Hindi madali ang buhay seminarista. Oo, kami nga. Kaming mga gurong walang humpay sa pagbibilang ng certificates of participation sa mga seminar.
Ganyan kaming ituring kapag lagi nasa seminar.Ilang araw na malayo sa pamilya. Ang hirap pero kinakaya dahil sa misyong pinagkatiwala. Ang hirap sa kalooban sa aming pamilyado at may mga paslit na naiiwan sa tuwing ipapadala sa mga seminar.
Kailangan pa naming magcountdown…day 1 …day 2…Day 3…ayan, malapit na ang ‘Home Sweet Home’. Kay hirap matulog kahit nakahotel ka pa. Kay hirap kumain ng hindi lutong bahay. Pinakamahirap sa lahat ang pakinggan ang buong seminar at nguyain ang bawat detalye at himayin ang mga salitang binabato sa amin ng mga petmalu at loding mga speakers.
Oo, punung-puno ang aming wall ng magagandang selfies, isama pa ang mga bagong kakilala para sa class picture, photo opps kasama ang mga mahuhusay na trainer at Dora explorations sa mga sulok-sulok ng hotels. Salamat sa DepEd, nilevel up na nila ang training nila oh ‘di ba? At least, sa bahaging ito napasaya kami at nabigyan ng konsuelo.
Sa kabila po ng mga wacky shots and mala-close up smiles, may pamilya po kaming naiwan na siya naming inaalala sa tuwina. Kumusta na kaya sila? Salamat sa bagong teknolohiya naibsan ng kaunti ang aming pagtitiis na mawalay sa pamilya.
Pero iba pa rin ang presence ng magulang sa mga anak lalo na sa mga special moments na sana nasa tabi ka nila. Ilang school programs at PTA meetings ang hindi natin napuntahan dahil sa mga seminars? Aminin, wala tayong perfect attendance. Ang dialog, “Anak, my next time pa. Marami pang araw ang kalendaryo. Hindi bale may pasalubong ka naman pagdating ko.” Buti na lang andyan si hubby, si Inay/byenan, isama pa ang kapitbahay. “Sila muna anak ang mag-asikaso sa inyo habang wala ako. Binilinan ko na sila.”
Hindi po kami umaattend para lamang magpasarap. Ang hirap kayang makinig at makipagbuno na maintindihan ang mga sinasabi ng mga resource speakers. Isabay pa ang paghahati ng oras na magreply sa mga texts, PMs, pag-la-like at pag-iisip ng magandang comments sa mga posts ng mga friends sa FB.
Dahil nga sa tawag ng trabaho at para makasabay na rin sa trending na hashtag ni Inang Liling, “Para sa Bayan, Para Sa Bata” heto kami ngayon nasa seminar na naman. Binuhay mo na naman Inang ang dugo naming makabayan at binigyan ng bagong pag-asa na sa amin nga mga guro ang kinabukasan ng bayan.
Mahirap man ang nasa seminar, isipin na lang na biyaya ito na maraming nag-aasam pero tayo ang pinagkatiwalaan. Isipin na lang ang magagandang karanasan na maikukuwento sa ating pagbabalik. Busugin na lang natin ang ating sarili ng kaalaman at ng mga alaalang iniwan sa atin ng mga seminar.
Salamat sa pagkakataong binigay ni bossing. Salamat sa magandang lugar na napupuntahan. Salamat sa mga bagong kaibigan. Salamat sa libreng pagkain. Salamat sa karunungang naibahagi. Salamat sa pagpapatatag ng aming kalooban mula sa ilang araw na pagkakawalay sa aming mga pamilya patungo sa makabuluhang umaga para sa bata, para sa bayan.