Sisimulan na sa susunod na taon (2020) ang integrated professional development programs ng National Educators Academy of the Philippines (NEAP). Sa pamamagitan ng attached agency na ito ng DepEd, inaasahang magkakaroon ng upgrade sa quality ang mga guro sa pampublikong paaralan. Ang NEAP na lamang ang magdidisenyo at bubuo ng mga kinakailangang trainings at activities ng mga guro na dati-rating ginagawa ng napakaraming bureaus sa DepEd. Mawawala na ang imahen na nagiging “Bagsakan Centers” ng professional development trainings ang mga divisions at schools. Sa halip na mass trainings, ito ay magiging targeted participation na at gagamitan ng mas makabagong pamamaraan ng pagsasanay upang maiwasan ang mga overlaps. Ang kasalukuyang pamamaraan na “train-the-trainer model” ay umaani ng mga batikos. Ito daw ay magastos at nagiging diluted pa ang mga importanteng mensahe dahil hindi direktang natuturuan ng orihinal na trainor ang mga guro na syang tunay na target ng mga trainings na ito.
Upang mapaunlad ang mga guro, ang mga sumusunod ang mga bahagi ng programa ng NEAP ayon sa DepEd Order 11, s. 2019:
- Disenyo ng NEAP na maibahagi ang mga courses and trainings para sa Professional Development sa pamamagitan ng on-line learning, distance at blended program modalities bukod pa sa nakasanayan nang face-to-face delivery mode.
- Magkakaroon din ng mga diagnostic, formative at summative assessment sa mga guro upang mamonitor ang kanilang kasanayan at ang bisa ng mga programa.
- Ang mga gurong makakatapos at makakapasa sa mga courses at trainings na ito ay sasailalim sa certification system, o accreditation at recognition system kung sa labas ng DepEd nila kinuha ang professional development courses at trainings.
- Aayusin ng NEAP ang digital registry ng mga guro kasama ang kanilang mga training record.
- Ang record na ito ng mga teachers ang sya namang gagamiting katibayan at mag-uugnay sa career progression at promotion system.
Napakaganda ng plano upang matulungan na umunlad ang mga guro sa kanilang propesyon ngunit hindi nabanggit sa pag-aaral ng NEAP Transformation ang mga posibleng maging lehitimong hadlang sa programang ito. Kung ang mga sumusunod na isyu ay matutugunan, malugod na tatanggapin ng buong pwersa ng mga guro ang mga pagbabago ng sistema:
Table of Contents
1. Ang Kasalukuyang Kondisyon ng mga Guro sa Paaralan
Apektado ang performance ng mga guro kung hindi sapat o hindi natatanggap sa tamang panahon ang kanilang sweldo. Ang kakulangan ng learning materials at pasilidad ng paaralan lalo na kung siksikan ang mga mag-aaral sa loob ng isang classroom ay mga dahilan upang maging mahirap ang kondisyon ng pagtatrabaho ng mga guro.
Malaki ang epekto ng napakababang pagpapahalaga ng lipunan sa mga guro. Lalong bumababa ang respeto sa mga guro kung ang mga Lider mismo ng pamahalaan ang kaunaunahang humuhusga sa pagkakakilanlan ng mga guro – na kaya daw pumapasok sa propesyon ang mga guro ay dahil lamang sa sweldong tatanggapin, magkaroon ng matatag na trabaho (security of tenure), magkaroon ng oportunidad na makapangutang sa mga lending institutions at hindi dahil sa pagmamahal sa propesyon. Sa ganitong pagmamaliit at paghuhusga sa mga guro na sila ang laging itinuturong dahilan ng pagbaba ng quality education, nagkakaroon na rin ng pag aalinlangan at kakulangan ng tiwala sa sarili ang mga guro sa kanilang mga sarili at sa mga kaya nilang gawin sa loob ng classroom. Hindi ba’t mas nagiging produktibo ang isang indibidwal, kahit ano pa ang propesyon, kapag sya ay nabibigyan ng mataas na pagpapahalaga, tiwala, at respeto?
