Katulad ng inyong unang hakbang upang matutong maglakad, hindi magsasawa ang bawat magulang na tulad ko sa pag-gabay sa inyong unang hakbang tungo sa kaunlaran. Taos pusong pagbati sa mga mag-aaral na magsisipagtapos sa Taunang Pampaaralan 2015-2016.
Nakatataba ng puso masaksihan ang lahat ng unang bagay na ating pinagsamahan. Tagumpay sa maliit na paraan ngunit isang malaking karangalan sa bawat magulang ang makitang napagpunyagian ng kanilang mga anak ang isa sa mahahalagang aspeto ng buhay.
Unang pagsambit ng salita, unang hakbang sa paglalakad, unang indak sa pagsayaw at unang PAGTATAPOS sa lebel ng pag-aaral. Punong-puno ng galak ang aming mga puso sa pagtahak ng isang direksyong tutungo sa ikauunlad ng pagkatao ng mga batang mamamayan at magsisiguro ng kanilang kinabukasang punong-puno ng pag-asa. Ang edukasyon ay tunay ngang mahalaga bilang sandata sa pagkamit ng ating mga pangarap.
Sa modernong panahon, kaisa ninyo ako sa pagyakap ng mga pagbabago sa sistema ng edukasyon na magbibigay ng panibagong orientasyon at kiling sa kalidad at husay ng bawat kakayahan at potensiyal ng mga bata. Sa inyong pagtatapos, tunay ngang ang Kabataang Mula sa K to 12 ang Tagapagdala ng Kaunlaran sa Bansang Pilipinas. Hindi ito isang pangako. Ito ay isang gabay upang tahakin natin ang mas pinasigla at pinainam na kurikulum at sistemang maghahanda sa bawat kabataang Mandaleño tungo sa pangdaigdigang hamon upang makasabay o kung hindi man, manguna sa lahat ng larangang may kinalaman sa kagalingang pantao ang bawat bata at kabataang punong-puno ng pag-asa at determinasyon sa kanilang mga puso.
Mapalad ang bawat kabataan sa Lungsod ng Mandaluyong sapagkat hindi naging mahirap ang agarang implementasyon ng programang K-12 sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa atin. Handa at may kakayahan ang ating lokal na pamahalaan upang tugunan ang malaking pagbabagong ito na hahamon sa kalagayang pinansiyal at mga kinakailangang pagsasanay at imprastraktura sa unang implementasyon. Katulad ng inyong Pagtatapos, mahusay at mabisang nagampanan ng ating lungsod ang Tagumpay upang maihatid ang isang dekalidad at sapat na serbisyo para sa inyong pag-aaral at kinabukasan.
Bilang Ama ng Lungsod, katulad ng inyong Pagtatapos, may hangganan din ang termino ng aking paglilingkod. Ngunit kahit kailan, hindi matatapos at magwawakas ang aking pagmamahal at patuloy na pagbibigay ng pinakamainam na serbisyo publiko para sa mga bata at para sa kabuuan ng ating mga nasasakupan. Katulad ng inyong mga magulang, guro at mga kapamilya, mananatili sa aming puso ang ginintuang SIMULAIN na ating pinaghirapan para sa inyong magandang kinabukasan.
Lahat ng ito ay hindi sinasambit bilang pangako. Bilang Ama at magulang, kakayanin natin nang sabay-sabay ang katuparan ng inyong mga pangarap sa paraang alam ko…….”Gawa Hindi Salita.”
Isang Makahulugang Pagtatapos Para sa mga Kabataang Mandaleño!
BENJAMIN C. ABALOS, JR.
Punonglunsod
Download: 000.GRADUATION MESSAGE OF MAYOR BENJAMIN C. ABALOS, JR.
Read: