gagawin. Pero para bang may bumulong sa akin at napabaling ako sa Salamin limang dipa mula sa kinatatayuan ko, nakaharap sa pinto ng room, malapit sa CR. Napatigil ako.
Doon ko nakita ang istudyanteng nakapangko sa akin na nakangiti, walang mata… duguan ang uniporme… nakahawak sa balikat ko… mahaba ang buhok… maputla…
Tanda ko na lang na Dalawa na kaming nakahandusay sa sahig ng room.