Ang Pilipinas ay nagkaroon ng kasunduan sa Asian Development Bank (ADB) noong February 10, 2015 na pautangin ang bansa ng halagang $300,000,000 o humigit kumulang na Php 15,000,000,000 para sa Senior High School Support Program (Loan Number 3237-PHI). Si Finance Secretary Cesar V. Purisima ang kinatawan ng gobyerno na pumirma sa kontrata. Sa pamumuno pa ni Secretary Armin Luistro, ang DepEd naman ang tinatawag na “Program Executing Agency” ng utang na ito.
Ang humigit kumulang na 15 Bilyong pisong utang na ito ay naglalayon na magkaroon ng sistema ang pagtatatag at implementasyon ng Senior High School program. Ang inaasahang impact o epekto ng programang ito ay ang masiguro ang malaking oportunidad na makapagtrabaho (employment opportunities) ang mga magsisipagtapos sa senior high school. Inaasahang matatapos ang proyektong ito ngayong taon sa December 2019.
Nakaprograma ang pagpapalabas ng inutang na pondo sa ADB sa loob ng anim na taon (2014, 2015-2019). Kailangang makapagpalabas ng mga ebidensya o mga output na magiging katibayan na ang mga pinagkagastusan ng mga naunang ibinigay na pondo ay nakabase sa mga itinakdang Disbursement Linked Indicators (DLIs) na nakasaad sa Loan Agreement. Kung kaya naman ang klasipikasyon ng utang ay tinatawag na “Results Based Lending”. Babayaran ng Pilipinas ang pagkakautang na ito sa loob ng 15 taon na magsisimula sa taong 2020 hanggang sa taong 2034.
Pinakamalaking bahagi ng utang na ito ay nakatakdang mapunta sa Senior High School Voucher Program. 38% ng $300 Million ang nakalaan para dito. Kailangang magkaroon ng ebidensya na sa taong 2019, 40% ng Senior High School students ay nakaenrol na sa non-DepEd schools (private high schools, private HEIs, SUCs, TVIs) bilang kondisyon para ma withdraw ang perang inutang para sa indicator na ito. Matatandaan na ito rin ang ginamit sa rationale ng implementasyon ng Senior High School Voucher Program na makikita sa par 3 ng DepEd Order 11, s. 2015. Ayon sa naturang DepEd Order, layon ng SHS VP na ang 30% – 40% na nag-aaaral sa Public High School ay makapag enroll sa mga Private Senior High School upang (1) paliitin ang class size ng mga public schools,(2) mareduce ang pangangailangan o mas mapahaba pa ang palugit para sa pangangailangan na makapagpatayo ng mga classrooms, SHS facilities at mag hire ng mga public school teachers, at (3) mabigyan ang mga underprivileged na mag-aaral ng mas maraming options para sa SHS education. Ang SHS Voucher program ay nagkakahalaga ng P8,750 hanggang P22,500 depende sa lokasyon ng mga participating schools.
Sa ikalawang taon ng implementasyon ng Senior High School Program, SY 2017-2018, umabot sa 2,733,460 ang kabuuang bilang ng mga Senior High School enrollees sa public at private ayon sa FY 2018 Basic Education Statistics ng DepEd. Kalahati ng populasyon na ito ay galing sa public schools at 34% lamang ng mga grade 10 completers ng public high schools ang naging Voucher program beneficiaries sa SY 2017-2018. Pinag-aralan ito ng Commission on Audit noong nakaraang taon at ayon sa kanilang Performance Audit Report, lumalabas na ang main beneficiaries ng SHS Voucher Program ay galing sa private JHS sa kadahilanang 48% o halos kalahati ng kanilang Grade 10 completers ay kasalukuyang VP beneficiaries at 92% ang retention rate ng programa – ang bahagdan ng bilang ng kanilang beneficiaries na nananatiing nakaenroll sa kanila hanggang grade 12.
