Ilan po ba sa atin ang nakapansin ng mga Logo ng RCTQ, Australian Aid, University of New England, SiMMER, Philippine Normal University? Hindi po ba kayo nagtataka kung bakit ang kanilang mga logo ay hindi nawawala sa lahat ng slides ng bawat presentation tungkol sa RPMS-PPST?
Ang Australia, US at Japan ay ang tatlong pinakamalalaking grant aid donors ng Pilipinas. Sa tatlong bansa, pinakamarami ang dikta ng Australia pagdating sa Education Program sa pamamagitan ng programang Basic Education Sector Transformation (BEST).
Tinatayang nasa $83.2 million ang kabuuang Official Development Assistance (ODA) grant galing sa Australia sa taong 2017-2018. Ito ay para mapondohan ang mga programa ng pagbabago sa Pilipinas na naglalayon na (1) magkaroon ng pundasyon para sa economic growth, (2) makapagtayo ng mas malakas na institusyon para sa transparent at accountable governance, at (3) mapabuti ang kondisyon ng kapayapaan at katatagan sa ating bansa.
Malaking porsyento ng tulong pinansyal ang nagamit na ngayong taong ito para sa unang layunin na kung saan napapabilang ang programang BEST, ayon sa 2017-2018 Aid Program Performance Report, 61% na ng kabuuang ODA ang nagamit sa unang layunin.
Kaakibat ng mga tulong na ibinibigay ay ang mga kundisyon na makapagpakita ng outcomes ng mga programa: ang suportahan ang pagsasabatas ng TRAIN, mapatibay ang kahandaan ng DOTr sa pagpaplano ng interconnectivity of transport infrastructure, magkaroon ng batas sa PPP na papalit at magaamyenda ng BOT Law, magkaroon ng Disaster Response Manual at DSWD trainings, mas mapabuti ang programa ng Risk Reduction at Climate Change, Makabuo ng programa ang DSWD para sa Unconditional Cash Transfer at mas maayos na pagmanehar nito, pagpapatupad ng DepEd Rationalisation plan, DepEd Unified Information System, School Heads Development Program (SHDP), pagpapatupad ng PPST na may promotion at salary increments kaugnay sa performance ng mga guro, Training ng mga gurong nagtuturo ng English, Mathematics at Science, Enhancement ng SBM, magkaroon ng ebidensya sa improved learning outcomes ng mga mag-aaral, makagawa ng Prototype course syllabi for mathematics, science, and English at Pre-service teacher education curricula.
Ang mga nabanggit na napakaraming mga hinihinging katibayan ay para pa lang sa unang layunin. Pagtuunan naman natin ng pansin kung bakit nagkaroon ng kontrobersyal na PPST. Noong 2012, naglaan ang AusAID ng halagang Php235 million (A$5.6 million) para sa establishment ng Research Center for Teacher Quality (RCTQ) na pamamahalaan ng Philippine Normal University. Ang PNU ay naatasang mag research tungkol sa activities and policy recommendations para ma improve ang quality of teaching sa ating bansa, partikular sa pagpapatupad ng K to 12 Program. Kabilang sa mga pangunahing researchers ng PPST ay si Dr. Gina O. Gonong.
Ang Basic Education Sector Transformation (BEST) Program ay ang pinakamalaking partnership ng Australia sa Pilipinas. Nagsimula ito noong 2013 at opisyal na naipatupad noong 2014. Sa orihinal na plano ng kasunduan ng Australia kay Presidente Aquino at Former Secretary Luistro, ang programang ito ay magtatagal ng 12 taon. Ngunit dahil nailuklok sa pwesto si Pangulong Duterte, nagkaroon ng mga pagbabago sa senior executive arrangement sa DepEd na syang naging dahilan upang ang 12 taon ay umikli sa anim na taon. Isinali na sa bilang ang 2013 kung kaya’t ang katapusan ng programang BEST ay sa 2019 na. Nakatali ang kamay ni Secretary Briones sa mga minanang polisiya at commitment ng nakaraang administrasyon kung kaya naman napirmahan ang DepEd 42, s. 2017 na nagpapatibay sa adaptation PPST.
May katwiran po ang mga nagkomento na si Sec. Briones ang approving authority. Sya po ang kasalukuyang nakaluklok sa pwesto at sya ang naka duty na pipirma sa mga pinagkagastusang milyon ng nakaraang nasa pwesto.
