Personal kong nakilala si Jovito “Jovy” Salonga sa Rizal Youth Leadership Institute Conference na aking dinaluhan sa Teacher’s Camp Baguio City noong December 26-30, 1985. Siya ang dakilang tagapagtanggol ng mga karapatan at pribilehiyo ng mga guro sa pamamagitan ng isang napakaimportanteng batas na kung saan siya ang may-akda at ang principal sponsor: Ang Republic Act 4670 o mas kilala sa tawag na Magna Carta for Public School Teachers na naisabatas noong June 18, 1966.
Ang lahat ng mga ipinaglalabang benepisyo, proteksyon at karapatan ng mga guro ay mahigit limamput-tatlong (53) taon nang naisabatas ngunit ang nakalulungkot sa bansang ito ay kailangan pang mag boses ang mga guro upang ipaglaban na kilalanin ng gobyerno ang batas na ito at nang sa gayon ay pantay na maisakatuparan sa buong bansa.
Kailangan pa bang magkaroon ng pag-aaklas at limang dekadang panawagan upang mapakiusapan ang mga namumuno na sundin ang batas na ito? Sa aking pananaw, hindi reklamador ang mga guro kundi mga marunong lang tayong magbasa at umunawa ng ibinigay sa ating mga karapatan at pribilehiyo. Bakit kaya kailangan pang gawing kumplikado ang paghiling ng anim na oras na pagtatrabaho at kailangan pang daanin sa napakaraming konsultasyon bago ito maisakatuparan? Bakit kaya nahahadlangan ang teachers’ salary progression from lowest grade to highest grade sa loob ng maximum period na sampung taon? Bakit kaya kailangan pang umabot ng mahigit 53 taon bago ibigay sa mga guro ang free medical examination and hospitalization? Bakit kaya hindi lahat ng guro ay nabibiyayaan ng paid study leave sa mga nakapagserbisyo na ng 7 taon? Bakit kaya may mga teachers na nasa provisional status ang pinuputol na ang serbisyo kahit wala pang 12 buwan mula nang sila ay nahirang? Kung nagagawa sa ibang sector ng lipunan, bakit hindi kayang ibigay sa mga guro? Sapat bang gamitin na dahilan na sadyang napakarami ng mga guro upang ipagsantabi ang usapin sa dagdag na sahod?
Mas nagiging madali ang pagsasabatas at implementasyon ng mga bagong reporma sa edukasyon gaya ng K to 12 Program ngunit ang 53 anyos na batas na magtataas ng social status ng mga guro ay napakahirap unawain para maisakatuparan?
Marami nang panukala ang naihain sa kongreso gaya ng HB 4159 ni Alvarado, Senate Bill 551 ni Manuel Villar, Senate Bill 2063 ni Edgrdo Angara, at marami pang iba upang maamyendahan at madagdagan pa ang mga benepisyo ng mga guro. Lahat ng ito ay nakabinbin lamang sa kongreso at senado sa loob ng maraming taon.
Hindi sana nagiging hampas lupa sa paningin ng publiko ang mga guro kung ang batas para sa atin ay pantay na naisasakatuparan sa lahat ng sulok ng bansa. Kung walang Magna Carta for Public School Teachers, siguro naman ay wala ring makakaisip na mag aklas at mag-ingay. Kung may influential leader na totoong nagtatanggol sa mga guro, hindi na natin kailangang pang maging assertive.
Sa mga ganitong problema, at kung taimtim ang hangarin na maiangat ang kalidad ng lahat ng guro sa Pilipinas, ang atin sanang ina sa DepEd ang nangunguna na nagpapaunawa sa kongreso, senado at presidente ng matinding pangangailangan na striktong maisakatuparan ang lahat ng nakasaad sa RA 4670. Mag tatatlong taon nang namatay si Senador Jovito Salonga. Huwag naman sanang tuluyang makasama sa libingan ang matanda na ring batas na kung tawagin ay Magna Carta for Public School Teachers.