Home » Buhay Guro » Ang Kwento ng Isang Principal na Hindi Maintindihan

Ang Kwento ng Isang Principal na Hindi Maintindihan

Ms. Ann D. Erstud, Ed. D., Principal II
Ang kwento ng isang Principal na hindi maintindihan.

Napamahal na ko sa pinili kong propesyon kaya siguro hanggang ngayon ay single pa rin at malabo na sigurong makahanap pa ‘ko ng taong magmamahal sa’kin sa edad kong 50, sa kabilang banda minahal naman ako ng trabaho ko kaya salamat sa itaas at nakamit ko ang aking posisyon sa ngayon.

Ms. Ann D. Erstud, Ed. D., Principal II

Malaking salamin, wavy ang kilay, mala Defensor ang buhok at pusturang kagalang-galang… ‘yan ang ilan sa pangunahing napapansin sa’kin pero may mas masakit syempre ‘yung sa iba pang mga bagay. Akala ko okay na, mabuti na, masaya na… hindi pa pala.

Ginagawa ko lang naman ang trabaho ko

Pero sa kabilang banda bakit kaya may mga bulung-bulungang hindi nagiging maganda at nagiging sigaw sa damdamin ko. Hindi ba nila ako naiintindihan, siguro masyado akong seryoso??? Mahigpit??? Ewan, sila lang naman ang nakakaalam. Sa bawat galaw ko ito lang naman talaga ang gusto kong sabihin at maiparating.

Madalas akong mag-observe

Kasi nga paulit-ulit lang ang ginagawa, hindi ka bukas sa aking mga suggestions at tulong upang maging mabisa pa ang ‘yong pagtuturo.

Hindi Kita pinag-iinitan

Nais ko lang maging matagumpay ang pagtuturo mo sa mga bata.

Ms. Ann D. Erstud, Ed. D., Principal II 3

Nakasimangot ako isang umaga, tapos kahapon

Hindi kayo ang dahilan mga kaguro hindi ba’t ang haba ng pila sa sakayan sa lugar namin, malayo ang tahanan namin kaya naiinis ako dahil hindi kaagad ako makarating sa eskwelahan (at huwag nyo na sanang gawing issue ang pag-uwi ko nang maaga pero sapat naman talaga, dahil sa ngayon ay inaalagaan ko ang aking ina sa amin na may karamdaman, (pinili ko na lang na hindi ipaalam)).

Hindi ako likas na masungit

Taliwas sa iniisip ng marami, dinadahilan pa ang pagiging matandang dalaga ko eh, tanggap ko na naman talaga, may mali kaya minsan naiinis ako pero kapag nama’y tama ang puso ko’y nagiging masaya hindi lang ako showie pero hayaan mo kapag maganda at ginagawa mo nang maayos ang trabaho ngingiti na ako, pangako. (sanay lang talaga akong seryoso siguro dahil sa trabaho, kulang sa labas ng bahay kaya isama nyo na ‘ko sa mga lakad nyo mga kaguro, malay nyo makita ko na si forever doon, hehehe). Nung isang Observation ng mga ‘bisor, ikaw ang pinili ko dahil malaki ang tiwala ko sa’yo.

Huwag kang ma-iirita o magagalit na lagi na lang ikaw

Sa totoo nga saludo ako sa’yo dahil ang galing mong magturo, di ko lang sa’yo pa sinasabi… dahil alam kong alam mo na ‘yun.

Oo nagalit ako nung isang Biyernes

Pagdaan ko kasi nahuli ko kayong dalawa ni coteacher na nagkekwentuhan , at si Mam A. ay sumimangot talaga at naging isang linya ang kilay goals niya… pero napansin nyo ba na ningitian ko lang ang tagpong ‘yun… pasensya na ha dahil ORAS NG KLASE nun (sana huwag nang maulit).

Kapag naman ngumiti ako sa umaga ngitian nyo naman ako

Dahil MINSAN lang ‘yun oh, alam nyo namang Poker Face ang Lola nyo, kaya sana alisin nyo na ang mga hindi magagandang bagay sa mga isip nyo.

Hindi din ako makulit ha

Sorry kung paulit-ulit ako tapos may note pa ulit, ‘yung isang linggo pa kase ‘yung report natin tapos ayan tuloy meron na namang bago…nagkapatong-patong na naman, sana mahabol na natin ang duedate… okay lang naman sa ‘kin na sabihing hindi nyo kaya at ako na ang gagawa hindi po ‘yung “okay Ma’am” kayo sa harap ko hindi nyo pala gagawin” (sorry medyo seryoso na naman).

Ms. Ann D. Erstud, Ed. D., Principal II 4

Hindi ko din pinaiiral sa eskwelahang ito ang favoritism, -ism -ism na yan!

Dahil nung nagtuturo pa ako ay pantay-pantay ang pagtingin ko sa mga istudyante ko, tanda ko pa nga na may nagreklamong nanay dahil natalo daw ang anak niya nung kalaban nito sa pagka first honor… (Maikwento ko lang) edi syempre poker face pa rin ako, ang ginawa ko’y inilahad ko lahat ng records at ibinigay ko sa kanya ang calculator… ayun nganga si Nanay nakuha nya ang sagot sa tanong niya. Kaya ganun din ang trato ko sa inyo, wala akong paborito, lahat kayo pantay-pantay lahat tayo pantay-pantay.

Minsan ba malabo ako?

Pabago-bago ng desisyon? Kaguro ‘wag mo naman sanang ikasama ito hindi naman masama hindi ba, naging matagumpay naman lahat ng plano ‘ko para sa eskwelahan kaya dun pa rin tayo sa tama, pasensya kung minsan hindi nasusunod ang mga gusto ninyo.(ehem, hehehe)

Konting araw na lang…

Bukas naman lagi ang office ng punong guro ng eskwelahan kapag may problema pag-usapan natin, huwag nyong sarilihin ang problema, makipagkwentuhan ka sa’kin pagkatapos ng klase mo; malay mo sa pagkakataong ito ay mabasa mo na kung ano ba talaga ang pagkatao ko, pramis masayahin ako, pramis. Hindi totoo ang mga naunang pagtingin nyo sa akin, huwag palakihin ang isang pagkakaMALI at manatili na ‘tong multo upang maiba ang pagsasamahan natin. Tandaan ninyo nagdaan din ako sa pagiging guro, kaya halos lahat ng sitwasyon, kalagayan, karanasan at nararamdaman nyo ay nakatanim na sa ‘kin, para saan pa at nilagay ako sa posisyong ‘to kung hindi ko kayo gagabayan (mahal ko kayo) at ‘yan ang totoo.

Tapos na ‘ko, na audit na rin ako… mga kaguro kung mabasa nyo ‘to sana maging malinaw na ang lahat ha… Bilis ng panahon, daming ala-ala at aral ang dadalhin ko.. siguro ang una kong gagawin ay tanggalin ang pagiging poker face ko (hehehe)

Mga kaguro sa Biyernes na ang alis ko papunta sa Mayumi Elementary School, ihatid nyo naman ako… kung ‘di man dalawin nyo ako minsan dahil mamimis ko kayo, ako kaya mamimis nyo?

Ang pinakamagandang regalong maipapabaon natin sa mga taong aalis ay “pag-ibig”.

Miss Ann D. Erstud, Ed. D. (sgd)

Jhucel Atienza del Rosario

He is the happiness ambassador of teacherPH, elementary teacher, creator of FaceBook Page: Ang Masayahing Guro, Artist @ GuhitPinas, Musikero kuno, komedyante sa gabi, adik sa kape... mangingibig. Follow him on Facebook.

3 thoughts on “Ang Kwento ng Isang Principal na Hindi Maintindihan”

  1. Napakaganda ang nilalaman ng “the story of my life”, pero hindi ko pa rin maintindihan ang lahat-lahat ng nilalaman dahil tagos hanggang buto ang lalim ng baon nito sa puso naming mga guro. Di ko na rin mabilang ang maraming beses na marinig ng paulit-ulit na sambit ng mga nagkakaisang guro ang kanilang mga ibig ipakahulugan nito sa piling ng mga nagdaang nahirang upang maglingkod ng taos sa kanyang puso at sa kanyang kaluluwa. Parang may pagkakapare-pareho ang kani-kanilang mga kwento. Mahirap nga pong maintindihan pero lahat naman ng nabanggit na mahahalagang pangyayari ay nauunawaan ko. AT kung sakaling ako’y mabibigyan din ng pagkakataong makalipad ng napakataas ay pipilitin ko ring abutin ang kayang abutin ng angking kakayahan ko sa abot ng aking makakaya na makapaglingkod ng buo sa tulong at gabay ng Poong Maykapal. Siguro sa tamang panahon ay maiintindihan ko din ang lahat. Pero sa ngayon ay di ko pa rin talaga maintindihan kung ang mga nabanggit na mga tala ay walang pinagkaiba sa mga talang una ng nagbigay ng liwanag sa aking daraanan at sa tuwing humahakbang ang dalawang mga paa ko’y para akong hinihipan ng malakas na hangin pabalik sa kinalalagyan ko. Ano kaya ang meron doon? …….. Kahit alam kong sadya kong di inihakbang ang mga paa ko, ” Eh! masaya na rin ako sa lugar na kinatatayuan ko ngayon!” E1 ko! Maraming-maraming salamat po. Napakaganda po ng inyong kwento. More power po Madam and God bless.

    Reply

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.