MEMORANDUM PANGKAGAWARAN Blg. 28, s. 2016
Table of Contents
ULIRANG GURO SA FILIPINO 2016 NG KOMISYON SA WIKANG FILIPINO (KWF)
Sa mga :
Direktor ng Kawanihan
Direktor ng Panrehiyon
Tagapamanihala ng mga Paaralan
Punongguro ng mga Paaralang Pampubliko at Pampribadong Elementarya at Sekundarya
- Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay magtatampok ng Ulirang Guro sa Filipino 2016 alinsunod sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
- Ang Ulirang Guro ay taunang gawad na ibibigay ng KWF sa mga natatangi at karapat-dapat na guro sa Filipino sa bawat rehiyon at/o probinsiya sa buong bansa. Ang Ulirang Guro ay kailangang nagpamalas ng angking husay, talino, at dedikasyon sa pagpapalaganap at promosyon ng Wikang Filipino at/o wika at kultura sa larangan ng pagtuturo sa kanilang komunidad, at higit sa lahat ay may makabuluhang ambag sa mga saliksik pangwika at pangkultura.
- Ang timpalak ay bukas sa mga guro sa Filipino sa mga pampubliko at pampribadong paaralang elementarya at sekundarya, maliban sa mga kawani ng KWF at mga direktor ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), at kanilang mga kaanak hanggang ikalawang digri (degree).
- Ang mapipiling Ulirang Guro sa Filipino ay makatatanggap ng medalya at katibayan ng pagkilala mula sa KWF.
- Kalakip nito ang Tuntunin sa Paglahok at Pagpili ng mga Ulirang Guro sa Filipino 2016.
- Para sa iba pang detalye at impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), 2/F Watson Building, 1610 JP Rizal Street, San Miguel, Maynila sa telepono: (02) 736-2525, (02) 736-2524; (02) 736-2519 o mag-email sa komfil@kwf.gov.ph, ssgkwf@gmail.com o sa website www.kwf.gov.ph.
- Hinihiling ang maagap na pagpapalaganap ng Memorandum na ito.
Kalakip sa Memorandum Pangkagawaran Blg.: 28 s. 2016
TUNTUNIN SA PAGPILI NG ULIRANG GURO SA FILIPINO 2016
1. Bukas ang timpalak sa mga guro sa Filipino, maliban sa mga kawani ng KWF at mga direktor ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), at kanilang mga kaanak hanggang ikalawang digri.
2. Ang mga nominado ay kinakailangan magtaglay ng mga sumusunod na katangian:
a. May hawak na kaukulang lisensiya (LET, atbp.), full-time at permanenteng status;
b. Nakapaglingkod nang tatlo o higit pang taon bilang guro sa Filipino o mga kaugnay na disiplina na ang gamit ay Filipino bilang wikang panturo sa anumang antas ng edukasyon at may antas ng kahusayan {performance rating) na hindi bababa sa Very Satisfactory sa buong panahon ng paglilingkod;
c. May makabuluhang ambag sa mga saliksik pangwika at pangkultura ng rehiyon;
d. Nakapag-ambag sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa rehiyon sa pamamagitan ng pananaliksik, publikasyon, seminar, pagsasanay, palihan, at iba pang katulad na aktibidad; teacherph
e. Nanguna sa pagpapahalaga sa pamanang pangwika sa pangkultura ng Filipinas kaagapay ng pagtataguyod at pagpapaunlad sa wikang Filipino;
f. Nakatanggap ng parangal at/o iba pang gawad kaugnay ng kanyang propesyon (opsiyonal); at
g. Rekomendasyon mula sa immediate superior ng kaniyang paaralan na nagpapatunay ng kagalingan bilang guro sa Filipino na may makabansa at makataong kamalayan.
3. Maaaring magpasa ang paaralan ng higit sa isang nominasyon. Ang bawat nominasyon ay kailangang mailakip sa isang long brown envelope na maglalaman ng sumusunod:
a. pormularyo para sa nominasyon;
b. rekomendasyon ng immediate superior ng paaralan; at
c. folio ng mga katibayan ng pagkilala, gawad, publikasyon, at mga naisagawang seminar, palihan, at mga proyektong may kaugnayan sa wika at kultura.
4. Isasama sa mga nominasyon ang mga nominado noong nakaraang taon na nag-update ng kanilang dokumento. Ngunit kung walang idadagdag sa mga dokumentong naipasa noong nakaraang taon, hindi na ito isasama.
5. Maaaring ipadala ang mga nominasyon sa tanggapan ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na nasa probinsiya/rehiyon na kinabibilangan ng nominado. Maaari ding ipadala ang mga ito sa tanggapan ng KWF. Ang huling araw ng pagpapadala ay sa Hunyo 17, 2016. Hindi na maiuurong ang araw ng pagsusumite.
6. Makatatanggap ng medalya at katibayan ng pagkilala ang mapipiling Ulirang Guro sa Filipino.
7. Ang pasiya ng inampalan ay pinal at hindi na mababago. Lahat ng lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik ng KWF.
8. Para sa karagdagang detalye, maaaring tumawag sa:
Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)
Gusaling Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel San Miguel, Maynila
Telepono: (02) 736-2525 lokal 101, (02) 735-2519
Email: komfil@kwf.gov.ph, ssgkwf@gmail.com
Website: www.kwf.gov.ph