Home » Buhay Guro » Consequences of DepEd “No Read, No Pass Policy”

Consequences of DepEd “No Read, No Pass Policy”

Basey I Central Elementary School Basey, Samar
Basey I Central Elementary School – Basey, Samar
photo by: mark anthony llego

Dumarami ang nananawagan na magkaroon ng pambansang patakaran na paulitin ng grade level ang mga batang hindi nakakabasa mula pa noong 2014 nang unang nailathala sa mga pahayagan na natuklasang may mga batang nakakarating ng high school na hindi pa marunong magbasa. Tinuligsa ang diumanong umiiral na “mass promotion” sa mga pampublikong paaralan. Hindi rin naiiwasan na ibagsak ang sisi sa mga guro.

Nagpalabas na ng ganitong direktiba ang DepEd NCR sa pamamagitan ng Regional Memorandum No. 067, s. 2014 ngunit hindi ito naging matagumpay. Marami pa rin ang struggling readers sa kanilang rehiyon hanggang ngayon. Kamakailan ay nagpalabas din ng kaparehong polisiya ang DepEd CAR. Gagamitin ang Phil-IRI sa March 2020 upang malaman kung sino ang mapopromote o mareretain.

Ang retention at promotion ay matagal nang paksa ng mga pagsasaliksik sa loob ng maraming dekada. Para sa mga sumusuporta sa early grade retention, dapat daw gamitin ang Phil-IRI na batayan kung karapat-dapat na ipromote sa susunod na grade level ang mga nasa Grades 1-3. Ngunit naniniwala akong may mas mabuti pang pamamaraan bago natin ipataw ang mapagparusang patakaran na ito.

Ang DepEd “No Read, No Pass Policy” ay may short term at long term na epekto na kung saan mas nakahihigit ang mga negatibong epekto. Ayon sa pag-aaral na “The Scarring Effects of Primary-Grade Retention” ni Megan Andrew, pagdudusahan ng mga bata ang kahihiyan ng pagiging repeater at ito ay nagmimimstulang batik sa kanilang educational career. Tumatatak ito sa kanilang isip upang mawalan ng kompyansya sa kanilang kakayanan at ito na rin ang nagtutulak upang sila ay mag drop out (Rumberger, 1995; Smith, 2004; Smith & Shepard, 1987).

Ayon naman kay Guido Scherdt at Matin West, walang malinaw na ebidensya na ang mga test-based retention sa early grades ay nakabubuti paglipas ng maraming panahon, kahit pa sila ay nagawaran ng maraming serbisyo sa kanilang pag ulit ng grade level. Kung gagawing batayan ang Phil-IRI test kung sino ang papasa o ibabalik sa grade level, walang katiyakan kung ito ay magkakaroon ng buting idudulot sa indibidwal na mag-aaral. Ayon nga kay Darling Hammond noong 1998, kapag pinaulit daw ng grade level ang isang bata, hindi ito nangangahulugan na magkakaroon ng mas mataas na kalidad ang pagtuturo sa parehong grade level na kanyang uulitin.

Napatunayan din ni Andrew Huddleston na ang pangunahing biktima ng mga kagayang test-based retention policies ay ang mga ethnic minority, mga batang galing sa mahirap na pamilya, at ang mga mag-aaral na may special learning needs. Kahit pa sabihing may buti rin naming naidudulot ang pagbagksak sa mga bata, hindi pa rin ito maikukumpara sa pagmatagalang negatibong epekto nito sa mga bata na mawalan ng ganang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Pinatunayan din ito ni Megan Andrew. Sa mga batang naretain sa pagitan ng Kindergarten at ikalimang baytang, 60% ang hindi na makakatapos ng high school dahil sa pag drop out.

Alam rin natin na ang bawat retention sa paaralan ay may kaakibat na dagdag gastos sa bawat pamilya at sa pamahalaan. Ipagpahalimbawa na nating para din naman sa kapakanan ng mga bata ang pagbaksak sa kanila, kung wala rin namang interventions upang sila ay mas mabigyan ng mga serbisyong kinakailangan nila upang matuto o maibalik ang gana sa pag-aaral, mas lamang pa rin ang negatibong epekto sa larangan ng mga presyo ng pag ulit.