Kung ang lipunan ay magbibigay lamang sana ng kanilang buong tiwala at suporta sa mga guro, mas magaganyak ang mga guro na mas paunlarin nila ang kanilang mga sarili kahit hindi ito ipagpilitan sa kanila ng mga namumuno. Mas magiging engaged at interactive sila sa mga training at workshop na tutugon sa mga pagbabago sa pagtuturo. Ang pagtugon sa mga balakid gaya ng mababang pasweldo kumpara sa ibang propesyon na may kaparehong kwalipikasyon, kakulangan sa learning materials, equipment and facilities, napakalaking class size, kawalan ng proteksyon at suporta upang ipatupad ang mga nakasaad sa RA 4670 (Magna Carta for Public School Teachers), kawalan ng partisipasyon ng mga guro at kanilang mga organisasyon sa pag buo ng mga polisiya, ang mga totoong dahilad ng mababang kalidad ng edukasyon at ang mga ito rin ang mga nagsisilbing hadlang kung kaya’t negatibo ang pagtanggap ng karamihan ng mga guro sa mga implementasyon ng pabago-bagong sistema sa departamento.
2. Ang mga Hamon sa Sistema ng Pamamalakad
Ang mahinang pamamalakad ay nagiging balakid sa pag unlad ng mga guro. Ang kawalan ng kakayahan ng pamahalaan na iangat ang status (salary and working conditions) ng mga guro ay nagbubunga ng humihinang tiwala ng mga guro sa sistema. Marami nang pagbabago sa sistema ang naganap sa loob lamang ng isang dekada: ang curriculum, ang mga programa, ang mga grading system, preparasyon ng leksyon, performance appraisal at marami pang iba na nagmimistulang trial and error o hit or miss ang approach. Ang mga ito ay binabago halos taon taon bago pa man maging gamay ang mga guro sa pagsasagawa ng mga ito. Bunga nito, nawawalan ng confidence ang mga guro sa pagtanggap ng mga bagong patakaran dahil magbabago din lamang naman depende sa kung ano ang gustong ipalit na polisiya ng mga bagong uupo sa gabinete at lehislatura ng gobyerno.
Halimbawa nito ay ang K to 12 Program, ang PPST na inirekomenda ng BEST sa pamamagitan ng mga pag-aaral ng RCTQ. Idagdag pa rito ang rekomendasyon at madaliang implementasyon ng departamento na maging attached agency ng DepEd ang Transformed NEAP kahit ito ay hindi pa man naaprubahan sa pamamagitan ng lehislatura o kahit isang Executive Order mula sa pangulo.
3. Imprastruktura ng Courses and Training Delivery Modalities
Ang mga professional development courses and training programs ay may iba’t-ibang delivery modalities: face-to-face, online, distance, blended, at self-directed learning. Ngunit hindi nabanggit sa report ng Transformed NEAP kung paano mabibigyan ng panahon ang mga guro na makasali sa mga programang ito. Nabanggit sa NEAP report na kanilang ginamit na batayan ang approaches at institution ng professional development ng mga guro sa Thailand at Malaysia. Ayon sa pag-aaral ni Jamil et.al ang pangunahing balakid na dapat pagtuunan ng pansin ng Ministry of Education ng Malaysia ay ang alokasyon ng oras para sa effective professional development programs. Ang buwanang sweldo ng mga guro sa Thailand ay halos P105,000 samantalang P36,00 to P40,000 naman sa Malaysia. Sa Pilipinas, ang buwanang sweldo ay di hamak na mababa at bukod sa pagtuturo ng anim na oras, marami pang ibang teaching-related activities ang mga Pilipinong guro na kumakain ng kanilang oras hanggang Sabado at Linggo. Kung saan pa isisingit ang oras o scheduled time para sa programa ng Professional Development ay totoong magiging pabigat sa pagkamit ng work-life balance kung hindi matutugunan ang conflict with work schedule at mga responsibilidad ng mga guro sa kanilang pamilya. Isa sa magandang mungkahi ng TeacherPH ay ang pagsulong ng 4-day school week upang maisulong ang malawakang partisipasyon sa mga Professional Development Programs.
Maaaring ang Online delivery na makakapagbigay ng increased accessed ang nakikitang solusyon. Ngunit isa sa mga pangunahing elemento na kailangan ng mga open online courses ay ang imprastuktura ng access sa World Wide Web. Ang connectivity sa Pilipinas ay napakamahal at napakahina sa maraming dako ng mga rehiyon. Kahit pa magkaroon ng access sa broadband, ang mga guro lalo na ang mga nasa probinsya ay walang sapat na connectivity na kinakailangan upang makasali sa mga open online courses na nangangailangan ng napakalaking bandwidth para sa video at interactive virtual discussion Ano pa kaya ang magiging partisipasyon ng mga gurong walang elektrisidad, gadgets o sariling connectivity sa kanilang mga tahanan. Samakatuwid, kahit pa sinasabi sa mga theories na ito ay may potensyal na makakuha ng mas malaking populasyon ng mga guro, ang mga under privileged na mga guro ay walang pa ring kakayanan na makalahok sa ganitong delivery model.
