Wala lang sa amin ang Larong “Langit Lupa impyerno.. im-im-impyerno saksak puso tulo ang dugo patay buhay umalis ka na diyan” kahit napaka hard at bayolente ng seremonyang ito sa pagpili ng taya… – Sir Tino
Nagtagu-taguan ba kayo sa ilalim ng liwanag ng buwan? Nagkabukol ba kayo at muntik pang macoma dahil sa luksong baka? Kumain ka ba ng Frosty? Putotot Master ka ba sa larong Patintero? Biyakers ka ba? Gaano mo kakilala si Tom at si Sarah? Gusto mo rin bang sumama kay Agatom? Nataga ka na ba sa likod sa larong Dr. kwak-kwak at muntik nang sumuka ng dugo, At napakalokong ang sinasapol sa larong tumbang preso ay ang alulod ng taya para hindi siya makatakbo at maging balagoong! Nakow! Kapatid isa ka nga sa ipinanganak sa dekada 90.
Kung ikukwento ko pa ang lahat ng karanasan ko nung bata eh, siguradong hindi mo na matatapos pang basahin ang salaysay na ‘to mas pipiliin mo na lamang balikan ang pagcompute ng grades ng mga istudyante mo, hehehe. Iba na talaga ang panahon ngayon .Nilukob na tayo ng mga de pindot at de touch na mga kagamitan, pero hayaan mo kong magpatuloy sa kung ano pa ang pagkakaiba ng noon at ngayon dahilan para bang may konting kalbit na hirap sa pagtuturo (*actually pinipilit kong tugmain sa mga karanasan ko, nyehehe) Noon at Ngayon.
NOON didiretso kami sa bahay manonood ng Ghost Fighter, Flame of Recca tapos Slam Dunk pinakagusto ko ang Ghost Fighter lalo na yung nasa tournament na sila, pagkatapos tatanungin ako ni nanay, minsan hindi na.. kusa ko nang gagawin ang mga assignment(nakakatakot pa kasi noon uso pa ang pumping at spread your arms with books)
NGAYON hapon palang ang mga palabas lampungan na kaagad, kiss dito kiss doon! Wow! Kaya pala puro pag-ibig lagi ang laman ng mga likod ng notbuk ng ilan sa mga istudyante ko… love! Love! Love! Kaya sa test ZERO! ZERO! ZERO!
NOON sa panahon namin hindi pedeng magpahaba ng patilya dapat neat (*ang totoo pang-iwas din ito dahil mawawalan ka talaga ng patilya dahil sa kurot-buhok-pataas na parusa ni teacher tapos maglelevitate ka ng hndi mo alam at sa mga girls naman dapat nakapuyod)dapat may disiplina sa sarili…
NGAYON wow mga Korean look talaga kahit bilugan ang mga mata, minsan akala ko wala ng mga tenga dahil sa haba ng buhok( syempre binibigyan ko ng konsiderasyon ‘yung iba na wala pang panggupit) pero yung iba na ginawang bisyo na at nagmumukha ng may bisyo.. Orryyt Rock n Ror! Wala ng kayos-ayos sa sarili!
NOON nag-uunahan pa kami sa pagkuha ng bag ng aming guro sabay mano minsan nga nagkakatampuhan pa dahil inagawan talaga ng pwesto at noon hindi ito pagiging straw nasa isip kasi namin na kasama ito sa Edukasyon sa pagpapahalaga,
NGAYON para ka ng mountaineer sa dami ng bitbit wala lang! lalampasan ka lang na parang security guard sa mall pero buti pa nga po ang mga sekyu naggugoodmorning, minsan pati paggugood morning ng mga bata nalilimutan na.
NOON dahil wala pang mga social networking sites, kaming magkakaibigan talaga kung makapag-usap solid! Itutuloy na namin sa paglalaro ng pass the message… at noon hindi uso sa amin ang awayan sa grupo lahat masasaya,
NGAYON dahil na nga sa mga sumbong nakow nandyan ang mabababaw na ayawan! TROPANG PABEBE vs TROPANG CHICKLET… kaya sagot ko “In the Guidance Room!” sabay turo sa labas. nyehehe
NOON wala mang DOTA o iba pang computer games KUNTENTO na kami sa patintero, tagu-taguan, luksong tinik, luksong baka, luksong lubid, syato, tumbang preso, at iba pa… Masaya na ang Sabado’t Linggo namin,
NGAYON, hindi na nila alam ang mga larong kinalakihan ko, lalamya-lamya na sila… sa paghohome visitation ko nga may report pang kaya pala hindi pumapasok ang anak niya dahil ADIK na sa computer games, nandyan pa ang pangungupit na malupit sa mga magulang para makapaglaro lang! tsk tsk tsk!
NOON alam ng teacher namin na pinaghirapan namin ‘yung mga assignment at project namin, ilan kasi nga sa amin ay walang pangtype kaya tiyaga –tiyaga muna…
NGAYON COPY PASTE NA! pare-pareho pa ang isusubmit ng mga istudyante mo, simula sa content hanggang sa FONT. astig!
NOON kapag medyo nagkakagulo na kami… killer EYE lang ng guro takot na kami, alam na namin ang mga susunod na mangyayari…
NGAYON kapag napakagulo na nila, killer EYE lang ng guro takot na ‘ko sa mga susunod na mangyayari, alam ko na ang gagawin dahil wala silang pakielam sa akin.
At NOON uulitin ko ulit! may mga palabas talagang educational!! Namimiss ko tuloy ang Sineskwela! Hiraya Manawari! At Mathinik… hindi man ako Honor Student noon pero talagang natuto ako sa ibang bagay noon! Malas lang ng ilan sa panahon
NGAYON dahil puro telenobelang paulit-ulit na lang ang istorya ang sinusubaybayan sa telebisyon…
HAY! Mahaba na! gusto ko pa sana…
Paghahambing ito ng noon at ngayon hindi sa kung ano kami noon sa ngayon. Hindi ko sinasabing mas disiplinado noon ang ilan, kaysa ang ilan sa ngayon, na mas may respeto sa guro ang kabataan noon kaysa sa ngayon at na mas masaya ang kabataan noon kaysa sa ngayon, gusto ko lang talaga sabihin ang igsi at haba ng lubid ng ganda ng karanasan namin noon na ngayo’y pilit kong ipinapaunawa at ipinapaalam sa mga istudyante ko. Gusto ko lang talaga sabihin na pede pa ring balikan ang nakaraan para matuto tayo sa kasalukuyan.
Lalim!!!
Kaya hanggang dito na muna.
P.S. Wala sa Likod wala sa harap, ‘pag bilang ko ng sampu nakatago na kayo!
IBALIK ANG CARTOON SA HAPON!!!
Basa!!!