Araw ng Pagtatapos 2016
“Ang Kalyeserye ng Ating Buhay: A valedictory address”
Sa ating panauhing pandangal sa araw na ito, sa mahusay na punong guro ng Paaralang Elementarya ng __________________ , sa Barangay Captain ng Barangay ___________________, sa aming masipag, masayahin at butihing punong guro________________, sa mga mahal naming mga guro ng paaralang elementarya ng _______, sa ‘king mga kaibigan at kamag-aral, mga kanayon at sa iba pang nakikiisa sa espesyal na araw na ito, Isang pinagpalang umaga po sa inyong lahat.
Hindi ko akalain na aabot ako sa ganitong pusisyon, sa ganitong puwesto na kung saan may nakasabit na medalya, na may mga karangalan at magbibigay ng isang mensahe at isang inspirasyon sa inyong lahat. Sumabay lamang ako sa takbo ng araw-araw na buhay… siguro nga’y tinumbasan lamang ng nasa Itaas ang aking pagsisikap sa pag-aaral kaya eto, sa kalooban niya narito ako sa inyong harapan.
Maihahawig ko ang pag-aaral sa isang “Kalyeserye”… Mabilis ang mga pangyayari, sa isang iglap, sa isang kislap may nangyayari. Iba’t ibang leksyon ang natututunan sa araw-araw, iba’t iba ang eksena… may kasiyahan, may kalungkutan, iba-iba ang kulay, walang script na magdidikta kung ano ang maiuuwi mong aral sa inyong tahanan dahil tayo parin ang magdedesisyon kung isasapuso ba natin o itatapon na lamang ang mga ito sa kawalan. Nandiyang nahihirapan na ako sa mga proyekto, sa mga saloohin, sa mga exams pero dahil kasama ito sa ‘king kwento ng pag-aaral alam ko na kailangan ko talaga itong gawin para makatapos at makahakbang sa susunod na eksena… Sabi nga ni Lola, “HINDI LAHAT NG BAGAY AY INSTANT”… may mga bagay na kailangan nating paghirapan.
Syempre hindi lang ako ang bida sa kalyeseryeng ito… hayaan nyong pamagatan ko ‘tong “pasasalamat” at ang mga sumusunod ang tunay na bida para sa ‘kin, para sa aking kwento…
Unang-una nagpapasalamat ako sa Dakilang Guro sa lahat, ang direktor ng ating buhay, ang ating Panginoon sa pagkakaloob sa akin ng kalakasan at talino hanggang sa tagpong ito, ang lahat ng tagumpay ay itinataas ko po sa inyo.
Ikalawa sa aking pinakamamahal na mga magulang… na sina ____________________ at si ________________… sa aking ama na nag-aasikaso sa aming magkakapatid na tinutumbasan ang pagiging nandiyan ni mama, na kahit minsan medyo hindi namin kayo nasusunod ay pilit parin kaming inuunawa at pagmamahal parin ang pinaiiral…
Higit lalo pa, Sa aking ina na piniling mangibang bansa para lamang mabigyan kaming magkakapatid ng sapat na edukasyon, alam ko kung gaano nyo kami kamahal kaya kahit wala ka po dito’y alay ko sa’yo ang aking pagsisikap at masasabi kong naging sulit ang iyong paghihirap.
Kay Nanay…sa aking lola na laging nandyan para ako ay suportahan sa halos lahat ng contest at sa mga meeting nandyan kayo para sa ‘kin, isa ka rin po ‘nay sa naging daan at ang suporta mo po’y hindi matutumbasan, mahal na mahal ko po kayo.
Sa mga guro, na nagsilbing pangalawang magulang para sa aming magkakaklase, batid ko po ang inyong pagtityaga para lamang po kami’y matuto at mapabuti… sa inyong pagkalinga sa amin, sa pag-iintindi, sa kalungkutan nyo kapag kami’y nag-aaway, kapag kami’y nakakakuha ng mabababang marka at nakakalimot sa mga aralin… alam ko pong sa araw na ito’y puno ng kasiyahan ang inyong mga puso dahil sa araw na ito’y natumbasan namin ang inyong mga ginawa… ang kami’y makatapos.
