Home » Buhay Guro » Bigyan Natin ng Boses ang Mga Nanahimik

Bigyan Natin ng Boses ang Mga Nanahimik




Ang suicide ay malimit na itinuturing na isang mental health issue. Ngunit kung ito ay sa ganitong aspeto lamang natin susuriin, hindi nga ito masosolusyunan ng lipunan. Sa sunod sunod na pagpapakamatay ng mga guro, nararapat lamang na ituring itong isang “public health issue” kung saan hindi lang nakatalaga sa DOH ang paglapat ng solusyon kundi sa mas malawak na pagtutulungan ng mga departamento (kasama ang DepEd), komunidad, simbahan, at pamilya. Sa ganitong paraan, bawat isa ay magkakaroon ng parte sa pagsugpo ng ganitong problema.

Nakakalungkot ang mga pahayag o reaksyon mula sa mga may matataas na posisyon sa DepEd na mabilis na dinedepensahan kaagad ang mga kasalukuyang patakaran sa pamamalakad sa paaralan. At pilit na inilalayo ang isyu sa teaching overload at paperwork na maaaring kaugnay na dahilan ng pagpapakamatay. Halimbawa ay ang napaulat na opisyal ng DepEd sa Leyte na nagbigay ng kanyang saloobon kaugnay sa nangyari kay teacher Emylou na nakakaalarma na daw ang mental at propesyonal na kwalipikasyon ng mga guro sa ngayon. Nagbigay pa sya ng payo:

“To the new applicants or would-be teachers, please find time to ask yourself and know the challenges in DepEd. You know the paperwork DepEd is making for our reports. If we feel that we cannot handle it, let’s pause for a while because we ourselves can only determine what we can do and what we cannot do,”




Ang mga taong vulnerable na makaisip ng pagpapakamatay ay ang mga taong takot na humingi ng tulong para sila ay mabuhay. Sila ang mga taong mas matinding dinaranas ang impact sa emosyon ng marginalization. Hindi ba’t maaari na itong ituring na isyu ng social justice? Hindi sapat ang quick fixes sa mga taong dumaranas ng depresyon. Hindi kayang gamutin ng ospital ang emotional impact ng dinaranas na marginalization.

Sa mga taong walang naging karanasan o hindi naging apektado ng usaping pagpapakamatay sa kanilang pamilya, kamag-anak o kaibigan, unaware sila sa psychological impact nito kung kaya’t hindi ito magiging priority sa kanila, at hindi natin kakikitaan ng sincerity na puspusang iusad ang nararapat na pagbabago sakaling may ginawa na nga silang plano. Sa aking pananaw, ito ang pagkukulang kung kaya’t parami ng parami ang biktima mula pa ng nakalipas na mga taon.




Kakalimutan na lang ba natin sila dahil ayon sa ibang mapanuring tao, sila daw ay mga taong mahihina? Bale wala na nga lang ba ang kanilang pagkamatay dahil ayon sa mga ipokrito at manhid na tao, sariling kasalanan ng mga teachers na ito kung bakit sila ay nagpakamatay? Sa mga namatay na nga lang ba ibubunton ang sisi dahil hindi na na naman nila maipagtatanggol ang kanilang mga sarili sa lipunan?

Bilang mga taong nakakaunawa sa kanilang naging mga kalagayan, maging boses nawa tayo nila sa pamamagitan ng mga advocacies na magkaroon ng malinaw na legislative actions na tumutugon sa kapakanan ng mga guro. Sa sama samang pakikiisa, magiging makapangyarihan ang binubuo nating samahan na nananawagan na maging prioridad ng lahat ng sector sa pamamagitan ng mga decision-makers ang mga interbensyon laban sa suicide. Itigil na ang pagtuturuan. Tingnan ang mga polisiyang maaaring makapagpabigat o makakapagpagaan ng kalagayan ng lahat.

Hindi na natin maibabalik ang buhay ng mga nagpatiwakal na guro. Lahat sila ay nawalan ng pagkakataon na maging ganap na ekspertong mga guro. Nagkaroon pa sana sila ng pagkakataon na magka-asawa at mga anak na mamahalin nila…..tanging ang magagawa natin ngayon ay maging posible ang mga ito sa mga ilan pang guro na kinakain na rin sa ngayon ng depresyon.




Leave a Reply

Scroll to Top