Apat na Sulok ng Krus
Ni Jhucel A. del Rosario
Dinala Niya ang kahoy na may apat na sulok at pighati
Kasabay ang mga magkahalong sigaw sa pabor at sa hindi
Namantyahan ng mga purong pula ang apat na sulok
Na bigla-biglang tumabingi,
Sa bigat ng pasakit sa kanya, pilit paring binuhat, dinala
Matubos lamang ang ating pagkakasalang di mahati-hati
Itinudla ng mga kawangking kawal
Patungo sa bungo na lugar kung saan
Ang ilalim ng sulok ay itatayo,ibibilad
hinagpis na lamang ang sa kanya’y tumutulak,
Habang nagtatawanan, nangungutya pa rin sa paligid ang mga uwak
Nang makarating hinubaran ngunit hindi susuutan
Ng magarang damit, para mga sugat muling tumambad
Pulang pawis na di na malunasan,
Ang kaninang apat na sulok na inilalakad, ngayo’y kanya nang hihigaan
Sa gitna ng apat na sulok likod Niya’y inilapat
Sa pahalang na magkabila ipinako kanyang kamay kanan kaliwa
Mga kamay na dumalangin, humaplos sa mga may
Sakit, Pasakit, karamdaman, doo’y nagbigay ng himala, biyaya
Ngunit ngayo’y kalawanging bakal ang bumaon sa mga ito
Lumabas ang sigaw ng panaghoy na matigas pa sa mga bato
Dating kay banayad na guhit ng kapalaran ay nagkasiwang tagusang bigo
Manhid na ngayon sa pasakit dala ng mga kasalanang tao
Patayo sa ibaba binigkis din kanyang mga paa
Hinanda na ang mas matangkad na bakal
Mas matulis kaysa sa mga nauna
Magkayakap na idinikit, kahit nanginginig ang awa
Sigaw na naman ang umalulong
Dahil basag ang buto, lamang kay sakit gumugulong
Sa mga paang dating nagyakag sa mabuting salita
Nagyakag sa pag-ibig na walang hanggan
Ngunit ngayo’y kimkim na lamang
Ng kahoy na sa dugo na ay bumigat
Sa patayo ding sulok sa itaas
Ay may nakapakong karatula
Nakalagay ang siyang tunay niyang kalagayan, tunay ngang Siya
Na Siya ang lahat at lahat ay Siya
Ngunit sa tingin ng mga umalipusta
Panirang puri lamang ang doo’y nakatala
Apat nga ang sulok, kasama siya sa tatlong pinag-isa
Ang isa ay tayo na sa kasalanan ay inako, tinubos niya,
Siya ay ipinako at nagpangakong lahat ay mababago
Makakasama ang tatanggap at sasamang patotoo
“Siya nga’y nasugatan sa ating mga kasalanan,
Siyay binugbog dahil sa ating mga kasamaan,
Ang parusang tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kanya
Doon sa apat na sulok ng krus iniwanan Niya,
At sa pamamagitan ng kanyang mga latay
Ay nagsigaling tayo, di nawalay”
Basa: