Home » Buhay Guro » Welgang Ipinagbabawal: Kamatayan ng Ekonomiya at Sosyal na Interes ng mga Guro

Welgang Ipinagbabawal: Kamatayan ng Ekonomiya at Sosyal na Interes ng mga Guro




Ang pagwewelga ay pangunahing pamamaraan na kung saan ang mga manggagawa at ang kanilang grupo ay nagkakaroon ng pagkakataon na lehitimong maitaguyod at maipaglaban ang kanilang pang ekonomiya at sosyal na interes. Taliwas sa pananaw na ito ay simpleng kilos panlipunan lamang, ang pagwewelga ay kinikilala ng Committee on Freedom of Association ng International Labour Organization na isang mahalagang karapatan ng mga manggagawa. Ang batas na umiiral sa ibang bansa gaya ng Canada at France ay sumusuporta sa karapatan sa pagwelga ng lahat ng uri ng manggagawa. Sa ating bansa, pinapayagan namang magwelga ang mga pribadong manggagawa ngunit ipinagbabawal naman ang gawaing ito sa mga pampublikong empleyado ayon sa Civil Service Law (PD No. 807) at Republic Act 875. Bakit nga ba kinikilala ang karapatang ito sa ibang mga bansa? Suriin natin ang mas malawak na dahilan.

Ang International Labour Organization (ILO) ay isang ahensya ng United Nations na nagtatakda ng international labor standards na magtataguyod ng proteksyon at oportunidad sa pagtatrabaho para sa lahat. Mayroon itong tripartite structure na binubuo ng kinatawan ng gobyerno, employers, at mga manggagawa na syang nag-aaral at gumagawa ng mga labor standards. Misyon ng ILO na itaguyod ang social justice at ang mga kinikilalang karapatan ng mga manggagawa sa buong mundo . Ito ay dahil na rin sa prinsipyong mahalaga ang social justice sa pandaigdigan at panghabambuhay na kapayapaan.

Ang mga nabuong legal na instrumento na kung tawagin ay ILO Conventions ay nagtatakda ng mga pangunahing prinsipyo at mga karapatan ng mga manggagawa sa mga kaanib na bansa na kung saan ang Pilipinas ay kasapi . Ang mga Conventions na ito ay mga legal na pinagkasunduang kontrata na dapat ipatupad sa mga bansang nagpatibay nito. Obligado ang mga kasaping bansa na isama sa kanilang mga labor laws ang aplikasyon ng 189 ILO Conventions. Ilan sa mga pinakamahalagang legal na instrumento ay ang ILO Convention No. 87 na tungkol sa “Freedom of Association and Protection of the Right to Organize” at ILO Convention No. 98 na tungkol naman sa “Right to Organize and Collective Bargaining”.




Ayon pa sa ILO Committee on Freedom of Association (ILO, 1996d, para. 544-545), ang mga nasa essential services lamang ang hindi pinapayagan na magwelga. Sila ang mga nasa pampublikong serbisyo na kapag naantala ang kanilang pagtatrabaho ay magdudulot ng kapahamakan sa buhay, personal na kaligtasan o kalusugan ng buo o bahagi ng populasyon (ILO, 1983b, para. 214). Maliwanag na hindi isinama ang sector ng edukasyon sa pinagbabawalang magwelga at ito ay nakasaad sa ILO, 1996d, para. 545.

Kung sinusuportahan ng pandaigdigang organisasyon ang karapatan ng manggagawa na magwelga, bakit kaya hindi pinapayagan sa Pilipinas na magwelga ang lahat ng nasa pampublikong serbisyo? Bakit kaya hindi tinutupad ng ating gobyerno ang kanilang pangako sa ILO Convention? Sila ba ay pumirma sa Convention upang makakuha lamang ng benepisyo bilang isang miembro? Marahil ito ay sa kadahilanang ang gobyerno ay parehong mambabatas at employers. Maraming pulitiko ang nahuhulog sa tukso na gamitin ang kanilang lehislatibong kapangyarihan upang maging madali para sa kanila ang lahat ng paglutas ng problema sa pamamagitan ng pagpatay sa karapatan ng manggagawa na magwelga.




Ang pagwewelga ang nag-iisang tunay na natitirang kapangyarihan ng manggagawa sa kanilang hanapbuhay. Kung ipinagbabawal ang karapatang ito, ipinagkakait ng gobyerno sa manggagawa ang pinakamahalagang pamamaraan upang maipagtanggol ang pangekonomiya at panghanapbuhay na interes. Kung ito ay hindi ipahihintulot sa isang bansa, nararapat lamang na kusang ibigay ng gobyerno ang mga nauukol na bayad garantiya o “compensatory guarantees” sa mga manggagawa. Mahalagang hindi lang kinukunsulta kundi dapat lang na isinasali ang grupo ng mga manggagawa sa pagpapasya, paggawa at implementasyon ng mga patakaran (ILO, 1994a, para. 164).

Nararapat rin na may kinatawan ang mga guro sa kongreso na may totoong kapangyarihang makahikayat na maisulong ang mga house bills at senate bills na mag aangat sa social status ng mga guro at magbibigay ng legal na karapatan sa pagwelga. Sa kasalukuyan, kahit pa may kinatawan na ang mga guro, nananatiling nakabinbin lamang ang mga ito ng halos limang dekada na sa kongreso at senado. Nawa ay magkaroon din ng kinatawan ang mga guro na uupo sa Executive Department na totoong nagmamahal at nagmamalasakit sa kapakanan ng mga guro.

Kung ang singkwenta’y dos años na Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) ay tapat at pantay na ipinatutupad, marahil ay wala nang gurong maghahangad na mag aklas. Nawa ay magkaroon ng lider ng union ang hanay ng mga guro na kakatawan sa 880,000 na pawang kapakanan lamang ng mga guro ang ipaglalaban, hindi pulahan o dilawan na mas nakatuon ang pansin sa kanilang adhikaing politikal.




Leave a Reply

Scroll to Top