Home » Buhay Guro » Mga Ayaw Mong Maging CoTeacher!

Mga Ayaw Mong Maging CoTeacher!

(Pagkukumpara sa mga takot, Horror Edition )

Mga Ayaw Mong Maging CoTeacher!

Awooooo!!!! malamig ang paligid, nararamdaman mo na naman ang mga yabag na ikaw lang ang nakaririnig, natatakot ang mga tenga sa nakabibinging katahimikan, minumulat ang mga mata sa paniniwala ng katotohanan… UMUWI ka na KASI! Ikaw na lang ang tao sa school, magpahinga ka naman!

Malapit na ang Halloween, uso na naman ang takutan! Pero alam nyo ba ang mas nakakatakot??? Ang iwan ka ng taong MAHAL na MAHAL mo! (insert sad song) ‘yun ang mas nakakatakot.

Ay! OO NGA PALA, baka kung saan pa mapunta ang usapan, narito ka ngayon para makaiwas sa mga takot, pananakot at mga mahirap na maintindihan na sitwasyon dahil gusto mo lang maging goodvibes sa lahat ng oras. Pero hindi naman natin maiiwasan ang mga nega sa paligid, kaya naglista ako ng mga klase ng mga guro na ayaw mong maging katrabaho dahil nakakatakot at lagim lamang ang maidudulot sa buhay-guro mo!!! para makaiwas ka na rin kapag nararamdaman mo na sila. Gawin natin itong mas magaan (Horror edition).

1. White Lady

Bigla na lang sumusulpot kahit may kausap… epal. Tapos kapag kailangan mo naman bigla na lang mawawala. Wala siyang mukha, magaling sya magpalutang at madalas nang-iiwan sa ere.

2. Kapre

Kalimitang malaki ang tingin sa sarili lagi kasing nasa taas, laging mapagmataas sa mga achievement kahit na SIYA na lang ang nakakaalam. Kung nasaan ang apoy at usok nandun sya, bigyan natin siya ng isang masigabong palakpakan.

3. Dwindi

Kung anong liit, siyang galing magmaliit ng kapwa, babatiin ka sa harap pero minamaliit ka sa likod, small version ng PLASTIC cabinet. Dadalhin ka sa kanilang mundo pero ‘wag kang sasama dahil maaaring maging isa ka sa kanila at ‘di ka na makakabalik.

4. Tsanak

Magaling umiyak… magaling gumawa ng istorya… magaling magpaamo pero kakagatin ka pa rin kahit anong pagdamay ang gawin mo. Sa huli ikaw naman ang iiyak.

5. Manananggal

Laging hinahanap ang kalahati ng kanyang sarili, mahilig ikumpara ang sarili sa’yo. Feeling niya ang taas-taas na ng lipad niya, at sabay sabing nakatapak pa rin ang paa niya sa lupa, pero ‘wag pakampante sa haba ng dila niya iiikot lang niya ‘to sa’yong leeg, NYAHAHAHA.

6. TAMAwo

Palagi na lang siyang TAMA, TAMA sa lahat ng oras, feeling hindi siya nagkakamali. Basta may TAMA siya.

7. Aswang

Mahusay magbalat kayo… kung anu-anong hayop pwede, aso, itim na pusa, baboy, baka kalabaw o ibon. Aamuhin ka… dahil may kailangan sayo… kapag napalagay na ang loob mo sa kanya, unti-unti niyang kakainin ang kabutihang lamang loob mo.

8. Red Lady

Laging galit, parang nasa kalagitanaan ng red days… pula lahat ang tingin sa paligid badtrip kahit wala pang ginagawa mabilis magalit. Kaya bigyan natin sya ng KALMA CLAP! 1 23… 123… Kalma! Kalma! Kalma!

9. Tikbalang

Mahilig kang iligaw sa kung anu-anong bagay. Imbis na ituro sa’yo ang tamang direksyon ay pilit ka pa ring ipupunta sa mas malabong sitwasyon, kanya lang kasi ‘yung ideya, baka masapawan mo.

10. Multo

Hindi mo maramdaman, pero mahilig magparamdam (parang ang labo no?, Malabo din siya eh). May gusto siyang sabihin pero napakatahimik. Boring.

11. Zombie

Manhid, ang bagal gumalaw… may kailangan ng report eh.. hehehe, minsan ang utak niya ay sabaw, lutang ‘di mo makausap kapag maraming ginagawa.

12. Mangkukulam

Literal? Hindi… mukhang mangkukulam? Hindi din. Sila ‘yung laging may sumpa, laging may BULONG sa mga pagkakamali o nakasakit sa kanila. Lagi nilang hangad ang di pag-unlad ng mga katrabaho. Bwahahaha!

13. Tiktik

Kapag nandyan na ang bisita napakatahimik, pero kapag napakalayo napakadaming sinasabe… tapos ikaw pa lagi ang sinasabi na ioobserve ‘pag dumating ang bisita. Kaya mo na daw kasing magpa-observe, so ikaw naman syempre kakabahan, tatahimik ka na lang sa kaba.

14. Batibat

Mahilig mangdagan ng tao, laging nagsisilbing pabigat sa kalooban imbis na pede namang pagaanin ang trabaho para masaya lang ang work place. Kahit sa panaginip dala mo yung sakit at bigat, ‘yung dala niyang BIGAT.

15. Lampira

Oo Lampira (walang pera). Manghihiram sa’yo tapos ilang araw, linggo, buwan pa, takot na siyang lumabas kapag sikat na ang araw. Ayaw ka man lang kausapin, nakakaubos ng dugo kapag kailangan mo nang kuhanin ang hiniram niya. Peace!

Awooo! Marami pa yan… nangangagat, nananakot, nananakit pero hindi ko pa nakikita at naeexperience ang iba. Hindi naman ako si Pedro Penduko para sugpuin ang mga ‘yan. Pilit ko pa rin silang iniintindi, dahil baka mahawa o maging isa pa ‘ko sa kanila. Mahahalintulad pa rin ako sa isang albularyo na pilit silang itinataboy kung hindi na sila magbabago.

Ang pinakamabisa na sigurong paraan para mailayo ang kanilang sumpang usog ay gawin ko na lang ang trabaho bilang guro, ipagdasal sila… Huwag nang intindihin ang mga nega na makakaepekto sa buhay. Good Vibes! Walang takot.

Ang takot ay dala na ‘din ng mga unang takot na nakapaligid sa ‘tin, minsan tayo pa ang gumagawa. Harapin ang takot, para hindi ka na maapektuhan sa susunod.

Alisin na ang takot, maging matapang sa pagharap sa mga negatibong tao sa buhay.

Ayun! Nakaisip na ko ng costume ko sa Halloween party namin, hahanap ako ng costume na PUSO… hahatiin ko sa gitna, isusuot ko ang kalhati.. tapos hahanap ako ng kapares. Nyahahaha

Power!

Jhucel Atienza del Rosario

He is the happiness ambassador of teacherPH, elementary teacher, creator of FaceBook Page: Ang Masayahing Guro, Artist @ GuhitPinas, Musikero kuno, komedyante sa gabi, adik sa kape... mangingibig. Follow him on Facebook.

2 thoughts on “Mga Ayaw Mong Maging CoTeacher!”

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.