Upang mas maunawaan natin kung paano nabuo ang PPST, simulan natin ang pagbalik-tanaw sa NCBTS-TSNA na ating ginagamit mula pa noong 2009. Ito ay binubuo ng self-assessment tools upang maging batayan ng ating kahandaan at kaalaman sa ating mga itinuturo. Ginagamit din itong batayan nang mga disenyo ng trainings na mas kailangan ng mga guro. Kung inyo pang maaalala, nabigyan po ba ng sapat na training ang mga gurong mas nangangailangan ng tulong nang panahon na NCBTS-TSNA ang atin pang gamit na standard? Sa aking karanasan, hindi LAHAT ng classroom teachers ay nabibigyan ng pagkakataon na makaattend sa mga importanteng seminar at training na itinakda gamit ang pondo ng human resource training and development (HRTD).
Ayon sa nailathalang report sa World Bank Group noong June 2016, ang budget para sa lahat ng in-service training ng DepEd ay umabot sa 1.9 billion sa taong 2014. Ito ay itinakda para masanay ang mga guro sa bagong K to 12 curriculum. Kung susuriin, bawat guro pala ay may nakalaang pondo na umaabot sa P3,000 sa kanilang pagsasanay sa taong 2014. Taon-taon ay may ibinibigay na pondo para sa HRTD. Ang kalahati ng HRTD funds ay inilalaan sa training activities sa DepEd Central Office. Ang kalahati ay ibinababa sa regional at division offices. Nakakapagtaka na ang mas malaking bahagi ng pondong ito ay hindi umaabot sa division offices gayong sila ang may mas malapit na contact sa mga classroom teachers. Napaulat din na kahit natanggap na ng Regional office ang pondo noong 2013, nagkakaroon ng delay kung kayat 2014 na natanggap ng mga division offices ang para sa kanila. Wala ring datos kung ilan ang nakinabang at kung saan ginamit ng regional offices ang 42% na natirang pondo dahil ito ay hindi rin nakarating sa mga division offices. Ang mga ganitong karanasan ang isa sa mga napakalaking factor kung bakit may kakulangan sa inaasang curriculum competence ang bawat guro habang sinisimulan ang K to 12 program. Maaaring mas ginastusan sa pagsasanay ang mga school heads at supervisors pero hindi nagkaroon ng malawakang pagsasanay sa ibaba para sa mga mas nangangailangan na classroom teachers.
Dahil napakababa ng resulta ng mga nakaraang National Achievement Tests, nagkaroon ng assumption na ang mga teacher ay kulang sa kahandaan sa pagtuturo. Upang mapatunayan ito, nagsanib pwersa ang mga eksperto ng Australian National University at PNU at nabuo ang Research Center for Teacher Quality (RCTQ) noong 2012 na syang gagawa ng mga researches na maaaring makaakit ng funding support. Kabilang sa kanilang importanteng kontribusyon ay ang pag buo ng teacher assessments na mas alam natin ngayon sa katawagang PPST at ang pagtulong nila sa PETS-QSDS ng World Bank Group research sa pagsusuri upang patunayan ang Low Quality ng mga guro sa Pilipinas.
Gumawa sila ng pinaikling version ng TSNA at bumuo ng Competency Assessment Test na syang gagamiting instrumento upang magkaroon daw ng accurate measurement of competencies. Sa kanilang research na ito, ang kanilang respondents ay 1,500 teachers na nagtuturo ng English, Science, Filipino at Math sa Grade 6 at Grade 10. Lumabas sa resulta ng kanilang pag-aaral na habang mataas ang rating ng mga teachers sa kanilang self-assement, napakababa naman ng kanilang scores sa Competency Assessment Tests. Ito ang ginawang basehan para maideklarang walang katiyakan o doubtful ang resulta ng NCBTS-TSNA self-assessment upang maging basehan kung ang teacher ay totoong may mastery sa curriculum at teaching methods. Ang maling haka-haka rin daw na ito ng mga guro sa ating mga sarili ang sya ring nagsisilbing dahilan upang magkaroon tayo ng problema sa mga ginagawa nating students’ performance assessment.
