Home » Buhay Guro » Mga Simpleng Aksyon ng Suporta para sa Mag-aaral

Mga Simpleng Aksyon ng Suporta para sa Mag-aaral




MGA SIMPLENG AKSYON NG SUPORTA PARA SA MAG-AARAL

Bago pa man nagkaroon ng COVID-19 pandemic, ramdam na natin ang learning crisis sa ating bansa at bilang mga guro, alam natin na habang tumatagal ang panahon na hindi nakakabalik ang ating mga estudyante sa formal schooling, mas maraming negatibong epekto ang maaaring idulot nito sa kanilang mga sarili.

Nakita na natin ang mga nangyari sa Sierra Leone sa panahon ng Ebola outbreak kung saan inihinto ang mga pag-aaral sa loob ng isang academic year. Sa muling pagbubukas ng kanilang mga paaralan, mas dumami ang hindi na nagpatuloy ng pag-aaral bunga ng child labor, teenage pregnancy, child abuse and neglect, health and family economic problems. Ayon din sa mga pandaigdigang pag-aaral, kahit sa normal na dalawang buwang bakasyon, 20-50 % ng mga natutunang skills ay maaaring mawala o nakalimutan na ng mag-aaral. Mas magiging mahirap din ang pag monitor sa nutrisyon, at pisikal, mental at emosyonal na kalusugan ng mga bata kung tuluyang magsasara ang mga paaralan sa loob ng isang taon.

Dapat din nating bigyan ng konsiderasyon na hindi lahat ng ating estudyante ay magiging masaya sakaling tuluyang ihinto ang muling pagbubukas ng mga paaralan ngayong taon. At dahil mas abala tayo sa pagiging kritiko sa mga ginagawang desisyon ng ating gobyerno, maaaring nakakaligtaan na nating bigyan ng atensyon ang pagdinig sa boses ng ating mga nasasakupan – ang mga musmos na tahimik na nagmamatyag sa ating mga ikinikilos. Naiiwan silang nakabitin sa pag-aalinlangan  at takot sa lumalaganap na sakit at kung paano na mabibigyan ng prayoridad ang kanilang karapatan sa pag-aaral.




Ngunit may mga hakbang tayong pwedeng maiambag upang maipamalas ang malasakit sa mga batang tumitingala at nagtitiwala sa atin. Narito ang limang suhestyon:

1. Pagbibigay ng emosyonal na suporta.




Ang simpleng text o personal na post sa social media ay mabisang paraan upang maramdaman ng mga estudyante na sila ay nasa isipan ng kanilang guro. Ang pagbibigay ng katiyakan na ang kanilang guro ay nakantabay sa kanilang emosyonal na pangangailangan ay may malaking maitutulong upang magkaroon sila ng inspirasyon na makayan ang mga kasalukuyang problema.

May mga resources gaya ng mga counseling reading materials sa self-care activities at mental health management sa ating mga SDOs na maaari nating hingin upang mai share sa ating mag-aaaral.

2. Pagbibigay ng mga practical tips sa pag-aaral.




Ito ay upang matulungang maka adjust ang mga bata sa online learning o modular modality o kung ano pa man na modality na angkop sa inyong paaralan.

3. Magbahagi ng mga post tungkol sa mga updates tungkol sa inyong paaralan.

Ang mga opisyal na DepEd press release ay mas naaappreciate ng mga bata at ng kanilang mga pamilya kung ito ay tuwirang mababasa o maririnig galing sa kanilang pinagkakatiwalaang guro. Maari ring ibahagi ang mga planong napag usapan sa inyong pagpupulong sa paaralan kaugnay ng ginagawang paghahanda ng paaralan sa safety at ng multi-modal approach na ipapatupad sa muling pagbubukas ng paaralan.

4. Mangalap ng mga suhestyon lalo na sa mga student leaders kung ano-anong co-curricular programs ang nararapat ikansela, ipostpone o ireformulate upang maramdaman na sila ay kabilang sa importanteng sektor sa pagbuo at pagpapatupad ng mga programa.

5. Maging instrumento sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at angkop na kilos sa social media.

Ilan sa mga kaibigan natin sa social media ay ang ating mga estudyante at kanilang mga magulang. Pinamamarisan at tinitingala tayo bilang taga hubog ng isipan ng kanilang mga anak. Makatutulong kung hindi tayo kakikitaan ng hate speech, pagmumura, at negatibong pamamahayag. Karugtong ng ating pangalan ang pagiging guro saan man tayo pumunta. Ang pag-iingat sa mga ibinabahaging posts ay may pang matagalang bunga hindi lang sa ating personal na reputasyon kundi pati na rin sa ating paaralan at buong departamento.

Ang pagpapatuloy ng pag-aaral sa gitna ng pandemya ay napakahalagang desisyon hindi lang sa Pilipinas kundi sa lahat ng bansa sa buong mundo. Ito ay pagsisikapang mangyayari kahit walang pisikal na attendance sa mga paaralan sa pamamagitan ng iba’t-ibang learning modalities. Ang pag enroll ay boluntaryo at hindi sapilitan.

Ang pinakamahalaga ay nananatili tayong handa ngayong taon upang pagsilbihan ang mga pamilya na nagtitwala na dapat protektahan ang patuloy na pag-aaaral ng mga bata. Kapag tayo’y nanindigan, maraming epektibong paraan ang lulutang upang ihatid ang edukasyon sa mga bata lalo na sa mga kapuspalad na mas nangangailangan nito sa kasalukuyang panahon.

Leave a Reply

Scroll to Top