Anong grade level nga ba talaga dapat nakakabasa ang mga bata? Ayon sa developmental theory ni Jeanne S. Chall, isang eksperto sa pagpapabasa sa mga bata, pagtuntong daw ng mga bata sa grade 4, nagkakaroon na ng shift from learning to read to reading to learn. Ngunit sa kasalukuyang panahon, ayon kay Donna Coch sa kanyang research na “The N400 and the Fourth Grade Shift”, ang grade 4 shift na ito ay nagiging beyond fourth grade at maaaring hanggang adolescence na. Nagpapatunay ito na ang reading skills lalo na ang reading comprehension ay nabubuo sa magkakaibang panahon sa magkakaibang mag-aaral. Hindi nakakabasa ang aking anak noong sya ay nasa Grade 1 ngunit sya ay naging DOST Merit scholar noong sya ay nagcollege, nakagraduate sa engineering course, at ngayon ay kumukuha naman ng abogasya. Sino sa atin ang makakapagdikta kung ano ang hinaharap ng mga batang dumadaan sa ating mga kamay?

Sang-ayon ako na mas marami ang may reading comprehension sa private schools. Mayroon silang access sa mga computer applications gaya ng Rivet apps. Kaya nilang magbayad ng tutors. Marami silang learning materials sa schools. Exposed na rin sila sa English learning area mula pa sa Kinder. Ang mga mas nakararaming mag-aaral na galing sa mahirap na pamilya ay nasa public schools. Ayon nga kay David Burkam at Valerie Lee, ang low socioeconomic status ay pangunahing indicator ng low school readiness skills.

Kung ibabagsak natin ang mga bata na hindi makapasa sa Phil-IRI, bumibitaw na rin tayo sa ating mga kayang gawin pa upang mapabasa ang mga bata. Kanino natin dapat iasa ang matulungan sila na matutong magbasa? Kung tayo ay gagawing instrumento upang sila ay makapagbasa, hindi ba’t mas mainam na gamitan na natin sila ng mga interbensyon habang nasa ating pangangalaga pa upang hindi na nila ulitin ang kaparehong grade level? Maituturing bang mass promotion kung nabigyan naman natin ng karamptang interbensyon ang mga struggling readers?

Paigtingin natin ang mga programa gaya ng pagkakaroon ng child friendly climate sa bawat paaralan. Pahalagahan din natin ang mga high-quality professional development upang mas maging handa tayo sa pagharap sa mga makabagong henerasyon ng mag-aaral. Isali rin natin ang mga community stakeholders upang sumuporta. Unahin natin sa mga magulang upang matutukan ang kanilang mga anak. Sa Caloocan City, nagpapamalas ang kanilang local government ng initiative na magkaroon ng learning materials gaya ng reading workbooks in English ang mga Kindergarten at Early grade levels. Ang mga partnership na gaya nito ang magpapausad sa school upang mas maging epektibo. Masolusyunan na rin sana ang overcrowded at under-resourced classrooms. At nawa ay nakapokus na lamang sa pagtuturo ang mga guro lalo na sa mga humahawak ng early grades. 

Sa mga ganitong paraan, hindi na natin kailangang magturuan at magsisihan at maghanap ng mali sa isa’t-isa. Sama sama nating iangat ang kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng mga munting kontribusyon ayon sa ating mga kakayahan.

Mark Anthony Llego

Mark Anthony Llego, a visionary from the Philippines, founded TeacherPH in October 2014 with a mission to transform the educational landscape. His platform has empowered thousands of Filipino teachers, providing them with crucial resources and a space for meaningful idea exchange, ultimately enhancing their instructional and supervisory capabilities. TeacherPH's influence extends far beyond its origins. Mark's insightful articles on education have garnered international attention, featuring on respected U.S. educational websites. Moreover, his work has become a valuable reference for researchers, contributing to the academic discourse on education.

1 thought on “Consequences of DepEd “No Read, No Pass Policy””

  1. Hi sir… may I just ask you a question in relation to this article? What do you think could be a more realistic solution to the problem? Do you agree with the resolution of pure 3Rs curriculum in Grades 1-3? Because in my personal opinion, I would really agree that no non-reader should be promoted in high school. Thanks.. =)

    Reply

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.