Ang pag-aaral nilang ito ang naging batayan na rin ng World Bank upang maideklarang mababa ang kalidad ng mga guro sa Pilipinas at nangangailangan tayo ng tulong sa ating professional development. At dahil doubtful at hindi reliable ang TSNA kailangan na itong palitan ng PPST na binuo ng RCTQ. Sa ginawang pag-aaral, malinaw na ang kanilang statistical tools ay nakabatay sa pagtuturo ng K to 12 program na kung saan ang kanilang mga respondents na 1,500 na mga guro ng grade 6 at grade 10 ay nagtuturo pa ng old curriculum nang mga panahong sila ay pinag-aralan. Paano rin kaya nila napatunayan ang magandang epekto ng PPST sa kanilang Pilot study sa Region I at NCR noong 2015 gayong hanggang sa kasalukuyan, ayon sa 2018 Independent Progress Report, ay wala pa ring resulta ang NAT 2015-2016. Isa pang angulo ay ang sinasabing nagkaroon ng konsultasyon. Ilan po kaya sa atin ang nakakaalala na kinunsulta tayo sa pag buo ng PPST? O baka naman sadyang pinili nila ang “mababait” na teachers na aattend sa consultation o validation para wala nang mag object.
Kasama sa programa ng BEST ang pagpapatupad ng PPST at itinuturing ng BEST na malaking accomplishment nila ang PPST. At dahil malapit na rin ang deadline of implementation ng kanilang programa sa 2019, nagmamadali na rin sila na maging policy ng DepEd ang adaptation ng PPST. Napansin din ito ng Department of Foreign Affairs and Trade (DFAT) ng ginawa nila ang Independent 2018 Progress Report. Ayon sa report, wala daw appropriate influence ang research sa mga policy analyst ukol sa PPST kung kaya naman ang uptake ay umabot ng mahabang 12 buwan bago ito napirmahan ng DepEd.
Kahit pa ito ay napirmahan ng DEPED sa pamamagitan ng DO 42, s. 2017, ay hindi pa ito kaagad sinimulang I roll out at ipatupad kung saan matatapos na ang kanilang kontrata sa June 2019. Kung kaya naman inereport ng RCTQ sa BEST na huli na ang expected release ng PPST. Kailangan nilang baguhin ang order of expected deliverables kasama ang NEAP at BHROD. Kailangan nilang bumuo ng trial key tools mula sa 37 indicators ng PPST na gagamitin para sa RPMS. Gahol na sa oras kung kaya naman naging default ang career stages ng baguhan at mga beteranong guro gamit ang dalawang RPMS tool na may 12 indicators.
Dahil sa papatapos na ang kontrata at sa bagal ng kanilang pag usad, hanggang ngayon ay hindi pa natatranslate into policy ang ibang nakatakdang mahahalagang gamit ng PPST gaya ng batas sa reclassification, rewards and incentives. Isa sa patotoo nito ay ang DBM Budget Circular No. 3, 2018 dated July 3, 2018 na nagsasaad na nananatiling ang Compensation and Position Classification System (CPCS) lamang ang sinusunod sa reclassification at ang tanging pagkakataon para magkaroon ng reclassification sa teachers ay ang nakasaad lamang sa PD 985 of 1976 at ang Budget Circular 2004-1 para sa teachers I – III at EO 500 of 1978 para naman sa Master Teachers. Samakatuwid, hanggang sa ngayon ay wala pang basehan ang mga ginawang pang-akit sa mga guro upang ipangako ang T I – VII at MT I – V. Dadaan pa sa masusing pag-aaral ng presidente ang research sa PPST at mga nakaraang Presidential Decree at Executive Order upang maamend ang mga ito pati na rin ang DBM Compensation and Position Classification System (CPCS) at ang 2017 ORA-OHRA o maaari rin namang idaan ito sa supreme court para mapawalang bisa ang mga ito.Matagal tagal pa na proseso ito.
Isa pang iwinawagaway na kagandahan ng PPST ay ang integration nito sa curriculum ng Pre-service teacher education na hanggang sa ngayon ay hindi pa kinikilala ng CHED. Paano magkakaroon ng batayan ang impact ng PPST sa pagiging magiling na guro ng mga beginning teachers kung hindi pa man sila sumailalim sa ganitong curriculum?
Wala tayong karapatang ipatanggal ang RPMS dahil ito ay requirement sa lahat ng empleyado ng gobyerno ngunit may karapatan tayong tanungin at alamin kung talagang makakatulong sa ating lahat ang ginagamit na standard o PPST sa RPMS. Matatapos na ang kontrata ng BEST na syang nagpasimula ng PPST. Kung ang PPST ay ipagapatuloy at paninindigan ng ating gobyerno hanggang sa susunod na salin-lahi ay sila lang ang nakakaalam. Pagdating ng panahon, alam na natin kung sinu-sino ang dapat nating sisihin kung ito man ay mas naging pabigat at hindi naging epektibo sa totoong pagtaas ng kalidad ng mga guro at ng kalidad ng edukasyon sa ating bansa.