Table of Contents
Pahayag at paglilinaw ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) hinggil sa usapin ng NTHP at malisyosong mga pang-iintriga ng ACT
*Bagamat hindi namin nais na malantad ang mistulang pagkakahati-hati sa hanay ng mga guro, kinailangan naming ilabas ang pahayag na ito upang mailinaw ang ilang paninira at name-calling sa TDC at makatulong sa pag-unawa at mabigyan ng factual information ang mga kapatid na guro, saan man sila nakaanib o wala man silang kinaaanibang samahan.
TAKE-HOME PAY, BALIK SA P4,000
Ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ay nagpupugay sa lahat ng mga guro sa ipinakita nating mulat na pakikiisa sa usapin ng net take home pay (NTHP). Naging malaking isyu ito noong mga nakalipas na araw dahil sa pinahintulutan ng DepEd na kaltasan ang sahod ng mga guro kahit pa bumaba ito sa mandated na P4, 000 sa bisa ng DepEd Order No. 38. Nakakagulat ang sumunod na mga pangyayari, maraming guro ang sumahod lamang ng P3,000, mayroong P1,000 lamang ang nakuha, may P600, P500, P300, P200. Sa katunayan mayroon pang ilang guro na mababa pa sa P100 ang sinahod para sa buwang ito.
Agad tayong nagpadala ng pormal na liham sa tanggapan ng Kalihim noong Oktubre 22, araw ng Linggo upang hilingin na bawiin ito. Ang mismong sulat natin na nilagdaan ng ating National Chairperson, Benjo Basas ay mabilis na naipakalat sa social media, nakakuha ng maraming shares at likes at nag-trending. Kaya naman sunud-sunod ding panayam sa media ang naisagawa mula araw ng Lunes hanggang ngayong umaga, sa diyaryo, radyo, TV at online. Hindi rin iilang impormal na usapan sa matataas na opisyal ng DepEd Central ang naisagawa natin- nang mabilisan. Tunay nga, binuksan ng isyung ito ang interes ng madla sa abang kalagayan ng mga guro.
At kahapon nang hapon, Huwebes, Oktubre 26 ay binawi na ng DepEd ang naunang kautusan. Nilagdaan na ni Sec. Liling Briones ang DepEd Order No. 55 na nagpapawalang-bisa sa DepEd Order No. 38 at ibinabalik sa limit na P4,000 ang dapat na take-home pay ng mga guro.
Ang pangyayaring ito ay muli na namang nagpaptunay na kung tayo ay magsasalita, kikilos at makikiisa ay maaari nating mapagtagumpayan ang ating mga laban at kahilingan.
BLACK PROPAGANDA AT FAKE NEWS
Ngunit isang bagay ang lubos na nakalulungkot, sa panahon kung kalian higit dapat magpakita ng pagkakaisa ay nakuha pa ng ibang grupo ang mang-intriga sa kapwa organisasyon.
Sa pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) noong Martes, Oktubre 24, binago nila ang nilalaman at konteksto ng ating liham at ginawan pa ng poster na pinagmukhang katawa-tawa ang posisyon ng ating Chairman sa isyu na tila ba inulit lang at kinampihan ang argumento ni Sec. Briones.
Narito ang quote ng ACT kay Benjo Basas, TDC Chairman:
“We recognize that there is a problem on the mindset of most of our employees in relation with financial management.”
Pinutol ang pangungusap na tila ba wala nang karugtong para magmukhang umaayon nang buong-buo kay Sec. Briones ang TDC at nilagyan ng caption na “whose side are you?” Para bang wala nang ibang sinabi ang TDC kundi ang sugnay na ito.
Samantala narito ang totoo at kumpletong pangungusap at talata:
“Madam, we recognize that there is a problem on the mindset of most of our employees in relation with financial management, but we also believe that this abrupt and unforeseen solution of the DepEd creates more problems than solution. May we appeal for your consideration to immediately suspend the implementation of the DepEd Order No. 38, s. 2017 and initiate the widest consultation possible so that we will all be able to discuss the situation in the field and come up with a better solution.”
Malinaw na malisyoso ang ginawang pagputol ng ACT sa ating statement at inilabas ito sa konteksto (ang buong sulat ay mababasa sa TDC Facebook Pages). Nagkasya na lamang sa pag-quote ng isang sugnay ng pangungusap na walang konsiderasyon sa kabuuang konteksto nito. Bakit kaya ganito ang ginawa nila? Ano ba ang mapapala nila dito?
