Home » Buhay Guro » Paano Ako Naging Guro?

Paano Ako Naging Guro?

Jhucel Atienza del Rosario DepEd Teacher
Jhucel Atienza del Rosario – Teacher at DepEd Philippines

Sampung mga bagay na Nakatadhana na.

Hindi ko naman talaga pinangarap maging guro, hindi ko pinangarap na humarap sa harapan ng mga bata at maghapong magturo ng mga leksyon at magagandang asal, pero ewan sa isang click at tiktak ng orasan bigla na lang nagbago ang lahat.

Isipin mo gusto mong maging pulis… nurse…. Sundalo… doctor… …. Seaman… artista?… hehehe, pero nasan ka ngayon? Naggagawa ka ng DLL at instructional materials at hinahabol pa rin ang mga deadline na report. Hayaan mong ikwento ko ang mga pangyayari na naglagay sa ‘kin sa napakasayang propesyon na‘to, ang pagiging GURO.

Isa…

Isang beses lang ako nagdalawang isip nung una, masama bang mag-dalawang isip kahit isa lang ang isip? nag-isip din ako kung ano ang mangyayari pagdating ng panahon, paano ko ieenjoy ang araw-araw na pagpasok sa kursong di ko naman talaga gusto, araw-araw ba akong ngingiti ng pilit o matatapos ko ba ‘to.

Dalawa…

Dalawang beses akong nagShift ng course pero dito pa rin ako bumagsak. Sa bagay na dahil mahal na mahal mo ang ‘yong mga magulang susundin mo sila, silang nagdikta ng pagiging sino ka pagdating ng araw. Masakit? Oo masakit nung una dahil hindi mo maipaglaban ang gusto mong mangyari. Ayaw mo silang biguin. Kaya ayun!Bumagsak ka pa rin sa gusto nilang mangyari.

Tatlo…

Tatlong buwan ako nangapa dahil parang napipilitan lang talaga akong mahalin ‘to.

Napipilitan talaga ako, kapag may mga report naabsent ako, hehehe o tinotropa ko talaga ang mga kaklase ko para sila na lang ang magreport, tinatamad ako sa bagay na ayokong gawin.

Apat…

Apat na subject ko ang muntikan nang maging singko pero kahit papaano’y hindi ko alam kung bakit naisalba ko pa (mukhang minamahal ko na) Dahil sa pagpapabaya, muntikan na talaga akong madagdagan ng isang taon, pero naalala ko ang mga magulang ko… ‘yung hirap nila sa pagpapaaral at mga kantyaw ng mga kaibigan ko na dapat sabay-sabay kaming gumaraduate, kaya ayun di ko alam kung bakit pinilit kong ipasa.

Lima…

Limang tanong parin ang palaging gumugulo… 1. Bakit ako nandito? 2. Kaya ko pa kaya? 3. Bagay ba ako dito? 4. Masaya ba ako? 5. Itutuloy ko pa ba?

  1. Bakit ako nandito? Siguro dahil ginusto ko na.. o dahil lang talaga sa magulang ko?
  2. Kaya ko pa kaya? Siguro kinakaya ko na dahil nakaabot na ko nun sa ikalawang hakbang ng pagtatanong.
  3. Bagay ba ako dito? Siguro bagay na nga ako … unti-unti ko na kasing inaayos ang sarili ko.
  4. Masaya ba ako? Oo… nakakangiti na ko kapag may mga report at nahahabol ko na’yung mga proyekto namin nun, masaya na ako.
  5. Itutuloy ko pa ba? Hindi na ko sumusuko, salamat sa mga batok ng kaibigan ko dahil natauhan na ko, at naipagpatuloy ko na.

Anim…

Anim na mga kaibigan ko ang nagsabing kumain lang ako ng Repolyo, este gulay para lumakas at magtiwala lang sa Diyos, “kung magiging teacher ka … Teacher ka!”

Silang mga naging kaibigan ko ang hindi din nang-iwan, at palaging nandyan na nag-paunawa na mayroon ding kaming Kaibigan na nasa Itaas na laging nandyan na gumagabay.

At…

Pito…

Pitong araw na ‘kong nakangiti habang papalapit nang papalapit ang araw ng pagtatapos… Oo nakaya ko!

Dito ko na naunawaan ang lahat na magiging masaya ako sa minahal ko nang propesyon, kaya nakaabot ako sa pagtatapos. Akalain mo na nung una ay sobrang daming tanong pero iisa lang pala ang sagot… “Mahalin Mo at mamahalin ka rin ng pipiliin mo”.

At yung Board Exam naipasa ko. (halos lumipad ang mga magulang ko sa saya, nakapagpagawa ng TARPAULIN at sabaay sigaw si tatay nang: “IHANDA ANG LECHON!”) nyahahaha

Walo…

Walong oras o higit na akong nasa eskwelahan ngayon… Alam ko na kung bakit ako nandito, kaya ko pala, bagay ako dito, masaya ako at itutuloy ko lang lahat… Mas naintindihan kong walang pumilit sa akin sa propesyong ‘to dahil naging pangunahing kalaban ko lang ay ang sarili ko nung una at sa huli mas pinili ko ang tama.

Siyam…

Siyam na salita na lang ang naiisip ko ngayon… “NAAARAL talaga ang magmahal ng isang bagay na ayaw mo” Isipin mo bakit nung simula hindi ka kaagad sumuko? Kasi nga gusto mo ring subukan, may pag-ibig pa ring nagtutulak sa’yo na wala namang masama kung susubukan mo lang.

At ngayon….

Jhucel Atienza del Rosario DepEd Teacher

Sampu…

Sampung taon…Sampung taon na kong nagtuturo at patuloy pa akong magbibilang ng taon at patuloy ‘kong mamahalin ang propesyong ‘to, para sa inspirasyong dala mula sa Panginoon, tapos sa pamilya ko at ilalahad ko sa mga istudyante ko.

Oo, ibinuod ko lamang sa sampu, pero kung susumahin higit pa sa mga bilang ang dahilan at mga pangyayari… para maging maikli, MINAHAL KO ANG PAGIGING GURO.

Mabuhay ka. CoTEACHER!!!

Minsan Napapagod ka pero Huwag mong Susukuan! (yakap)

Basa: Para sa Future Kasintahan ni Teacher

Share with your friends!

Jhucel Atienza del Rosario

He is the happiness ambassador of teacherPH, elementary teacher, creator of FaceBook Page: Ang Masayahing Guro, Artist @ GuhitPinas, Musikero kuno, komedyante sa gabi, adik sa kape... mangingibig. Follow him on Facebook.

2 thoughts on “Paano Ako Naging Guro?”

  1. Ang galling! Inspiring to…
    * Ako ginusto ko po talagang maging teacher, wala akong nakitang ibang Propesyon maliban sa pagtuturo. KAya, salamt sa Dios. ok na ngayun.

    Reply

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.