Home » Buhay Guro » Tara, Biyahe Tayo!

Tara, Biyahe Tayo!




Tara, Biyahe Tayo!

“Good morning Sir,” “Good afternoon Sir,” “Hi Sir,” “Hello Sir” ay ilang lamang ito sa mga karaniwang pagbati ng mga mag-aaral at ng mga magulang na nakakasalubong ko at nakakakilala sa akin. Nakakataba ng puso, masarap pakinggan sa tuwing ang ganitong pagkakataon ang sasalubong sa iyo o dili kaya’y makakasabay mo sa iyong paglalakbay papunta sa paaralang iyong pinapasukan. Ang iba ay hindi ko na nga maalala minsan sa kung saan at paano kami nagkita. Kusa silang magpapakilala sa tuwing nahinuha nila na hindi ko sila maalala, dahil ilang taon na rin ang lumipas ng sila ay naging mag-aaral sa aking asignatura o kaya’y naging tagapayo sa panahon na kung saan ay kanilang pinagyayaman ang mga sarili sa pagtuklas ng iba’t ibang kaalaman at kakayahang kanilang ginamit na puhunan sa pakikipagsapalaran sa mapaghamong-buhay sa kasalukuyan at hinaharap.

Alas kuwatro pa lamang ng umaga ay kinakailangan ko ng lisanin ang aming tahanan upang lakbayin ang paaralan na kung saan ako ay naitalagang manungkulan bilang guro ang Mataas na Paaralan ng Julia Ortiz sa bayan ng Sto. Domingo, Nuweba Esiha. Madilim pa ang paligid ng aking daraanan patungo sa labasan na kung saan ako ay mag-aabang ng sasakyan, at madilim na ang paligid sa aking pagbalik dito upang makapiling ang aking asawa’t dalawang anak. Kinakailangan kasing hindi ako lumagpas ng ikaapat at kalahati ng umaga sa pag-aabang ng bus na biyaheng San Jose o Tuguegarao dahil kung hindi, paniguradong mahuhuli ako sa nakatakdang oras ng klase, upang harapin ang mga mag-aaral na naghihintay sa aking pagdating. Pagbaba mula sa bus na aking sinakyan ay kinakailangan kong maghintay pa ng kalahating oras para sa dyip na bumibyaheng Sto. Domingo. At mula sa kanto ng bayang nabanggit, ay kinakailangan pang sumakay ako ng motorsiklo upang marating ko ang paaralang aking pinaglilingkuran.




Hindi naging madali para sa akin ang ganitong sistema. Sa araw-araw na imumulat ko ang aking mga mata, sa kabila ng halos anim na oras lamang ang aking itinutulog o minsan ay wala pa dahil kinakailangan kong tapusin ang mga iniuwing gawain mula sa paaralan. Kinakailangang tapusin ang mga araling dapat ihanda sa pagtuturo kinabukasan. Halos tulog na ang aking dalawang anak sa tuwing ako ay darating mula sa dalawang oras o higit pa na biyahe pag-uwi. Tanging yakap at halik na lamang ang aking pagbati sa kanila sa tuwing dadatnan ko sila sa ganoong pagkakataon. At ang init ng yakap ng aking maybahay ay siyang pumapawi ng pagod sa maghapong pakikipagsapalaran ko sa paaralan, at mahigit dalawang oras na biyahe. Nakakapagod man ay iniisip kong sulit pa rin ang lahat ng ito.