Lumabas rin sa pag-aaral ng COA na mas maraming public school grade 10 completers ang mas pinipiling mag enroll sa pampublikong paaralan. Ang 34% na kumuha ng voucher program ay may mababang retention rate dahil bumabalik muli sa public schools ang mga beneficiaries sa kadahilanang hindi nila kayang bayaran ang top-up o excess tuition fees, at iba pang malaking gastos sa mga private schools gaya ng uniform, books, school activities at classroom projects.
May ginawang formula ng kwalipikasyon ang Private Education Assistance Committee (PEAC) upang masala ang karapatdapat na maging beneficiaries ng SHS VP. Tinitingnan dito ang family income at ang kakayahan na makapagbayad ng top up. Ngunit ayon sa interview ng COA sa isang DepEd official, ang formula na ito ng PEAC ay hindi na ginamit sa SY 2017-2018 sa kadahilanang napakalaki ng budget para sa voucher program at ito ay sapat para mabigyan ang lahat ng successful applicants kahit pa sila ay galing sa mayamang pamilya na kayang magbayad ng buong tuition fee. Isa pang dahilan ay ang pagiging automatic beneficiary ng mga ESC graduates na nasa discretion lamang ng school committee ang pagpili. May mga report na maraming SHS VP beneficiaries ay nag-aaral sa mga private schools na kung saan ang tuition fee ay umaabot sa P100,000.00 pataas. Sila ay galing sa mayayamang private JHS na nabigyan ng pagkakataon na makasali sa voucher program. Kung kaya naman ang government assistance na ito ay nagmimistulang maliit na discount lamang para sa kanila na kaya namang magbayad ng buong tuition fee kahit walang tulong galing sa gobyerno. May mga report din na nagkakadoble-doble ang release ng bayad para sa bilang ng mga beneficiaries.
13.6 Billion ang inilaan ng gobyerno noong 2018 para sa SHS Voucher Program lamang (2018 DepEd GAA). Ngayong 2019, itinaas ito sa 18.8 Billion (2019 DepEd GAA). Mayroon pang nakalaan na 113 Million dollars para sa programang ito mula sa $300M utang sa ADB para sa Senior High School Support Program na babayaran ng mamamayang Pilipino sa loob ng 15 taon. Ngunit walang umiiral na sukatan kung ang mga layunin ng pagtatag ng Voucher program ay totoong nakakamit. Walang detalyadong guidelines ang DepEd sa pagpili ng mga tatanggap ng benepisyo at walang nasusunod na prioritization ranking dahil sobra sobra ang budget para salahat ng aplikanteng may kumpletong dokumento. Ang mahihirap na mag-aaral ay walang kakayahan na tapatan ang kakulangan ng voucher upang mabayaran ang kabuuang tuition fee sa pribadong paaralan kung kaya naman mas pinipili na lang nila na manatili sa mga public senior high schools. Wala ring malinaw na batayan at indicators kung ang SHS VP ay totoong nakakatulong upang makamit ang quality education dahil ang mga reports ukol sa implementasyon ng proyektong ito ay nakatutok lamang sa numero at porsyento ng mag-aaaral na nakinabang at makikinabang pa. Wala ring malinaw na ebidensya na ang government assistance na ito ay magpapaliit ng class size sa mga pampublikong SHS na pinagsisiksikan ng halos 1.5 milyong grade 11 at grade 12. Samakatuwid, ang senior high school voucher program ay hindi nakadisenyo upang tulungan ang mga underprivileged na mag-aaral, bagkus mas posibleng ang nabibiyayaan ay ang mga pribadong paaralan na nakadepende na lamang sa benepisyo ng programang ito upang makapagpatuloy ng operation at ang mga mayayamang mag-aaaral ng mga pribadong paaralan na tumatanggap din nito.
Napakalaki ng inilalaang pondo ng gobyerno para sa Senior High School Voucher Program. Nararapat lamang na masusing pag-aralan at alamin ang tagumpay nito ayon sa mga layunin ng pagtatag nito upang mapatunayan na ito ay cost effective measure. Sulit nga ba na sugalan ng gobyerno ang Senior High School Voucher Program?
Gusto ko po pag-aralin ng SHS ang bunso ko, saan pong School dito sa Quezon City pwede pong enroll? thank you po. nakita ko po na maayos at maganda and inyong programa.