Home » Buhay Guro » Bug-ong 101

Bug-ong 101

Ikaw ba yung teacher na naipadala sa lugar na malayo sa ‘yong tahanan? ‘yun bagang parang pagpunit sa sedula sa HISTORY ang pagpunit sa iyong zoning form??? Malamang pa sa alamang na alam mo ang salitang BUGONG… Hindi ko alam kung saan talaga nagsimula ang salitang ito, at paano talaga ito bigkasin BUGONG ba o BUG-ONG, pero ito yung pagbabaon ng pagkain sa opisina, eskwelahan o kahit saan dahil busy daw, hindi na makakauwi at para tipid na rin sa pamasahe. Maraming sistema ang nakapaloob sa pagbubugong at ito na nga iyon…

Noong unang panahon, sabay ng pagtilaok ng manok busy na si lolo sa pagtusta ng bigas para durugin at gawing kape, ang fresh cooked na bigas, hmmmm yummy… parang si Coco lang. Samantalang si lola naman ay nagsaing na at nagprito ng tatlong tuyo at nagbalat ng itlog na maalat, napakaaalat! Kumuha na din siya ng dahon ng saging at babalik na tayo sa topic. Paano ang pagbubugong noon? Sasabuyan muna ni inang yung dahon ng saging ng asin at saka ilalagay lahat ng niluto, babalutin na parang suman at saka ilalagay sa basket, ayun!!! Sabay sabing,” irog eto na ang baon mo” sabay wala naman ang pagod ni inang dahil sa halik ni Lolo na may kasama pang langhap. Simple lang naman talaga ang buhay noon, pati pagbubugong simple.

Sa kasalukuyan, napapansin ko sa mga istudyante ko na may halo ng pagyayabang ang pagbubugong (hihihi), nagkakaroon na ng kompitensya sa lagayan pa lang. Mayroong dalawa, tatlo at kung lubhang masiba ang kakain umaabot pa hanggang sa apat na patong ang stainless steel na lagayan. Mayroon ding malalaman mo na mahal ng nanay dahil may ulam na nuggets na korteng “I” tapos “puso” tapos “U” (I Heart You) ang sweet! nakapatong ito sa kaning nagpapawis. Yung iba may pachopstick-chopstick pa, e hindi nga marunong humawak ng lapis at ang mas malupit kung may complete set ka ng mga makukulay na lagayan ng mga baon( kumpleto mula sa plato, lagayan ng inumin at ternong kutsara at tinidor) aba ikaw na ang pinakaastig.

Hindi rin papakabog ang mga ulam. Maririnig mo kapag bago sila kumain ay parang may ritwal na salita at tanong na kailangang sabihin bago ang lahat, ito ay… “Ano ang ulam MO???”. Pag-adobo, sinigang, at tinola o kahit anong ulam na may sabaw at sarsa, buo itong sinasabi ng may ulam, minsan pa nga pasigaw, animo’y pinagyayabang pa sa katabi pero saan ka, tira-tira lang naman kagabi(hihihi) yung iba PANGAT pa, PANGATlong beses ininit, pero kapag mga prito prito lang nakow halos magtago sa isang tabi, choosy pa kayo??? “buti ka nga may ulam ako kahit kanin wala.”

Sa kasamahan ko dito sa Dimasalang, lahat din kami nagbubugong, naging simbolo na nga ito ng aming pakikisama sa isa’t isa dahil pinagsasaluhan namin lahat ang aming mga baon na kahit minsan eh puro naman longganisa at hotdog. Masaya kaming nagsasalo-salo nandiyan pa ngang nagpapalitan ng ulam, iisa ang sawsawan habang hinahabol ang oras, isang araw pa nga naalala ko na minsang nagkulang ang kanin naming baon ay uminom na lang kami ng tubig dahil malapit na ang pm session (bitin na bitin ako noon).

Ako aminadong nagbubugong pa rin ako hanggang ngayon… kaya lang mukhang hindi rin maganda sa katawan ang pagbubugong, para sakin lang, kase limitado lang ang galaw ng bituka mo sa tiyan, minsan bitin, minsan wala dahil tinamad magluto, minsan wala talaga kasi walang mailuto at minsan wala dahil nalimutan si bugong sa pagmamadali. Bukas kaya ano ang maibaon??? May tira pa naman kagabi., oo yun na lang o siya, o siya, iinom na ako ng tubig at baka pa ako mabulunan saka na lang ulit punta na ako sa room… malapit nang magbell.

Share with your friends!

Jhucel Atienza del Rosario

He is the happiness ambassador of teacherPH, elementary teacher, creator of FaceBook Page: Ang Masayahing Guro, Artist @ GuhitPinas, Musikero kuno, komedyante sa gabi, adik sa kape... mangingibig. Follow him on Facebook.

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.