Hindi pa natatapos ang taong ito, limang buhay na ang nawala sa hanay ng kaguruan sa pamamagitan ng pagkitil ng sariling buhay: ang naked suicide sa Leyte, si Ma’am Emylou, si Ma’am Shannen, si Sir Jay, at si Ma’am Dina. Sila nga ba ay sadya lamang naging marupok at mahina o sila ba ay itinulak ng matinding pressure sa pagtatrabaho? Ilan sa kanila ay nakasuot pa ng uniporme, at sa loob pa mismo ng paaralan piniling gawin ang pagkitil ng kanilang buhay.
Ano nga ba ang kinalaman ng trabaho upang maging dahilan ng pagpapatiwakal ng mga guro?
Ayon sa mga sociologists, ang pagpapakamatay ay itinuturing na salamin upang maunawaan ang lipunan. Ang pagtaas ng antas nito ay nagiging babala ng mas malalim na problemang panlipunan, political, at ekonomiya.
Sa kasalukuyang panahon ng pagbabago at pagyakap sa patakaran ng “neoliberal” na globalisasyon, marami nang pagbabago sa kondisyon ng workload at pagganap ng tungkulin ng mga guro sa ilalim ng programang K to 12. Idagdag pa natin ang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa at ang hindi nakakabuhay na net pay ng mga gurong dati nang nalubog sa matinding pagkakautang dala pa ng mga panahong hindi pa ibinibigay ng DepEd sa tamang oras ang pasahod sa mga baguhang guro . At dahil sa napakaraming programang sabay sabay ang implementasyon, hindi maiiwasan na makaranas ng matinding stress at psychological trauma ang karamihan sa atin kaugnay sa mas pinatinding performance targets na halos imposibleng makamit sa patas na labanan.
Ayon sa occupational psychologist and psychoanalyst na si Christopher Dejours, ang hanapbuhay ay saligan ng mga pangangailangan ng isang tao. Dito sya humuhugot ng pagkakakilanlan ng kanyang kakayahan, pag-uukol ng katangian at katuparan ng kanyang mga pinapangarap. Ngunit gumuguho ang lahat ng ito kapag ang mga lider ay “bully”, nanliligalig o nananakot na waring ipinararamdam pa na maraming nakaabang na ipapalit sa guro kung hindi nya masusunod ang performance target na nakatakda habang sya ay pinag iinitan.
Maaaring tama ang departamento sa kanilang pananaw na hindi ang workload ang dahilan ng pagpapakamatay ng mga guro. Tinalakay ito ni Robby Slaughter (2016) sa kanyang artikulo na “It’s Not the Workload Causing Your Depression – It’s the Boss”. Ipinaliwanag nya gamit ang ilang makabagong researches na ang work environment at ang di makatwirang pamamalakad ang may mas malaking epekto sa kalooban ng mga empleyado upang magkaroon ng depresyon.
Ngunit hindi rin naman akma na ipahayag ng mga namumuno sa DepEd na “unprofessional” ang ginagawang pag-ugnay ng ilang indibidwal at grupo sa heavy workload at nangyaring pagpapatiwakal. Totoong komplikado ang mga posibleng dahilan para magpakamatay ang isang tao, ngunit hindi ito sapat na gawing pagpapatunay na walang kinalaman ang trabaho sa nangyaring pagpapakamatay. “Absence of evidence is not evidence of absence” ika nga.
Ang mga recent researches ay nagpapatunay na may kinalaman ang trabaho sa pagpapakamatay ng empleyado. Ang dami ng oras na dapat igugol sa bawat araw upang maihanda ng guro ang lahat ng indicators sa kanyang performance ay nagsisilbing daan din upang unti unting maupos ang sigla ng guro na nagiging sapat na dahilan upang makaramdam ng stress at depression lalo na kapag nahaluan pa ito ng negatibong pamamalakad ng mga namumuno.
Sa France, ayon sa pananaliksik ni Sarah Waters (2017), ang workplace suicide ay kinikilala ng kanilang batas. Kapag ang pagpapatiwakal ay naganap sa lugar ng pagtatrabaho, ito ay kaagad na iniimbistagahan bilang work-related suicide at ang burden of proof ay nasa kamay ng mga employer upang patunayan na ito ay hindi work-related. Kahit pa ang pagpapatiwakal ay nangyari sa labas ng trabaho, itinuturing pa rin na work-related ito kapag naka uniporme ang nagpakamatay at may suicide note at mga patotoo ng pamilya at mga kaibigan na ang dahilan ay ang trabaho.
Ang presumption of causality na ito ay sa dahilang nararapat daw na protektahan nila ang kanilang mga empleyado sa tangkang pagpapakamatay.
Resulta rin ng kanyang pagsasaliksik sa China at France na ang nagaganap na workplace suicide ay kaakibat ng mga epekto ng management policies sa iba’t ibang uri ng hanapbuhay.
