MENSAHE
Lubos ang aking kagalakan sa pagkakataong makibahagi sa pagdiriwang ng inyong Pagtatapos na may temang, “Kabataan mula sa K-12: Tagapagdala ng Kaunlaran sa Bansang Pilipinas.”
Ang tema ng ating Pagtatapos ay tunay ng napapanahon kasabay ng pagbabagong dulot ng K-12 Program. Taglay rin nito ang pag-asang ang bawat mag-aaral na magtatapos ngayon ay magiging handa sa mas marami pang mga hamon, at sa malapit na hinaharap ay magiging tagapagdala ng inaasam na kaunlaran sa ating bansa.
Batid ko na sa inyong batang kaisipan, ang pagtatapos sa elementarya ay maituturing na hakbang lamang patungo sa susunod na antas ng inyong pag-aaral. Ngunit, higit pa dito, mapalad kayong mga magsisipagtapos ngayon sapagkat napagkalooban kayo ng paunang edukasyon sa ilalim ng mas pinalakas nating programa. Ituloy n’yo sana ang pagpupunyagi sa inyong pag-aaral upang kayo ay tunay na maging instrumento, hindi lang sa pagpapaganda ng kinabukasan ng inyong pamilya, higit lalo para sa bansa.
Karangalan kayo ng inyong pamilya, paaralan, at ng mahal nating Bayan ng Marikina. Pagpalain nawa ang inyong mga pangarap at mabubuting mithiin sa buhay.
Marcy Teodoro