TAGUMPAY ITO NG LAHAT NG GURO, HINDI NG IISANG ORGANISASYON LAMANG
Ang mas nakalulungkot pa, ngayong binawi ng DepEd ang kautusan ay bigla naman silang naglabas ng pahayag na inaako ang tagumpay na ito ng mga guro. Ililinaw natin na hindi tayo makikipag-unahan sa pag-claim ng tagumpay na ito, sapagkat kailanman ay hindi tama na i-claim lalo’t i-claim nang mag-isa ang anumang tagumpay ng anumang laban na nilahukan ng marami. Tandaan natin na aktibo ring nagsalita ang ilan pang organisasyon gaya ng ASSERT sa isyung ito. At ang pinakamahalaga, ang mga indibidwal na guro na hindi nabibilang sa TDC, ASSERT o ACT ay kanya-kanya ring nagpahayag ng pagkadismaya at mababasa natin iyan sa Taga-DepEd Ako (TDA), DepEd Tambayan (DT) at TeacherPH pages.
Gayunman, sa pahayag ng ACT-NCR kahapon, pinalabas nilang sila at tanging sila lamang ang lumaban para sa tagumpay na ito. Ang iba ay wala nang iniambag kahit katiting, lalo na ang TDC na tinawag nilang “dilawan” at “nagpapanggap na maka-guro pero sa esensiya ay pabor sa kontra-gurong patakaran ng ahensiya.”
Dilawan ang TDC? Anong dilawan at bakit dilawan? Ang TDC na naunang tumugon sa isyung ito ay nagpapanggap lamang na makaguro? Ang TDC na agarang pormal na kumundena sa ginawang ito ni Sec. Briones ay pabor pala sa polisiyang ito ng DepEd? Ang TDC na siyang nagpalutang sa mainstream at social media para mapag-usapan ang isyung ito ay walang iniambag sa laban? Ang TDC na tuluy-tuloy na nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng DepEd para ikunsidera ang ating kahilingan ay walang naitulong?
Saan kaya kumukuha ng lakas ng loob ang ACT para palutangin ang mga paratang na ito? Sa panahon ng laban, imbes na ibuhos ang puwersa laban sa polisiya ng DepEd at palakasin ang argumento ng mga guro ay nagawa pa nilang tayo ang awayin. At sa panahon ng tagumpay ay harap-harapan naman nilang inako nang mag-isa ang kadakilaan.
KAILANGAN ANG PAGKAKAISA, HINDI PAGKAKAHATI-HATI!
DAPAT UNAHIN ANG KAPAKANAN NG LAHAT KAYSA PAPURI SA SARILI
Handa tayo na makipagkaisa sa lahat ng puwersa at organisasyon para ipagtagumpay ang laban ng mga guro. At kung tayo man ay may hindi nagugustuhan sa pagkilos o pahayag ng ibang organisasyon ay sinisikap nating hindi ito dalhin sa publiko upang maiwasan ang persepsyon na mismong sa ating hanay ay may hindi pagkakaunawaan.
Kung tayo ay tapat sa ating mga ipinaglalaban ay hindi natin kailangan gumamit ng kasinungalingan, manira sa iba at manlinlang sa ating mga pahayag para lamang makakuha ng suporta.
Walang perpektong organisasyon, kaya hindi dapat umastang perpekto ang sinuman. Sinseridad, sakripisyo at maigting na pagnanais na maglingkod sa kapwa-guro at sa mamamayan ang dapat paghugutan ng ating mga pagkilos. Kaya naman sa kabila ng maraming limitasyon, ang TDC ay masiglang tumutugon sa mga usapin ng mga guro at laging may kahandaan at kagiliwang makipagkaisa sa lahat.
Huwag tayong maghanap ng kamalian ng iba at baka matuklasan nating mas marami pala tayong pagkakamali kaysa sa kanila. Saan mang labanan, uunahin dapat natin ang kapakanan ng ating mga ipinaglalaban, hindi ang kadakilaan ng ating mga sarili.
HAMON NG PAGKAKAISA
Bilang pagtatapos ninanais namin na sana ay magkaroon ng mga pag-uusap. Mas maraming magagawa at maipagtatagumpay kung may koordinasyon ang mga pagkilos, may pagkakaiba man ang ating mga paniniwala at pamamaraan. Sa huli, pinakamabisa pa rin ang magsama-sama at magkaisa, hindi man bilang isang organisasyon kundi bilang isang sektor na maaaring pagbuklurin ng iisang layunin.
Kaya sa mga kapatid na guro sa ACT at ASSERT at maging sa mga online groups na DepEd Tambayan, Taga-DepEd Ako at TeacherPH, nawa ay maging bukas ang bawat isa sa pagtutulungan para sa mas malakas na tinig at mas malaking tagumpay.
Kung anuman po ang naging problema ay sana magtulungan na lang po at huwag ipakita kung sino ang higit sa lahat dahil at the end of the day AY SA IISANG SAMAHAN LANG PO TAYO NAGSISILBI, SAMAHAN NG MGA GURO PO! Magkaisa po tayong lahat!
Kung anuman po ang naging problema ay sana magtulungan na lang po at huwag ipakita kung sino ang higit sa lahat dahil at the end of the day AY SA IISANG SAMAHAN LANG PO TAYO NAGSISILBI, SAMAHAN NG MGA GURO PO!