Home » Buhay Guro » Mga Gurong Sakop ng Probationary Period

Mga Gurong Sakop ng Probationary Period

Lahat ng nahirang sa career service na may permanent status ay sumasailalim sa probationary period upang sukatin ang kakayanan sa pagtatrabaho pati na rin ang pag-uugali ng mga empleyado. Karaniwang anim na buwan ang probationary period ngunit sa hanay ng mga guro, ito ay tumatagal ng isang taon mula sa petsa ng kanyang pagkakahirang.

Mga Gurong Sakop ng Probationary Period

Ayon sa Section 14, Rule V ng 2017 Omnibus Rules on Appointments and Other Human Resource Actions (2017 ORA-OHRA), ang mga guro na may provisional appointment lamang ang sasailalim sa isang taon na probationary period. Sila ang mga guro na nakuha lahat ng requirements maliban sa eligibility (lisensya upang makapagturo). Sila rin ay binibigyan ng R.A. 10533 ng limang taong palugit upang magkaroon ng eligibility. Ang kanilang appointment ay valid lamang sa loob ng isang taon (12 buwan) mula sa petsa ng kanyang pagkakahirang kung kaya naman kinakailangan magkaroon ng reappointment sa loob ng limang taon o hanggang sa sila ay magkaroon ng eligibility sa loob ng palugit na ito.

Exempted naman na sumailalim sa probationary period ang mga bagong guro na may lisensya na sa pagtuturo bago pa sila nahirang sa serbisyo. Ito ay kinikilala bilang isa sa mga provisions ng R.A. 4670 o Magna Carta for Public School Teachers.

Mapapansin na may notation ang appointment ng mga provisional na guro na sila ay nasa ilalim ng probation period sa loob ng isang taon. Upang malaman naman nila kung anu-ano ang mga inaasahan sa kanilang kakayanan at pag-uugali, itinatakda ang mga performance targets at work output standards na pipirmahan ng probationer, school head, at ng Schools Division Superintendent limang araw mula ng sya ay nagsimulang magserbisyo.

Ang Performance Review habang nasa Probationary Period

Kumukuha ng feedback sa strengths and weaknesses ng performance at character ng guro ang school head upang magkaroon ng angkop na interbensyon nang sa gayon ay matulungan ang guro na mas mapaunlad ang kanyang performance. Dalawang beses ang itinakdang appraisal o evaluation upang magkaroon ng panahon na mailapat ang interbensyon ng school head. Ang performance review naman ay isinasagawa sa loob ng sampung araw bago matapos ang bawat rating period.

Titingnan ang performance dimensions na nasa RPMS at mga job-related critical incidents gaya ng habitual tardiness at absences. Kailangang ang evaluation na ito ay mareview at sertipikahan din ng Performance Management Team sa Division Office. Bibigyan ng kopya ang guro kalakip ang mga komento at rekomendasyon sa pagpapatuloy ng serbisyo.

Kailan Maaaring Matanggal sa Serbisyo ang Provisional Appointee?

Hindi na kailangang sampahan ng kasong administratibo ang mga provisional appointee upang matanggal sa trabaho. Sapat na ang sumusunod na dalawang dahilan upang matanggal sa serbisyo ang provisional appointee bago pa man matapos ang limang taong palugit:

  1. May unsatisfactory conduct – Problema sa pag-uugali at pakikipagkapwa tao, laging nahuhuli at lumiliban sa trabaho. Kasama na rin dito ang neglect of duty, misconduct, at insubordination
  2. Want of capacity – Pagkukulang ng guro sa pagganap ng katungkulan ayon sa pamantayan na kanyang pinirmahang performance targets sa pagtatrabaho kahit pa nagbigay na ng interbensyon ang kanyang school head.

Mga Proseso sa Pagtanggal sa Serbisyo

Hindi sapat na hindi na lang bigyan ng reappointment ang isang provisional appointee upang masabing wala na syang trabaho. Kinukupkop sila ng batas (RA 10533) sa loob ng limang taon upang bigyan sila ng pagkakataon na makakuha ng lisensya na magbibigay sa kanila ng kwalipikasyon upang maging permanenteng empleyado. Upang maiwasan ang hindi makatwirang pang aabuso sa katungkulan, may mga proseso na dapat sundin at mga dokumentong dapat isumite upang patunayan ang pangangailangan ng pagtanggal sa serbisyo.

