Republika ng Pilipinas
(Republic of the Philippines)
KAGAWARAN NG EDUKASYON
(DEPARTMENT OF EDUCATION)
PAMBANSANG PUNONG REHIYON
(National Capital Region)
Daang Misamis, Bago Bantay, Lungsod Quezon
(Misamis St., Bago Bantay, Quezon City)
MENSAHE
Isang maligayang pagbati!
Kaakibat ng buhay ng tao ay pagbabago. Ang bawat yugto nito ay dumadaan sa iba’t ibang pagsubok na maaring mapagtagumpayan o ikabigo ng isang tao. At sa bawat pagkabigo, may natututunan tayo.
Ang K – 12 ay isang reporma, isang pagbabago sa ating sistema ng edukasyon. Ito ay naisakatuparan bunga ng mahabang pananaliksik. Napag-alaman na ang ‘graduates’ natin ay hindi gaanong tanggap sa ibang progresibong bansa, maging sa mga karatig nating bansa sa Asya, sapagkat tayo na lamang ang may natatanging 10-taong basic education program. Sa ganitong kadahilanan, kinailangan ang pagbabago upang tapatan ang mga graduates ng ibang bayan.
Sa mga magtatapos, ang reportmang ito ay naglalayon na palinangin at paigtingin ang inyong kakayahan sa lahat ng aspeto ng buhay. Ito ay sadyang ilinaan upang sa kinabukasan ang bagong henerasyon ay magiging mas handa at mas may kakayanang makipagtunggali sa hamon ng buhay, sa loob at labas ng ating Inang Bayan. Sa inyong pagtatapos, isang hamon ang inyong haharapin, isang malaking pagbabago na dapat lamang tanggapin– antas ng buhay ay paangatin, ang ekonomiya ng bansa ay paunlarin. Ang Kabataang Mula sa K to 12, Tagapagdala ng Kaunlaran sa Bansang Pilipinas.
Sa mga guro at namamahala ng paaralan, ang aming tagubilin, malaki ang inyong bahagi sa ikatatagumpay ng repormang ito. May mga pagbabago ngunit higit sa lahat kayo ang may responsibilidad patungo sa tagumpay o kabiguan ng isang hakbang tungo pagbabago sa ating edukasyon. Sama-sama tayo sa katuparan ng isang adhikain.
Sa mga magulang, umaasa ang Kagawaran ng Edukasyon na sa bawa’t hakbang na tatahakin ng ating bansa, tayo ay magkakaisa at patuloy na magtutulungan upang sa hinaharap ang buhay ng bawa’t isa ay maging kaiga-igaya at maunlad.
Pasalamatin natin ang Maykapal sa patuloy N’yang paggabay sa ikauunlad ng bansang Pilipinas.
Muli, sa inyong matagumpay na pagtatapos ay isang masayang pagbati! Mabuhay ang Filipino!
PONCIANO A. MENGUITO
Officer-In-Charge
Tagapamahala ng Punong Rehiyon