Ngunit ang ating bansa ay bulag sa pagkilala ng problemang ito. Wala tayong opisyal na pamamaraan upang makakuha ng malinaw na datos sa mga ganitong insidente. Walang batas na umiiral upang mapanagot ang mga may pagkukulang at wala ring patakaran upang mapigilan ang mga insidente ng pagpapakamatay ng mga empleyado.
Hindi dapat ituring na may diprensya sa pag-iisip ang mga nagpakamatay dahil ito ay napatunayan ng mali ayon sa mga recent researches na isinasagawa sa buong mundo. Isang halimbawa ay ang konklusyon nina Kimberly Dienes, Nicholas Hazel, at Constance Hammen sa kanilang pananaliksik gamit ang eksperimento sa cortisol levels. Ang mataas na cortisol levels sa edad na 40 pababa ay may direktang koneksyon sa mga pagpapakamatay. Sa pag aaral naman ni Matias Brødsgaard Grynderup (2013), tumataas ang level ng cortisol ng isang tao kapag sya ay nasa masamang work environment. Isa sa mga naging konklusyon ng kanyang research ay hindi daw ang workload ang nagtutulak na magkaroon ng depresyon kundi ang kondisyon ng pagtatrabaho sa ilalim ng hindi mabuting employer. Napatunayan din nya na ang mabuting pagbabago sa pamamalakad at work environment ay may “preventive effect” sa depression. Samakatuwid, hindi problema sa pag-iisip ang kailangang tugunan ng DepEd. Mas kailangan nating mga guro ang pagbabago sa pamamaraan ng pamamalakad sa paaralan, hanggang sa mga mas nakatataas sa departamento kaysa sa sinasabing hakbang ng DepEd ng pakikipag ugnayan sa psychiatrists at psychologists ng Department of Health para daw mapigilan ang depresyon sa hanay ng mga guro.
Sunod sunod na nawala sa atin ang limang guro ngayong taon ngunit ni walang imbestigasyon na naganap upang papanagutin ang mga itinuturong dahilan ng kanilang pagpapatiwakal, o kahit gumawa man lang sana ng pagbabago sa DepEd policies upang maibsan ang stress na nagdudulot ng depresyon sa mga guro. Kahit pa sila ay nangamatay sa loob ng paaralan na kanilang pinapasukan, nakasuot ng uniporme nang sila ay namatay, at nakapagpahiwatig ng depresyon habang sila ay mga buhay pa, itinuturing pa rin ng DepEd na personal at pansariling kagustuhan lamang ang dahilan ng kanilang pagkamatay. Nakapanlulunos isipin na walang mga pahayag na masusing pinag-aaralan sa ngayon ang mga problemang ito at nagiging sanhi pa ng alitan sa pagbibigay ng katarungan sa kanya kanyang interes sa pulitika at pilosopiya.
Mapapansin din natin na namamatay na ring kusa ang mga media exposure ukol sa mga ganitong problema. Ayon sa mga kritiko, ang workplace suicide ay sumasailalim sa “collective denial” o “rule of silence” upang pilit na maitago ito sa publiko sa dahilang ang mga pagpapakamatay na ito ay maaaring makasira sa inaalagaang reputasyon ng mga kompanya at pagkatao ng mga namumuno. Maaaring maging balakid din ito sa mga ipinatutupad na programa at polisiya sa kasalukuyang neoliberal na globalisasyon.
Hindi na makakapagsalita ang dalawang guro sa Leyte, si teacher Shannen, si Sir Jay, at si Ma’am Dina upang tahasang ituro ang totoong dahilan ng kanilang pagpapakamatay ngunit naniniwala pa rin akong ang mga nangyari sa kanila ay desperadong pamamaraan ng kanilang mga protesta dahil wala silang naramdaman na pagkalinga at pag-asa sa kanilang mga hinaing nang sila ay nabubuhay pa.
Ilang porsyento kaya ng mahigit 800,000 guro sa ngayon ang inaantay na sukatan upang mamulat ang lahat na ang pagpapakamatay na naganap ngayong taon ay totoong may kinalaman sa kasalukuyang bigat ng ating mga trabaho dulot ng globalisasyon?
Dalangin ko na sana ay matuldukan na ang mga pagsasakripisyong ito at nawa ay may natutunan tayo sa mga ginawa nilang pagbuwis ng kanilang mga buhay.
“Suicide is not necessarily a matter of insanity, irrationality or despair, and it is not primarily of medical concern. To call all suicides mentally ill downgrades their individual responsibilities.” – Dr. Imre Joseph Pál Loefler
“Suicide is indeed a complex issue encompassing philosophical, ethical, legal and practical dilemmas. It needs open debate with due consideration to different aspects and points of view. Lack of precise measures to detect mental illness is not a sufficient reason to assume all suicides are due to abnormal mental states. It must be a drive towards developing measures that enable us to detect and exclude mental illnesses with more confidence and certainty.” – Dr. Abdi Sanati