Kung may pagkukulang ang guro sa kanyang mga performance, kinakailangang sya ay bigyan ng notice of termination of service sa loob ng labinlimang (15) araw matapos na ito ay mapatunayan sa performance evaluation bago pa man matapos ang ikalawang performance review. Ang notice na ito ay naglalahad ng mga dahilan kung bakit kinakailangang tanggalin na sa serbisyo ang isang provisional appointee. Kalakip nito ang unsatisfactory na resulta ng performance evaluation, report ng school head tungkol sa kanyang di magandang pag-uugali , at iba pang dokumento na makapagpapatunay na sya ay nararapat nang tanggalin sa serbisyo gaya ng mga memorandum kaugnay ng kanyang mga paglabag sa patakaran sa pagtatrabaho, mga notaryadong pahayag ng mga katrabaho na sya ay mahirap pakisamahan, report ng attendance na nagpapatunay ng kanyang habitual tardiness at absences at marami pang iba.

Ang notice of termination na ito ay executory pagkatapos ng labinlimang (15) araw mula ng matanggap nya ito. Maaari din namang mag appeal sa CSC Regional Office sa loob ng 15 araw na ito ngunit executory pending appeal pa rin ang epekto ng notice of termination.

Sakaling wala namang natanggap na notice of termination bago matapos ang probationary period, nangangahulugan na sya ay maaari pang magkaroon ng reappointment o maging permanente sakaling sya ay nakakuha na ng eligibility.

Mga Karapatan ng Provisional Appointee

Ang mga provisional appointee na hindi nakatanggap ng notice of termination ay may mga karapatan. Nakasaad sa DepEd Order 51, s. 2017 ang paglilinaw sa Section 8 ng Republic Act 10533. Nagiging bakante lamang ang item ng provisional appointee kung pagkalipas ng limang (5) taon ay hindi pa rin sya nagkakaroon ng eligibility. Samakatuwid, hindi dapat magkaroon ng kapalit ang guro sa posisyong ito hanggat di natatapos ang limang taong palugit. May mga nagsasabing maaari namang palitan kung may mas kwalipikado at may lisensya ang gurong ipapalit. Ang pananaw na ito ay hindi naaayon sa mga provisions sa 2017 ORA-OHRA. Ang mga empleyadong maaaring palitan kung may mas kwalipikado na aplikante ay applicable lamang sa mga empleyadong may Temporary Appointment at hindi para sa Provisional Appointees na protektado ng RA 10533.

Nilinaw rin sa naturang DepEd Order na ang guro na may provisional appointment ay nararapat na makatanggap ng sweldo at allowances na gaya ng ibinibigay sa mga permanenteng empleyado, kasama na ang membership sa GSIS, health insurance, employees’ compensation insurance, membership sa PAG-IBIG fund, vacation and sick leaves at sa monetization at payment sa terminal leave benefits. At dahil isang taon ang effectivity ng kanilng appointment, nararapat na sila ay makatanggap din ng proportional vacation pay at iba pang insentibo at allowances na karaniwang tinatanggap ng mga permanenteng guro.

Ang bawat karapatan ay may kaakibat na obligasyon at responsibilidad. Hindi madaling maging empleyado ng gobyerno dahil lagi tayong susuriin sa pananagutan natin sa taumbayan. Lahat ng ginagawa nating mga empleyado at maging ng mga namumuno sa atin ay may katumbas na pananagutan sa taumbayan. Sabi nga sa Panunumpa ng Lingkod Bayan: “Ang bawat sandali ay ituturing kong gintong butil na gagawin kong kapaki-pakinabang. Lagi kong isasaalang-alang ang interes ng nakararami bago ang sarili kong kapakanan.”

Margarita Lucero Galias

Margarita L. Galias began her career in education as a high school math and physics teacher in Immanuel Lutheran High School in Malabon City and Manila Central University, Caloocan City before serving as a public school teacher in Sorsogon City in 1995. She was a university scholar and graduated cum laude with a bachelor’s degree in Education, major in Math-Physics from De La Salle Araneta University. She also holds a master’s degree in Management, major in Administration and Supervision from Sorsogon State College. She is now currently employed in Mercedes B. Peralta Senior High School as a classroom teacher and a guidance counselor designate.

1 thought on “Mga Gurong Sakop ng Probationary Period”

  1. Dito po sa Division of Iloilo lahat po ng provisional teachers basta basta nalang tinerminate ang contract april 3.2020 kasi daw ang school year ay june to april lang po According sa Administrative Officer 5 at hindi na kami nakatanggap ng midyear bonus clothing allowances at april salary.

    Reply

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.