Ang pagbiyahe ko sa araw-araw upang harapin ang mga mag-aaral na naghihintay sa akin ay isang malaking sakripisyo, subalit kapalit nito ay ang magandang maidudulot ng mga maibabahagi kong kaalaman sa aking mga mag-aaral. Sa tuwing papasok ako ng paaralan, animo’y isa akong estranghero na nakikipag-ugnayan sa kung kani-kaninong pasahero na nakakaharap ko-ang aking mga mag-aaral, mga kapwa guro, at mga magulang ng mag-aaral sa aking pinapasukan. Ang pagharap sa kanila sa araw-araw ay isang paglalakbay kasabay ang mga mag-aaral na ito na nakikipagsapalaran upang marating nila ang mga naisin sa buhay; ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman at kakayahan ay kanilang magiging puhunan patungo sa landas ng kanilang pinapangarap na tagumpay. Alam kong sa pagbiyahe nila sa araw-araw patungo sa paaralan ay hindi rin madali. Katulad ko ay nakakaranas din sila ng pagkabagot, pagkaantok, pagkahilo at iba’t ibang pakiramdam na maaaring maging balakid sa kanila upang di na magpatuloy pa. Ang mga ganitong pakiramdam ay tulad ng mga samu’t saring problema na kanilang kinakaharap sa buhay na wari’y baku-bakong daan sa kanilang pagpasok sa lugar ng tagumpay. Mga balakid na kaakibat na ng buhay. Katulad ng isang drayber na napapakunot ang noo sa tuwing may mga nakahadlang sa kanyang daraanan. Ang pakiramdam na halos gusto mo ng bumaba sa iyong sinasakyan ay katulad din ng pakiramdam ng isang mag-aaral na ayaw ng magpatuloy ng pag-aaral.




Subalit bilang isang guro, kinakailangan mong samahan ang mga mag-aaral sa kanilang pagbiyahe. Kinakailangang suyurin ang lahat ng posibleng daanan sa tuwing ang malaking balakid ay nakahambalang sa kanilang daraanan. Kinakailangang gawin lang ahat ng paraan upang ang pagkainip sa isang biyahe ay mapawi, at masuklian ng isang ngiti, na kadalasang nararanasan ng isang estrangherong pasahero na narating na niya ang lugar na kanyang nais puntahan sa kabila ng walang katiyakang paglalakbay sa kaniyang paroroonan. Walang sinuman ang maaaring makapagsabi sa atin kung ano ang naghihintay na kapalaran sa mga mag-aaral na pinapanday ang pagkatao ng isang gurong tulad ko na nakikipagsapalaran na samahan sila sa kanilang biyahe patungo sa matagumpay na kinabukasan.

Alam ko na hindi ganon kadali ang hikayatin ang isang estranghero biyahero na tulad ko. Katulad din ng isang mag-aaral, hindi ko rin alam kung paniniwalaan ba nila ang isang hamak na guro lamang sa paningin ng iba na maaaring maging instrument patungo sa landas na nais nilang tahakin. Hindi ko rin alam kung anu-ano ang mga samu’t saring suliranin ng aking mga makakaharap na mag-aaral. Katulad sa isang biyahe, hindi rin natin alam kung anu-ano ang mayroon sa mga naglalakbay. Hindi ganon kadaling tukuyin kung sino ang mas nakakaangat ang estado sa buhay. Hindi sapat na batayan kung ano ang nakikita natin sa panlabas na kaanyuan. At sa kabila ng pagkakaroon ng interes na kilalanin ang mga ito, gumagawa tayo ng mga hakbang upang sila ay maging palagay sa ating pakikipagdaupang palad sa ating biyahe. Gayun din ang pagtuklas na ating isinasagawa bilang guro. Kinikilala at masusin nating tinitimbang ang mga mag-aaral upang ng sa gayon ay maging akma at makabuluhan ang oras na ating gugugulin at kanilang gugugulin sa mga pagkakataong magkakasama tayo sa apat na sulok ng loob at labas ng paaralan.

Hindi ko man ninais na bumiyahe bilang isang guro, sa kabila nito’y tulad ng isang magandang panaginip ang maging bahagi ng paglalakbay ng mga kabataang puno ng pangarap, at makitang narating natin, kasama ang mga mag-aaral sa lugar ng kanilang nais paroonan-ang tugatog ng kanilang tagumpay. Magkakaiba man ang karanasan natin sa tuwing tayo ay bumibiyahe, sigurado akong lahat ng paraan ay ginagawa natin makarating lamang sa lugar na nais nating puntahan. Malayo man mahirap ang lalakbayin ng isang gurong katulad ko o ng isang mag-aaral di alintana ang mga balakid na tatawirin patungo sa landas ng tagumpay. O ano pa ang hinihintay n’yo, tara na, biyahe tayo!




Read: Why Teachers should Travel?

Leave a Reply

Scroll to Top