Home » Buhay Guro » Bonifacio Shrine

Bonifacio Shrine

Bonifacio Shrine Jhucel Atienza del Rosario

Unang beses nating makapunta sa Bonifacio Shrine
Inarkila natin ang tricycle makalampas sa Hanging Bridge
Sa pagtawid pa lang eh di na natin ito makakalimutan
Tayo lang dalawa sa loob, at sa bako-bakong daan
Mayroon akong mga nalaman,

Bakit manong kapangit ng daan papunta sa Nagpatong?
Sabi nya’y may may-ari daw ng mismong daan kaya naman
Hayaan na lamang at huwag na lang magtanong,
Nakatingin ka lang sa paligid, habang ako naman
Sa mukha mo lang nakatitig
Nakita natin ang mga bundok na inuuka na ang tagiliran
Sa ‘di na nating nalaman na dahilan,
Punong iilan na lang na nagbibigay ng lilim
Dahil sa katabi nila’y wala ng ibang kapiling,
Tinanong kita kung nauuhaw ka ba habang nakalampas na tayo
Sa tulay sa gitna ng ilog na pinaliliguan na lamang ng kalabaw
Pero ngumiti ka lang at sabi mo’y, Ok lang ako, ikaw?…

Nagtanong ulit ako kay manong
Manong bakit po may gate?
Sabi nya’y baka kasi makalabas ang mga alagang baka ng may-ari,
Wala naman sila dahil hindi na masyadong berde and paligid
Matapos buksan dumungaw sa ‘tin ang santumpok na mga dume
Buti na lang ‘yung baon natin di pa natin kinakaen

Ilang harurot pa kawayang harang naman ang bumungad
Iba na ang sagot ni manong, para naman hindi daw makapasok
Ang mga hayop dahil malapit na tayo sa bantayog
Unti-unti ka ng bumibitaw sa kapit mo…
Hindi ko alam kung ngalay ba o excited ka na ba sa trip nating ‘to
Kamalasan nga naman… wala daw ang bantay
Pero ang mahalaga hawak ko pa rin ang ‘yong kamay
Hindi ko alam kung tama ba, pero pinalusot tayo ni Manong
Sa ilalim ng gate sa harapan, sa espasyong pede naman daw pasukan
Kaya sige lang wala namang babaril sa ‘tin sa daan

Sa kanan nandun na, bumungad na sa atin
Ang lugar kung saan pinatay ang supremong puno ng mithiin
Bumitaw ka ulit at tumahimik, umupo ka muna
Habang ako’y namangha at nilapitan ang mga sining na may binubuong letra
Kalawangin na pala at niluma na ng halik ng ulan at panahon ang dating ginto daw
Kinalimutan ang ganda ng lugar dahil sa tuyo’t nang mga sigaw
Kabayanihang nakatatak sa malawak na lugar sana’y tumagal pa ang dungaw
Kalawangin, Kinalimutan at Kabayanihan hindi ito ang mismong pakahulugan
Pero hindi lamang ito tungkol sa kagandahan kundi sa kahulugan
Basta ang nasabi ko na lang ay sayang…
Bakit ganito? Dahil ba ang apelyido niya ay Bonifacio malayo
Sa Pangalang Emilio?
Sana ang sagot huwag naman sana ganito

Matapos ko, nilapitan na kita, matagal ka nang hindi nagsasalita
Tinanong kita kung may problema ba, inangat mo lang ang mukha mo
At alam ko na, alam ko nang may mamamatay ulit sa lugar na ‘to
“Itigil muna natin ‘to, Mukha kasing wala ng nangyayari…”
Umiyak ka na… parang iyak ng naulila noon ng patayin ang magkapatid
Hindi ko na alam, lalong tumahimik ang paligid
Kukuha pa naman sana ako ng larawan nating dalawa
Tama, namatay ako ng ilang sigundo
Sa sakit… sa pagsuko mo…
Umalis na lang tayo na hindi na tayo nagpaalam sa bantayog, Hindi na tayong dalawa…
Tuluyan ka nang bumitaw…
Magkatabi tayo ngunit ang paningin mo’y sa kanan, ako sa kaliwa
Hinatid na lang kita
Pero hindi pa din ako nagpaalam.

Jhucel Atienza del Rosario

He is the happiness ambassador of teacherPH, elementary teacher, creator of FaceBook Page: Ang Masayahing Guro, Artist @ GuhitPinas, Musikero kuno, komedyante sa gabi, adik sa kape... mangingibig. Follow him on Facebook.

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.