Sa ating paaralan, kung saan nahubog ang ating pag-iisip at pagkatao, maraming salamat po. Sandali pong magpapaalam ako at ang aking batchmates, subalit babalik kami sa darating na panahon, upang ibalik sa iyo ang karangalan at tagumpay na aming tatamuhin.
At sa huli ang pupuno sa mga tauhan… Nagpapasalamat din ako sa inyo, Te Kyla, Kimberly, Jerson, Trisha, Cristel at kayong lahat syempre… na aking mga kaibigan. Salamat sa ‘ting kasiyahan na minsan nagiging kalokohan, sa pagdadamayan, sa pagpapagaan ng loob kapag ako’y nalulungkot, umiiyak at sa pagiging concern sa akin… nakakalungkot lang isipin na ang anim na taon nating pagsasama ay matatapos lamang sa mahigit isang oras na palatuntunan, pero gayun pa man hindi ko malilimutan ang ating mga pinagsamahan, siguro nama’y magkakaroon din tayo ng pagkikita kahit paminsan-minsan.
Uulitin ko po, sa aking mga magulang, sa ating paaralan, mga guro at kaibigan Kayong lahat ang naging daan, sa isang libo’t isang tuwa ng aking buhay, kayo ang dahilan… Kaya lahat ng ito ay para sa inyo…
Sa susunod na eksena kung saan malapit na tayo sa kasukdulan ng kwento… magiging mas seryoso ako, pero balansehin pa rin natin..
Ang tema para sa araw ng pagtatapos ngayong taon ay umiikot sa:
“Kabataang Mula sa K to 12:Tagapagdala ng Kaunlaran sa Bansang Pilipinas”
Oo!… alam ko na malaki ang hamong ibinibigay ng temang ito sa atin… medyo pabor sa hinaharap, dahil bukod sa magsisimula palang tayo sa sistemang K-12 ay wala ring kasiguraduhan ang lahat para sa hinaharap…sabi ko nga kanina tayo ang bahala sa kung ano ang pipiliin natin sa susunod pang mga taon.
Nandyang susubukin tayo ng hirap ng buhay, mga tukso ng barkada, ng salitang pagsuko at iba pang problema sa buhay. Mawawalan tayo ng pag-asa, mahihirapan tayo at magtatanong, pero eto na tayo oh, nakatapos na tayo ng isang eksena, nakatapos na tayo ng isang bahagi ng kwento ng ating buhay, bibiguin pa ba natin sila? syempre ituloy na natin kung ano tayo ngayon, yakapin na natin ang bagong sistema ng edukasyon.
Sa tingin ninyo, Ang sistemang bang ito ng Kagawaran ng Edukasyon ay para lamang sa wala??? Tayo ang DAHILAN… dahil may kanya-kanya tayong galing at kakayahan at para talaga sa ating sarili, sa hinaharap… silang ating mga magulang, mga mahal natin sa buhay ang MASUSUKLIAN, silang unawa ang kahalagahan ng edukasyon, na ito lamang ang pinakamahal sa lahat ng kayamanan dito sa mundo, kaya sana huwag natin silang biguin.
Kaya kahit simula pa lamang ang lahat ng ito, isa lang ang nakakasiguro ako… KAYA NATIN LAHAT, basta samahan natin ng pagpupursige, dedikasyon, Tiyaga at pagmamahal ang ating ginagawa… gawin nating inspirasyon ang mga taong nakapaligid sa atin, na kailangan nating tumbasan ang lahat ng kanilang ginagawa at pagmamahal para sa atin…
sa huli…
Muli hindi dito natatapos ang kalyeserye ng ating pag-aaral, sa totoong buhay walang Cut na tinatawag at hindi ito edited…
Tayo ang bagong henerasyon, pilitin nating maging sanhi ng ikauunlad pa ng bansang Pilipinas, ikauunlad pa ng ating buhay… para SA TAMANG PANAHON maging maayos ang lahat para sa atin…para SA TAMANG PANAHON marating natin ang ating mga pangarap sa buhay…
Muli isang mapagpalang umaga sa ating lahat… Salamat po…
Read: