Home » Buhay Guro » Paano ba mahahanap ni teacher ang forever?

Paano ba mahahanap ni teacher ang forever?

Teacher Rey Pagayanan

Aba! Talagang umaaasa ka pa na mahahanap mo ang forever ha. Nagbabasa ka talaga nito. Huwag mag-alala teacher, hindi ko naman sasabihin. Sino nga ba naman ang ayaw makahanap ng forever?

Sa konteksto ng Pilipinas, kapag pinaghalo ang “teacher” at “forever”, iba-iba ang maiisip ng mga tao. May mag-iisip ng matandang dalaga, torpeng binata, closet na bakla, lipstick na tomboy at marami pang iba. Huwag ka munang mag – react sir at maam, hindi ko naman nilalahat. May iba rin namang nag-iisip na may mga gurong masasaya ang love life at nakabuo na ng maayos at masayang pamilya. Paano nga ba? Sa hinaba – haba ng oras sa paggawa ng lesson plan at paiba-ibang template nito, sa dinami-dami ng mga instructional materials na dapat mong ihanda, sa hindi matapos-tapos na paghahanap ng mga learning resources dahil wala pang Teacher’s Guide at Learner’s Material, dinagdagan ka pa ng pa-feeding, pa-SPGO, pa-school paper, pa-SBM at kung anu-ano pa, aba bes, may panahon ka pa ba para mahanap ang forever bago mag-Valentines Day?

The Road to Matandang Dalaga/Binata No More

Kinakabahan ka na siguro Sir/Ma’am. Sina beshies kasi iniimbitahan ka na sa kani-kanilang kasalan at binyag. Nakaka-pressure pa ang tanong na “Ikaw, kailan ka mag-aasawa?” Aminin mo, nasasaktan ka. Araw na naman ng mga puso. Ikaw naman kasi, bigyan mo ang sarili mo ng panahon para sa pagmamahal.

Una, huwag mong pasanin ang mundo. Porke’t breadwinner ka at ikaw ang mag-aahon sa kahirapan ng mundo ng mga kapatid at mga magulang mo ay tatanggalan mo na ang sarili mo ng karapatan na maghanap ng makakasama sa buhay. Buksan ang iyong puso sa mga taong kumakatok at handang dumamay sa iyong mga ipinaglalaban.

Pangalawa, hindi mo mahahanap ang nakatakda para sa iyo sa inaakala mong pang telenobela na istilo. Hanapin mo ang oportunidad na makasalamuha ang mga taong potensyal sa puso mo. Maging bukas sa mga usaping facebook chats, travel buddies, blind dates, friend referrals at iba pang paraan na maiiwasan ang routine mong bahay-iskul-bahay.

Pangatlo, kapag natanggap mo na ang una at pangalawang steps, huwag ka namang choosy. Yung iba naman kasi kahit hindi kagandahan ay naghahanap naman ng mala – Venus o mala – Adonis na hubog at mala – Bill Gates naman ang angking kayamanan. Sa pag-ibig, ang dapat mong tandaan ay kung papaano mo bubuuin ang perpektong buhay kasama ang isa’t isa.

Panghuli, habang naghahanap ka ng forever, huwag mo ring kalimutan ang mga prinsipyong iyo nang nakasanayan. Ibig sabihin, huwag hayaan na magmumukha kang desperado dahil lamang sa paghahanap ng forever. Palaging tandaan na ang iyong mga kaugalian at paniniwala ang siyang humuhubog sa iyo bilang modelo ng mga kabataan. Kung wala na talagang pag-asa ang iyong forever, alalahanin na lamang na may iba kang misyon sa mundong iyong ginagalawan – ang pagtuturo para sa kinabukasan ng kabataan. Ito ang iyong forever.

Basa:

  1. Kung bakit mas magandang umibig ng kapwa guro
  2. Kapag Single Teacher Ka…
  3. Nag-iisa pa rin si Sir (Buod ng isang istoryang may Katapusan)
  4. Magmahal Ka ng Isang Guro
  5. Banghay Aralin ng Isang Gurong Mangingibig

Rey Pagayanan

Bunga ng malikot na isip at bibig, si Rey ay naging gurong trainer, writer, researcher at YOUTeacHer. Bago niyang hilig ang maglakbay. Pangarap niyang bumuo ng proyektong makakatulong sa lahat ng mga kabataan sa lipunan sa pamamagitan ng TravEducate. Tulungan mo siya sa LAKATAN Project niya. Huwag lang basa ng basa.

2 thoughts on “Paano ba mahahanap ni teacher ang forever?”

Leave a Comment

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.