Hayaan mong ibalik ko ang simula, nang mapukaw ako sa’yo at agad kong inasam na makasama ka…
Hindi ko alam, basta nagpapasalamat ako kay Marra at sa social media, na naging daan para tayong dalawa ay magkakilala. Dinaig ko pa ang mga salitang “Think Before You click”, dahil hindi ako nagdalawang isip, may ibang pakiramdam nang unang makita ko ang larawan mo, basta parang mahika na hinihila ang kalooban ko sa’yo. Ang bilis ng mga pangyayari, ngunit isa lang naman talaga ang alam ko… na ikaw na. Salamat sa pagkakataon na maipadama ko sa’yo at maiparinig ang tunog ng bawat pagpintig ng puso, ‘yung tono ay kahimig na ng pangalan mo, araw-araw ikaw ang nagsisilbing musika at boses mo naman ang naglalaro ng melodiya.
Mahal kita. Tunay. Seryoso ako, na walang halong alinlangan, alam mo ‘yan dahil higit sa salita ay lubos ko pang pinapakita, bigyan mo ako ng pagkakataong mahalin ka pa… ng oras-oras, araw-araw, buwan-buwan at maging sa mga taon na sana SABAY na tayong nagbibilang.
Kaya para sa mahilig magbasa ng mga sulat… Oo ikaw.
Para sa nagtatrabaho sa pizzahan pero mas trip ang pagkain sa Jollibee, siguro dahil magagandang gumawa ‘to ng mga commercial tsaka iba ‘yung Fries nila at spaghetti, pero kahit salungat man ang mahalaga masaya akong sabay at kasama kitang kumain dito o kahit sa anu pang trip mong gawin, sasamahan kita kahit saan.
Para sa magaling magSteno, alam ko hindi ko maiintindihan ‘yan… may mga isusulat ka nang mabilisan at ikaw lang ang makakaintindi, pasensya na dahil isa lang naman talaga ang naiintindihan ko, ‘yun ay ang salitang MAHAL KITA…
Para sa ayaw ng malaking boquet ng bulaklak.. pasensya na dahil namroblema ka pa kung paano mo ‘to maiuuwi pero malaman mo sana na ganito din ang pag-ibig ko sa’yo, ganito kasapat at sana sa huli araw-araw mo nang maiuwi ang puso ko, kasi ‘yung iyo yakap-yakap ko.
Para sa cute kung magalit… alam mo ang sweet parin ng pagkakabitaw mo ng Bisit at Leche… parang panghimagas… ang tamis-tamis kaya hindi ako magsasawang pasayahin ka hanggang sa dulo, ‘yung ako’y sayo na at ika’y akin na, pagmamahal ko sa’yo ay hindi tatabang.
Para sa ayaw ng mabibigat na dalahin, para bang gusto mo’y maging magaan lang ang bawat sandali, hayaan mong mga problema mo’y sabay nating harapin, dahil alam kong ang gaan ng pakiramdam kapag kasama ka, kaya narito ako.. hawakan mo lang ang kamay.
Para sa mahilig sa tsokolate… oo, hindi ako magsasawang ibigay lahat.. gagawin kong matatamis ang bawat sandali alam kong hindi maiiwasan na may konting pait, pero sa huli mahalaga na magiging ayos din ang lahat, dahil ikaw lang sapat na… ang nag-iisang tamis ng buhay ko.
Para sa magtatapos na ngayong taon, masaya akong matutupad mo na ang pangarap mo, masusuklian na ang iyong pagpupursige sa pag-aaral… ako masaya na din dahil NATAPOS na ang paghihintay, ang paghihintay na makahanap ng tunay na pagmamahal, sana ikaw na talaga. Oo, tuparin mo ang pangarap mo sa Pamilya at sana isama mo ako.
Para sa nahahawig kay Cinderella, dahil hanggang ngayon hindi pa niya nakikita ang kapares ng sapatos niya, ayos lang ‘yan dahil natagpuan na kita… pede bang ‘yung kapares na lang ng puso ko ang punan mo… dahil alam ko ikaw na ang kapares nito, ikaw lang talaga. Mahal kita. P.S. Mas maganda ka pa kay Cinderella. : )
Para sa mamahalin ko hanggang sa dulo.. may itatanong sana ako…
Dahil nandito na sa sulat ang ilan lang sa libo-libong salita na gusto kong sabihin sa’yo, isang salita lang ang gusto kong marinig mula sa’yo… ang sagot na magsisimula sa panibagong TAYO… wala ng iba… isang bigkas lang… isang salitang may dalawang letra, dahil ang nagtatanong ay nagmamahal, nangangako, kaya sana kung magtatanong ako sa’yo, sagutin mo na ako…
Para sa mamahalin ko hanggang sa dulo… minamahal kita kaya pede bang patuloy na umasa?
Dahil nandito na sa sulat ang ilan lang sa libo-libong salita na gusto kong sabihin sa’yo.. sana maintindihan mo pa rin sana na maghihintay ako para sa pag-ibig mo… naghihintay din ako sa panahong sasamahan ng tadhana upang magkaroon na nang landas ang pagmamahal ko sa’yo ng tuluyan…
Pangako nandito lang ako, hihintayin kita hanggang sa maging tayo nang dalawa at handa ka na, hindi ako maiinip, huwag kang mawawala.