Ang suportang pinansyal ay kinakailangan upang matustusan ang mga pagsasanay na ito. Kahit pa gawing libre ang mga NEAP trainings, sa limitadong budget na ibinibigay ng gobyerno hindi maiiwasang ang halos isang milyong mga guro din ang sasagot sa mga gastusin para dito na kanilang aagawin sa budget ng kanilang mga pamilya. Magmimistulang sapilitan ang partisipasyon sa mga programang ito dahil nakadepende ang promotion at mga insentibo sa mga certification processes ng NEAP. Sa mga ibang bansa gaya ng Malaysia at Thailand, ang pagsuporta nila sa guro ay sa pamamagitan ng dagdag na sweldo o incentive. Ang mga guro pa rin ang magbabayad sa pag avail ng mga trainings. Ayon sa TALIS surveys, walang bansa ang nagbibigay ng kabuuang libreng professional development.
4. Hindi Angkop na Disenyo ng mga Training ayon sa Totoong Pangangailangan ng mga Guro
Malimit na hindi lubos na naiintindihan ng mga nagdidisenyo ng Professional Development Trainings ang kanilang target participants dahil mas nakararami sa kanila ay hindi naman mga guro o kung may karanasan man, hindi sila naging mga guro ng mga pampublikong paaralan sa loob ng mahabang panahon dahil napromote na sila kagad sa matataas na posisyon bago pa maranasan ang napakaraming problema sa mga pabago-bagong implementasyon ng mga polisiya. Halos karamihan sa kanila ay gumagamit ng mga research at benchmarking sa ibang bansa na malimit ay malayo at hindi gaanong angkop sa kulturang Pilipino. Kung ang local na mga karanasan at mga problemang pinagdaanan ng mga paaralan at guro sa bansa ang mas gagamitin na basehan, maaaring magkaroon pa ng mas malinaw na pagkakaunawan at siguradong papupuntahan ang mga professional development. Dahil sa mayroon na silang prejudice na mababa nga ang quality ng halos lahat ng mga guro sa buong Pilipinas, sila na lamang ang nagpapasya at hindi na nagkakaroon ng konsultasyon kung kaya naman hindi nagiging angkop ang mga prinsipyong gamit kung paano sasanayin ang mga guro sa kung ano nga ba ang ganap at totoong pangangailangan nila para umunlad sa pagtuturo. Madalas na nabibigo ang mga guro sa kanilang mga inaasahan sa tuwing sila ay lalahok sa mga seminars at trainings kung kaya’t malimit na sila ay naiinip at mag-aantay na lamang sila sa kanilang kinauupuan na matapos ang mga lecturers sa mga nakababagot na speech.
Ang pagdalo sa mga ganitong pagsasanay ay nawawalan ng saysay sapagkat hindi nagagawaran ng nararapat na gantimpala sa career progression ang mga guro. Ayon sa mga karanasan ng mga guro, nananatiling mababa pa rin ang kanilang katungkulan at hindi nila nakikita ang magandang ibubunga ng kanilang pag lahok sa mga ito sa kanilang job promotion. Limang buwan na lamang ang nalalabi bago ang implementasyon ng mga programa ng NEAP ngunit hanggang ngayon ay wala pang malinaw na guidelines kung paano nga ba mapopromote ang mga guro sa pamamagitan nito.
Hindi lahat ng mga nabanggit na apat na balakid ay maaaring matugunan ng sabay sabay, ngunit kung magkakaroon ng mas malalim na pag-aaral, konsiderasyon, at hindi madaliang implementasyon ng mga bagong programa, mas may patutunguhan ang hinahangad na Quality Professional Development sa lahat ng mga guro sa Pilipinas. Napakaganda ng ibubunga sa bansa at sa mga susunod na henerasyon kung ang lahat ng guro sa kasalukuyan ay magkakaroon ng pag-unlad sa kanilang pagtuturo sa pamamagitan ng pag-angat sa social status at sama-samang pagtutulungan ng mga guro at mga namumuno sa pag buo ng mga polisiya para sa kapakanan ng mga guro.