Home » Buhay Guro » Prinsipe ng Kindergarten

Prinsipe ng Kindergarten

RJAY CAYANAN CALAGUAS
RJAY CAYANAN CALAGUAS
Kindergarten Teacher III
Northville 15 Integrated School
Division of Angeles City

“Teacher, inaaway po ako.” Teacher, wala po akong lapis.” Teacher, gusto ko pong umihi.” Ilan lamang ‘yan sa mga maririnig sa mundo ng kindergarten. Sa kindergarten, ang mga mag-aaral ay mula apat hanggang limang taong gulang. Batay sa kanilang edad, sila ay nangangailangan pa ng higit na kalinga mula sa kanilang mga magulang.

Pero, paano nga ba kung isang lalaki ang magiging guro sa kindergarten? Kaya niya bang mag-alaga ng higit na 20 na mga bata na iba-iba ang pangangailangan?

Karamihan, sinasabi na ang kindergarten ay dapat para sa mga babaeng guro dahil sa tinatawag nilang “mother figure”. Mas mabibigyan daw ng mga babaeng guro ng tamang kalinga na kailangan ng mga mag-aaral sa kindergarten.

Sa larangan ng edukasyon, marami na ang nagpatunay na ang mga lalaking guro ay kaya din maging mapagkalinga, mapagmahal, may malasakit at magaling katulad ng kasamahan nilang babaeng guro sa paaralan.

Isa sa mga halimbawa nito ay si Ginoong Rjay C. Calaguas, apat na taon na siyang guro sa kindergarten. Hindi niya naisip noon na siya ay magiging guro ng kindergarten dahil hindi daw madali ang responsibilidad sa pag-aalaga ng mga bata. Sa isang panayam sa kanya…

“Noong Abril 2013 na nag-apply ako bilang guro at sinabing kindergarten ang aking tuturuan ay tumanggi akong tanggapin ito. Baka kasi hindi ko kakayanin ang mag-alaga ng mga bata na may edad na apat at lima. Sa edad ito, sila ay nangangailangan ng higit na atensiyon at kalinga na maibibigay ng isang nanay. Sa paglipas ng mga araw, naisip ko na wala naman mawawal kung susubukan ko. Habang papalapit ang pasukan, maraming tanong ang umiikot sa aking isip. “Paano kung umiyak ang bata at ayaw pumasok, ano ang gagawin ko?” “Paano kung dumumi ang bata sa kanyang pantalon, kaya ko ba siyang linisin?” “Paano ako sasayaw at kakanta?”

“Sa unang taon ko sa pagtuturo, hindi ito naging madali, maraming mga problema o mga pagsubok ang aking hinarap. Maraming bata ang kinausap na huwag na silang umiyak, mga bata na sinamahan ko papunta ng banyo, mga bata na nagpatali ng kanilang sapatos, mga bata na kinausap dahil nag-aaway, mga bata na ayaw magsalita o tumayo, mga bata na ayaw sumulat, mga bata na ayaw making.”

“Marami man naging pagsubok sa aking unang taon sa kindergarten, ito ay naging gabay ko sa mga sumunod pang taon sa aking pagtuturo.”

“Noon, ayaw ko sa kindergarten pero natutunan ko ng mahalin ito dahil naniniwala ako na dito ako nilagay ng Diyos dahil dito ko malilinang ang aking pagtuturo.”

Sa ngayon, patuloy na nag-aaral si Teacher Rjay para patuloy na linangin ang kanyang kakayahan sa pagtuturo sa kindergarten. Siya rin ay lumahok na sa mga International Conferences sa Vietnam at Thailand at nakapaglahad ng kanyang pananaliksik tungkol sa kindergarten. Tumanggap na din siya ng mga parangal na Outstanding Kindergarten Teacher 2015 at Outstading Teacher 2016 sa kanilang paaralan. Nagpakitang-turo na din siya sa kindergarten, isa sa mga ito ay noong Division Festival Teaching Strategies.

Tinapos ni Teacher Rjay ang kanyang panayam sa mensaheng ito… “lahat ng ito ay bunga ng pagsisikap at pananampalataya sa Poong Maykapal, dahil lahat ng ating ginagawa dapat ay humingi tayo ng patnubay sa Kanya.”

Rjay Calaguas

A Kindergarten Teacher III in Northville 15 Integrated School, Division of Angeles City.

2 thoughts on “Prinsipe ng Kindergarten”

  1. Please po i need a job.for my children..ito ang dream ng papa kong pumanaw ngayon lang na sept.ang hirap ng buhay ng walang wala di ko napagamot papa ko.and also i want to teach..this is my dream when i was elementary and i hope my dream come true

    Ikaw sana po maging tulay ko pataas
    .

    Reply

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.